Part 11

2.3K 267 24
                                    


HAPON na at nag-iinuman ang mga naiwang empleyado ng Cabron Poultry. Nauna nang umuwi si Carlito, sinunod ang paalala ng anak na bawal na ang alak dito. Nakaisang shot lang ito kanina ng brandy at umeskapo na sa kabila ng kantiyaw ng mga kalalakihan doon. Nagpaiwan naman doon si Lucky at patuloy na nakikipagsayahan.

May videoke roon at nakakatuwang pakinggan ang mga kumakanta, lalo na ang mga trying hard na wala naman talagang boses kagaya niya. Pilit din niyang sinasabayan sa pag-inom si Bella. Tomadora pa yata ang maganda at sexy na babaeng ito! Parang na-challenge tuloy siyang uminom din. Paano, parang hangang-hanga rito ang lahat ng mga tao roon, kahit si Nick.

Ang sabi pa kanina ni Nick sa kanya, "She really rocks!" Si Bella ang tinutukoy nito na ginagawang parang tubig lamang ang Gilbey's. Magaling ding kumanta ang babae na sinasabayan pa nito ng sayaw.

Gusto tuloy manliit si Lucky. Comatose yata siya noong nagsabog ng talento ang Diyos sa sangkatauhan at wala siyang nasalo kahit kaunti. Matigas pa sa poste ng Meralco ang katawan niya at talo pa siya ng mga palakang nag-iingay sa tag-ulan sa pagkanta. Ansaklap!

So, yeah, hindi man niya mahihigitan sa kagandahan o sa pamatay na katawan at talento ang Bella na ito, sa inuman siguro, baka puwede? Kung bakit siya nai-insecure sa babaeng ito. Dahil ba close ito kay Nick? Dahil ba kaagaw niya ito sa atensiyon ng binata?

Nang may tama na sa kanya ang alak ay inilabas na ni Lucky ang hidden talent niya: ang epic na pagkakalat.

Tumikhim siya at bumuwelo sa pagkanta ng "Hohoemi No Bakudan" sa videoke. Opening theme song iyon ng paborito niyang anime noon, ang Yu Yu Hakusho o mas kilala sa pamagat na Ghostfighter sa Pilipinas. Iyon ang napili niyang kanta dahil nga Japanese ang lyrics, okay lang magkamali sa pagbigkas o mawala sa tono. Hindi na siguro iyon mahahalata ng audience niya, saka hindi naman siguro alam ng mga ito ang tamang pag-awit sa kantang iyon.

Pero may audience nga ba siya? Busy kasi ang lahat sa paglamon, pag-inom, at pagkukuwentuhan.

Much better. Wala nang makakahalata sa sintunadong boses niya.

Pero nang pumailanlang na ang intro ng kakantahin ni Lucky ay biglang naghiyawan ang lahat! Naglapitan pa sa likuran niya ang ilan sa mga ito na parang backup dancers niya.

Anak ng putakte! Hanggang dito ba sa probinsiya ay sumikat ang Ghostfighter? Ang siste, ninenerbiyos na tuloy siyang kumanta. Nanginginig ang kanyang boses, tuloy ay para siyang giniginaw na pusa!

May narinig siyang impit na tawanan sa likuran niya. Hala, pinagtatawanan na ang chakang boses niya! Gusto na tuloy niyang tumigil sa pagkanta. Kung bakit ba kasi naisip pa niyang bumanat ng kanta nang dahil lang sa inggit niya kay Bella.

Napasimangot si Lucky nang hindi na niya masundan ang lyrics sa TV screen hanggang sa ibinaba na niya ang microphone. May narinig pa siyang nag-"boo." Ugh. Nakakahiya!

Ngunit nagulat siya nang may humawak sa kamay niyang may tangang microphone at itinaas iyon. Si Nick.

Itinuloy nito ang kanta. Natawa siya dahil gaya niya ay wala rin sa tono sa pagkanta si Nick! Lumakas tuloy ang loob niya at sinabayan niya ito sa pag-awit. Halos magkadikit ang mga mukha nilang nagse-share sa iisang mikropono, duwetong hinabol ang lyrics sa TV screen.

Naghiyawan naman ang mga tao sa paligid nila nang naging ganado na sila sa pagkanta. Mayroon pang mga sumipol. Nang matapos ang kanta ay ganoon na lang ang tawanan ng lahat nang sumulpot ang score nila ni Nick: ten.

"O, perfect ten 'yan!" tumatawang pagmamalaki naman ni Nick, nakaliyad pa talaga ang dibdib.

"Hahatiin pa 'yan sa dalawa. Tig-five points na lang kayo, bossing," tumatawang sabi ng isang lalaking empleyado.

Akin Ka Na Lang SanaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon