Part 1

5.7K 273 17
                                    


"NO WAY!" kinikilabutang tanggi ni Lucky nang marinig ang alok sa kanya ng best friend niyang si Arn.

Gigil siyang sumubo nang tatlong beses ng kinakain niyang baked mac. Kasalukuyang nasa pantry sila ng opisina ng Vista Realty at nagme-merienda.

"One month lang naman," ungot ni Arn.

"Ayoko."

Nagmakaawa na ito. "Please?"

"Tigilan mo nga ako, Arnulfo!"

"Okay, okay." Nagbuga ito ng hangin, tila desperado na talaga. "I'll pay you."

Natigil si Lucky sa pagnguya. Instantly, nakita niya sa balintataw niya ang imahe ng isang nakapangalumbabang lalaki at ng tatlong tao na nasa pinakamalaking paper bill ng Pilipinas. Na-imagine din niya ang amoy ng bago at malulutong na papel na iyon.

"B-babayaran mo ako?" ulit niya.

"Yes."

"Magkano?" interesadong tanong niya.

Aba, pera na ang pinag-uusapan. Broke pa naman siya ngayon dahil tinulungan niyang magbayad sa ospital ang kanyang Kuya Segundino na inoperahan sa appendix nang nagdaang buwan. Sa isang private hospital ito itinakbo, isang bagay na hindi niya maintindihan gayong kapos sila sa pera. Hindi lang iyon, nadukutan siya nitong nagdaang linggo lang. Nilaslas ang kanyang bag habang naglalakad siya sa isang mall. Nakuha ang wallet niyang naglalaman ng suweldo niya para sa kinsenas. Hayun, halos masaid tuloy ang savings niya. Ang savings na inilalaan niya para sa isang importanteng bagay: ang pagpunta sa India upang bisitahin ang Taj Mahal.

"Twenty thousand."

Ngumiwi si Lucky. "One month akong magpapanggap na girlfriend mo, 'tapos, twenty thousand pesos lang ang TF ko? Alam mo ba kung gaano kababa ang halaga ng piso ngayon? Aba, Arnulfo, ang kunat mo naman! Taas-taasan mo naman ang offer! Hindi kaya madaling umarte. Alam mo namang hindi ako sanay magsinungaling at magpaka-plastic, ano?"

Uuwi daw si Arn sa Tierra Roja, ang bayan sa probinsiya ng Sinagtala kung saan ito lumaki. Magbabakasyon ito roon nang isang buwan at napasubo sa pamilyang matagal nang inuungot makilala ang sinasabi nitong girlfriend. Isama raw nito ang nobya sa pagbabakasyon. Ang problema ay wala talagang girlfriend si Arn at dahil doon kaya nais nitong magpanggap si Lucky bilang nobya nito.

"Fine. Thirty thousand," offer ni Arn.

"Fifty," tawad naman ni Lucky, mabilis na nagkukuwenta sa isip. Baka makapunta na siya sa India!

Pinanlakihan siya ni Arn ng mga mata. "Uy, Lucresia! Akala ko ba kaibigan mo ako?" Itinulak siya nito sa noo.

"Kaibigan nga kita." Inubos na niya ang natitirang baked mac sa kanyang plato.

"'E, bakit ka nagpapabayad sa paghingi ko sa 'yo ng tulong?"

"Hindi nga madali 'yang ipinapagawa mo sa akin. Saka, sa laki ng suweldo mo rito, barya-barya lang 'yan sa iyo, 'no."

Sumuko na ito. "Fine. Basta galingan mo lang ang pag-arte, ha? 'Pag tayo nabuking dahil sa kapalpakan mo, tegi ang TF mo."

Ang lapad ng ngiti ni Lucky. Aba, mukhang pera na kung mukhang pera siya. Ipokrito lang ang taong magsasabing hindi kailangan ang pera sa mga panahon ngayon. Hangin na lang ang libre sa mundo, polluted pa.

"O, bakit ganyan ang tingin mo sa akin?" sita ni Arn sa kanya pagkaraan ng ilang saglit na pagtitig niya sa mukha nito.

Uminom muna siya ng tubig bago sumagot. "Naalala ko lang noong una kitang nakita. Nagka-crush ako sa 'yo, alam mo ba?"

Akin Ka Na Lang SanaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon