CHAPTER 1
“Ano ba 'yan, Karina? Bakit d'yan ka sa kainan natulog? D'yos ko kang babae ka!”
Nagising ako sa sigaw ng kaibigan ko. Kahit kailan talaga distorbo sa pagtulog nitong burara na ito! Hindi tuloy mahaba ang naging tulog ko.
Oh my god! Nakatulog ako?
Nawala agad ang antok na nararamdaman ko nang mapagtanto kong nag-aaral pala ako para sa midterm exam namin bukas. Oh, shit. Tinulugan mo 'yong pagrereview, Karina. Baka hindi ka pumasa n'yan bukas!
“Anong oras na ba?” kaagad na tanong ko kay Anya. Nakaupo pa rin ako sa upuan sa dining table at nakakalat na ngayon ang mga notes at printed copies ko sa mesa at sa sahig. Bwisit talaga, hindi pa ako kontento sa nalalaman ko, eh! Pakiramdam ko kulang pa ang mga napag-aralan ko tapos natulog lang ako!
“Alas singko na, Ina.” sagot niya habang nagtempla ng kape. “Ito, magkape ka muna. Magrereview ka pa ba? Anong oras ba exam mo?” agad kong kinuha ang baso ng kape na inihanda n'ya para sa akin at walang pagdadalawang isip na uminom kahit mainit-init pa. Tama 'yan, Karina. Magising ka!
Hindi kami parehas ng schedule ni Anya sa midterm exam since hindi rin naman kami parehas ng course na kinuha. Tourism Management ang kinuha ko, Entrepreneurship naman ang sa kaniya.
Napangiwi na lamang ako. Mainit na nga, mapait pa. Bwisit talaga, kaya minsan wala akong tiwala kay Anya, e! Hindi man lang nag-abalang lagyan ng kahit kurot ng asukal.
“Tanginang 'yan, ang pait naman! Ikaw ha, huwag mo nga idadamay ang kape ko sa kabitteran mo.” inis na sabi ko habang masama ang tingin sa kaniya at inilapag ang kape sa mesa. Talagang nagising nga ako. Black coffee ba naman tas wala pang pampatamis.
“Hala, sorry, Ina. Nakalimutan ko lagyan.” tugon nito. “Sorry na, peace na tayo.”
“Ang sama tuloy ng lalamunan ko! Wala na ba tayong stock ng asukal, Anya?” inis na bulyaw ko sa kaniya at dali-daling kumuha ng baso at nagsalin ng tubig para mawala na ang pait sa lalamunan ko. For sure, inubos niya yung isang stick ng black coffee kaya ganito ka lala. Bwisit na Anya!
“Sorry na nga. E kase, nakalimutan ko, e. 'Di bale mamaya, pagkatapos ng exam, libre kita Dunkin's at milktea.” napangiti na lamang ako sa alok niya. Kaya gustong-gusto kong nagkakasala s'ya sa'kin, e. Malilibre ako ng paborito ko. “Ano oras ka matatapos?”
“Tatlong exam kami ngayon, e. Siguro alas tres, tapos na lahat.”mahinahong tugon ko. “Dapat talaga ay i-libre mo ako, ang laki ng pinsalang ginawa mo.”
“Ikaw, Karina, napakaover-acting mo! Magluto ka ng breakfast d'yan!” maarteng sigaw n'ya sa akin at kaagad na umalis. For sure, excuse niya lang 'yang pagwawalk-out n'ya para ako ang makapagluto ng breakfast namin ngayon..
Nagluto na kaagad ako ng bacon, hotdog at itlog. As usual, the original Pinoy breakfast na hinding-hindi mawawala. Nagligpit na rin ako ng notes at printed copies ko at inilagay iyon sa plastic envelope. Iiwan ko na lang ito since hindi na rin ako makakapagrereview.
“Ina, gala daw tayo mamaya kina Tal, may party at inom.” saad ni Anya nang makalabas ito sa banyo galing sa pagligo. Talaga nga namang kapag inom ang pag-uusapan, hinding-hindi magpapakabog ang isang Natania Ysabel Figueroa Ramirez!
Umiinom rin naman ako pero sobrang kaunti lang. Maliban na lang talaga kung kasama namin 'yung isa pa naming kaibigan, talagang uuwi ka ng lasing at wala sa sarili.
“Celebration sa bago nilang branch. Sasama ba si Candice?” tanong ko sa kaniya habang inilalapag sa mesa ang pagkain. Nag-aalala talaga ako tuwing kasama si Candice sa mga inom-inom, e. Uuwi talaga akong lasing! Sana magbago na siya, d'yos ko!
