S I M U L A

2.3K 115 272
                                    

“Malapit na ang pista, magbubukas pa rin ba ang hacienda para sa lahat?”

“Aba, siyempre,” sagot ko habang nakaupo sa tapat ni Cece, pinsan ko. Nasa talampas kami ngayon at kasalukuyang nagpapahinga pagkatapos ng clearing namin dahil sa dumaang bagyo. Maraming puno ng Mahogany at Yakal ang natumba at nagkalat kaya naman inabutan na kami ng dapit-hapon sa pagkukuha ng mga pinutol na mga kahoy. “Tradisyon na natin na buksan ang buong hacienda para sa mga tao.”

“Iyon na nga, kaso palaging wala rito si Ronnie dahil sa uri ng trabaho niya. Nahiyang na siguro sa ciudad ‘yon,” tukoy naman niya sa isa pa naming pinsan na nakadestino sa Fuerteventura.

Hindi ko rin masisi si Ronnie lalo pa at mataas na ang ranggo niya bilang pulis. Minsan nga ay umuwi siyang sugatan at puno ng pasa, halos hindi ako magkaundaga na pasinungalingan si Tiya Audra na sabihing nasa maayos na lagay ang unica hija niya. Ako ang natatakot para sa kaniya dahil sa uri ng trabaho niya. Ang buong akala ko nga ay siya na ang mamahala nitong hacienda kaso nag-iba ang takbo ng isip, imbes na tutukan, pumasok siya pagiging pulis at sa akin inihabilin habang nasa malayo siya. At ngayon nga ay nagtataka na kami kung bakit hindi pa siya umuuwi gayong dalawang linggo na lang ay pista na rito sa bayan namin.

“Baka tumawag na siya kay Tatay Gary, tena at nang makapagpahinga na rin tayo,” yakag ko at tumayo na. Ayaw ko nang hintayin pa ang paglubog ng araw dahil medyo delikado ang daan pababa, maraming puno ang nakaharang sa regular na ruta namin kaya sa may bangin kami dadaan kung saan ang labasan ay ang kanlurang bahagi ng plantasyon ng piña. Malapit ito sa daan pabalik ng mansiyon. “Siya nga pala, kumusta na ‘yong visa application mo ulit para sa ibang bansa?”

“Denied pa rin,” malungkot na wika ni Cece, tinapik ko nalang siya sa likod bilang simpatya. “Malaki yata ang galit ni Amboy sa akin dahil sa pambabasted ko sa kaniya.”

Pareho kaming napatawa sa sinabi niya lalo pa at matagal nang nagpapahiwatig ang immigration officer na Kano sa kaniya. Napadpad kasi ‘yon dito nang minsang may hinahanap ang dating girlfriend pero sa kasamaang palad, nakapag-asawa na pala ng iba. Kaya naglasing doon sa may kabaret ni Aling Petra at saktong naroon din kami para sunduin ang isa naming kasamahan sa hacienda. “Well, that’s the power of love at first sight. Unang tingin, sagupaan daw agad.”

“Tse,” saway niya pero natatawa pa rin. Ito naman kasing si Cece, pinaasa si Amboy kaya nang mabagok ay ginantihan na rin siya. “Pero mas maiba ako, Gin. Alam mo, sayang ‘yong pag-aaral mo. Matalino ka pa naman, wala ka ba talagang balak bumalik sa pag-aaral?”

“Gusto ko pero, alam mo naman na hangga’t pulis pa si Ronnie, hindi ko puwedeng iwan ‘tong hacienda,” sagot ko sabay tingin sa kaniya. Nakuha niya siguro agad ang ibig kong sabihin dahil bigla niya akong inirapan at binilisan na ang paglalakad. “OA mo, Cerveza. Wala pa naman akong sinasabi.”

“Heh, alam ko na sasabihin mo. Kaya nga ako aalis kasi gusto kong mag-abroad, malay mo naman at nasa ibang bansa pala ang kapalaran ko.”

“Bakit ka pa lalayo, nariyan naman si Afam.” buska ko pa sa kaniya.

Mas binilisan pa niya ang paglalakad  kaya napailing ako. Sumunod nalang ako sa kaniya at saktong pababa na kami sa gilid ng burol nang sinalubong kami ni Deo na may dalang malaking flashlight. Mabuti naman at may liwanag na, medyo masukal at madilim kasi sa parteng dinaanan namin ni Cece, natakot ako at baka may maapakan kaming mga ahas. Kahit na maaga kaming umuwi, naabutan pa rin kami ng gabi sa daan.

“Bakit dito kayo dumaan at hindi sa kapatagan?” agad na tanong niya sa amin. Oo nga pala, ano? Napakamot nalang ako sa ulo nang mapagtanto ang sinabi niya. “Ay, nga pala, tumawag na si Señorita. Sa makalawa na raw siya makakauwi dahil may malaking kaso pa raw silang tatapusin.”

“Wala na ba siyang iba na sinabi?”

“Meron, may bisita raw siyang darating bukas. Ang sabi ni Señorita ay ikaw daw ang sasalubong sa kanila.”

Nagkatinginan kami ni Cece, himala naman at may i-uuwing bisita si Ronnie dito. “Sino raw? Mga pinsan ba niya sa kabila?”

“Hindi, eh,” sagot pa ni Deo sabay iling. Sino kaya? At alam na kaya ng Tiya Audra itong gagawin niya? “Taga-Gibraltar daw.”

“Gibraltar?” ulit ni Cece sa sinabi ni Deo. “Ay, yayamanin. Baka kaibigan lang din ni Ronnie?”

Nagkibitbalikat lang si Deo habang ako naman ay natahimik na. Sinadya kong magpahuli dahil bigla kong naalala ang lugar na ‘yon na naging malaking parte ng buhay ko. Sa totoo lang naman, sa Gibraltar ako lumaki dahil doon nag-settle ang mga magulang ko. Bumalik lang ako rito sa    La Concordia dahil na rin sa mga pangyayari noon na nagpabago ng malaki sa buhay ko.

“Gin,” mahinang tawag ni Cece sa’kin. Tumango lang ako at tinanong kung nasaan na si Deo, sabi niya ay bumalik na muna sa kuwadra para magsara. “Babae raw ang bisita natin dito bukas.”

Nagsalubong ang dalawa kong kilay, “babae? Ngayon ko lang yata narinig na may iuuwi si Ronnie na babae rito sa hacienda.”

“Kaya nga, pero baka ito na talaga. Seryosohan na siguro dahil iuuwi na, eh.”

Napatango-tango nalang ako bilang sang-ayon sa sinabi niya. Kung sinuman ang babaeng ‘yon, suwerte niya dahil mabuting tao si Ronnie. “Siguro totoo talaga ang sinabi niya dati sa atin na hanggang friends lang talaga ang turing niya kay Antonia Goncalvez.

“Sayang, ganda pa naman niya. Tsaka, tatakbo raw na alkalde ngayong paparating na eleksiyon.”

May pinag-usapan pa kami ni Cece nang makabalik na si Deo, sabay na kaming tatlo na pumasok sa mansiyon. Lilinisan daw kasi muna namin ang katapat na kuwarto ni Ronnie para sa bisita niya bukas. Nagreklamo pa si Cece, bakit daw hindi nalang sa kuwarto mismo ni Ronnie tutal doon din naman daw ang bagsak. Nagkatawanan lang kaming tatlo dahil sa pagiging malisyosa niya.

Buong gabi kaming naglinis, bandang alas diez na ng gabi kami natapos at kumain ng hapunan. Sobrang late na kaya pagdating sa mga kuwarto namin ay bagsak agad kami sa kama. Taimtim akong nakatitig sa kisame habang iniisip ang Gibraltar, kumusta na kaya ang mga taong nakilala ko noon? Kumusta na kaya ang best friend kong si Valeria? Siguro successful na siya ngayon at may character development na.

“Gin, sa tingin mo, mabait kaya ang bisita ni Ronnie?”

“Hindi ko alam, bakit? Anong gagawin mo kapag hindi?”

Napabangon siya sa kama at sumimangot, “naku, ‘wag siyang mag reyna-reynahan dito at baka matawag ko si Antonia para asarin siya.”

Pumikit nalang ako at sinabihan siya na huwag nalang isiping masiyado ang bisita. Kung ano man ang magiging ugali no’n, si Ronnie na ang bahala. At kami ay di-distansiya dahil parehong ayaw namin ng bad vibes.

Pero ako yata ang napaisip ng matindi lalo nang makita ko na mismo kinabukasan ang bisita ni Ronnie. Nakatayo siya sa gitna ng living room ng mansiyon na may mga pasa sa mukha at may cast ang isa niyang braso. But those cuts and bruises didn’t taint a bit of the beauty she possessed. With her arching, thick eyebrows, dark lashes, rosy lips, well-defined jawline, and eyes shaped like almonds that glisten in green, blue and hazel under the rays of the sun.

Dione Rafiq still looked the same as the last time I saw her.

Mysterious and irritatingly gorgeous.

Dione RafiqTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon