“Tagay!”
Awtomatikong napahinto ako at napapikit dahil sa pagtawag ng nag-iisa kong matalik na kaibigan, si Mary Valeria Verdugo na hindi yata alam ang salitang hiya. Nasa kabilang building pa siya habang ako naman ay nasa ibang parte ng kalawakan at uwing-uwi na dahil malapit nang mag-alas cinco ng hapon, kailangan ko pang magpalit ng damit dahil babantayan ko pa ang computer shop ni Madam Lucing na nasa dulo ng Plaza Gibraltar. Pero mukhang mahuhuli yata ako dahil nakita ko na si MV na malapit na sa kinatatayuan ko, hawak-hawak pa niya sa isang kamay ang bunso niyang kapatid na si Zen na halos hindi na nakaapak sa sahig ang mga maliliit nitong paa. Sa kabilang daan sana ako dederetso pero napangiti nalang dahil sa kapatid niyang nakasuot ng patatas costume at may tangan pang feeding bottle.
Ang cute ni Baby Zen!
Kinarga ko agad siya at pinupog ng halik, humahagikhik ito lalo nang sinundot-sundot ko ang pisngi niyang mataba. “Mabuti nalang cute itong kapatid mo,” sabi ko kay MV.
“Kaya nga dinala ko para hindi ka mainis sa akin,” sagot naman niya sabay agaw sa hawak kong handbag na may lamang empty plastic jar. Nagbebenta kasi ako ng polvoron tuwing recess time, dagdag kita na rin para may mabili akong ulam bukas. “Cute ni bunso, ano? Mana kasi siya sa akin.”
“Nalipasan ka na naman yata ng gutom, Beerdugo,” bara ko sabay yakag sa kaniya na umuwi na dahil magbabantay pa ako sa computer shop. Tumalima naman siya at sabay na kaming naglakad pababa sa first floor ng Boadecia Building.
Habang naglalakad ay hindi ako lumilinga sa paligid, deretso lang ang tingin ko sa harap dahil naririnig ko na ang mga bulong-bulungan ng ilang mga estudyante tungkol sa akin. Ganito lagi sa tuwing uwian, parang nakabantay na sila kapag dadaan na ako sa hallway, minsan nadadamay na rin si MV dahil sa akin. Kaya ayaw ko rin siya kasabay dahil pati siya ay pinagtritripan rin. Inaakala tuloy nila na isang sponsor student din si MV kagaya ko pero hindi, galing siya sa isang mayamang angkan mula sa Pontevedra na nagmamay-ari ng isang nickel mine na based dito sa Pilipinas at isang emerald mine na based naman sa Europa.
Sa katunayan nga ay kadalasan out of place ako sa grupo, kaibigan ko rin kasi si Ambrosia Xenaki na isang wine heiress at si Cyrene Valerio na galing rin sa isang angkan na nagmamay-ari ng isang steel company sa Bulgaria. Kung may quiz type siguro na spot the difference in the group, malamang ako ang naiiba.
Wala akong inheritance o assets man lang sa pangalan ko. Isa lang akong ulila na nakatira sa bahay ampunan na malayo sa sentro ng Gibraltar. Napadpad ako roon simula nang mamatay ang Tatay noong Grade 5 pa lang ako. Hindi ko na namulatan ang nanay dahil binawian na raw siya ng buhay dala ng maraming komplikasyon sa kalusugan isang araw pagkapanganak sa akin. Mabuti nalang at may magandang loob na tumulong sa akin na makapag-aral sa isang malaking unibersidad dito sa Gibraltar.
Wala akong ideya kung sino pero ang sabi raw ay makikilala ko rin kapag nagtapos na ako sa kolehiyo. Kaya naman bilang ganti ay nag-aaral ako ng mabuti para hindi magsisi ang taong ‘yon na tinulungan niya ako. At nang sa ganoon ay mapapasalamatan ko rin siya pagdating ng panahon.
“H’wag mo na silang pansinin, Tags,” alo sa akin ng kaibigan ko. Isang kiming ngiti lang ang naging sagot ko. Sanay na rin naman ako sa kanila. “Ang mahalaga, maganda tayo kaya don’t effect.”
“Anong effect?” takang tanong ko.
“H’wag pa-apekto, ganern.”
Napapailing nalang ako sa kaniya at natawa, kakaiba talaga ang humor niya. Minsan naiisip ko na hindi bagay sa kaniya, ang striking kasi ng mukha ni MV tapos kuwela kausap. Ang weird ng combination minsan. “Hindi mo ba kasabay na uuwi ang tatlong itlog?” tukoy ko sa tatlo niya pang mga nakababatang kapatid na babae na schoolmate din namin.