Chapter 23

81.2K 3.7K 2.5K
                                        

ANONG ORAS NA?


7:00 PM pa lang sa aking kulay pink na wallclock. Saglit lang pala akong nakatulog. Hindi ko na maalala kung ano ang aking naging panaginip, basta ang alam ko lang ay nagising ako na masakit ang dibdib.


Bumangon ako sa kama at naligo. Nagmamadali ako sa pagbibihis nang kumatok si Mommy sa pinto. "Vi, bilisan mo. Kanina ka pa hinihintay ng kuya mo."


"Opo, pababa na po ako." Pagkabihis ay hindi na ako nag-abala na magsuklay. Katulad ng mga nagdaang araw, tinali ko na lang basta ang aking basang buhok.


Pagbaba ko ay si Papa lang ang nasa sala. Nagkakape siya. Ni hindi niya ako tiningnan kaya nilampasan ko siya.


Si Mommy ay nandoon na sa kusina. May dala siyang mangkok na may lamang tinola. "Hindi yata masarap ang luto ko," malungkot niyang sabi sa akin. "Hindi kinain ni Vien, eh."


Nagkabara ang lalamunan ko. Nilampasan ko na rin si Mommy at lumabas ako sa aming bakuran.


Sa labas ay maliwanag na maliwanag. May tent na malaki, mga bilog na mesa at mga upuan, na lahat ay pahiram mula sa barangay. Marami ding tao, kundi mga kapitbahay namin ay mga estudyante. Ang weird na ngayon pa naging ganito kabuhay ang bakuran namin. 


Lumapit sa akin ang dalawang estudyanteng lalaki. Nakasuot pa ng uniform na katulad ng school uniform ni Kuya Vien. Ang isa sa mga ito ang nagsalita, "Hello. Ikaw ba iyong kapatid ni Vien?"


Tumango ako. 


Lumungkot ang anyo nito. "Mga kaklase kami ni Vien. Nakikiramay kami..."


Tumiim ang mga labi ko at muling tumango. Hindi lang ang mga ito ang lumapit sa akin, may mga bagong dumating pa na pumalit sa mga naunang umalis.


Mula pa noong nakaraan tatlong gabi ay ako ang humaharap sa lahat ng dumarating. Ako ang tumatanggap ng pakikiramay. Pangatlong gabi na pero parang hindi pa rin totoo.


Hindi ko pa rin matanggap. Parang ayaw ko pang tanggapin.


"Vi." Lumapit sa akin si Eli. Hawak niya ang tray na may lamang mga walang laman na paper cup. Kinuha niya ang mga iyon mula sa bakanteng mesa.


Si Eli ang kasama at katu-katulong ko rito. Katulad ko ay ilang araw na siyang absent sa school. Pareho kaming pagod at palaging puyat.


Maliit ko siyang nginitian. "Thank you, Eli."


"Maliit na bagay lang ito." Ngumiti siya pero ang ngiti niya ay malamlam. "Maliit na bagay lang para sa kuya natin."


Paroo't parito ang mga nakikipaglamay. Lahat ay sumisilip sa kabaong na nasa harapan. Mabuti pa sila, nakakaya nilang silipin ang dahilan ng lamay na ito... Samantalang ako, kahit lumapit ay hindi ko magawa. Hindi kaya ng loob ko.


Sariwa pa rin sa isip ko kung paano nawala sa akin ang aking nag-iisang kapatid. Yakap ko lang siya sa backseat ng kotse ni Daddy, ang higpit ng yakap ko sa kanya, pero nawala pa rin siya.

Serial CharmerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon