Kabanata I

1 0 0
                                    


 "Pahingi naman po ng limang piso", aniya isang batang paslit na kumulbit sa aking tagiliran. Karga-karga nito ang isang sanggol na sa palagay ko ay kanyang kapatid. Tirik na tirik ang araw sa mga oras na iyon. Dumukot ako sa aking bulsa at nakakuha ng isang dalawampung piso. Agad ko itong inabot sa kanya at sinabing, "Ibili mo ito ng pagkain ha? Pasensiya ka na at iyan lamang ang mayroon ako." Kita ko ang pag-aliwalas ng kanyang mukha at sabay ngiti sa akin. "Maraming salamat po sa inyo." Ngumiti rin ako at tumugon, "Walang anuman. Mag-iingat kayo." Pag-alis ng mga ito ay hindi ko maiwasang madismaya. Minsan, iniisip ko na paano nagagawa ng mga tao na magsilang ng anak na hindi naman nila kayang bigyan ng magandang buhay? Hindi naman sa pagmamataas at pagiging masama. Hindi ba't mahirap maging mahirap? Bakit kailangan pa iparanas sa iba ang mga bagay na sana naman ay hindi na lang ginawa. Mga bagay na sana iniwasan na lamang lalo at hindi naman pala kaya tumanggap ng responsibilidad.

Tumingin ako sa aking paligid. Narito nga pala ako sa Sitio Manisang sa Bulacan. Ayaw ko naman sanang pumarito, ngunit wala naman akong ibang mapupuntahan. Utos sa akin ng aking Tiya Uma na pumunta na raw muna ako sa kanyang kapatid na si Tiyo Mario at doon manuluyan. Hindi na raw niya ako kayang patirahin sa kanila dahil marami na siyang pinapakain. Ayos lamang naman din sa akin dahil ayaw ko na rin naman sa bahay nila dahil ginagawa lamang akong utusan ng kaniyang mga anak. Minsan pa ay hindi nila ako pinapakain kahit na naglinis na ako ng buong bahay at kahit ako na ang sumagot ng aktibidades, proyekto, at pagsusulit ng kaniyang anim na anak. Napabuntong-hininga na lang ako sa mga hindi magandang pangyayari na naaalala ko.

Patuloy ako sa paglalakad nang may napansin akong batang tumatakbo sa kalsada. Wala itong saplot, at halos wala na itong laman. Buto-buto ang kaniyang likod at puro sugat pa. "Ano ba namang buhay ito.", aniya sa aking sarili. Naaalala ko ang sarili ko sa kaniya. Ganyan na ganyan din ako dati. Mayamaya pa ay may tumakbo rin na babae na sumunod dito na tila ba ay nanay nito. Mukhang bata pa rin ito. Siguro nasa labinglima o labinganim lamang na taong gulang. Sinundan ko sila ng tingin. Tumigil ang bata sa isang mahabang pila kung saan ang mga tao ay pumipila para sa tubig. "Mahirap din pala ang tubig dito." Napansin ko rin na pati ang ibang nakapila ay halos buto't balat na rin. Matapos kong magmasid ay naisipan ko nang magpatuloy sa paglalakad. Ilang kanto na lamang naman ay makakarating na ako sa bahay nina Tiyo Mario.

"Hoy, Isay!", tawag sa akin ni Miko, ang panganay na anak ni Tiyo Mario. Nakasalubong ko siya. May dala-dala siyang dalwang timba at sa palagay ko ay pipila rin siya doon para makaipon ng tubig. "Sabi ni Tatay ay paparito ka nga raw. Sandali at sasamahan na muna kita sa bahay bago ako mag-igib." "Oo. Pansamantala muna akong maninirahan sa inyo. Salamat. Tutulungan na rin kitang mag-igib ng tubig mamaya."

Pagkarating na pagkarating namin sa kanilang bahay ay sinalubong ako ni Tiya Marissa, ang kanyang ina, at ang asawa ni Tiyo Mario. "O, Isay, ang laki-laki mo na! Noong huli kang nakapunta rito ay mga limang taon ka lamang at kasama ka pa noon ng nanay mong-..." Hindi niya naituloy ang kanyang sinasabi. Alam ko naman kung bakit. Napakamot na lang ako sa aking batok sa bahagyang pagkahiya. "Ah eh, mamaya na pala tayo magkumustahan at magkuwentuhan. Sasamahan na muna kita sa iyong tutulugan para makapagpahinga ka. Alam kong nakakapagod bumiyahe ng anim na oras.", pag-iiba niya ng usapan. "Sige po, Tiya. Ibababa ko na lamang po ang mga gamit ko. Hindi naman po ako napagod sa biyahe. Tutulungan ko rin po si Miko na mag-igib ng tubig sa poso sa labas.". "O, siya sige. Ikaw ang bahala." Sinundan ko siya sa itaas at pumunta sa aking tutulugan. "Dito ka na lamang makituloy sa kwarto ni Mina, ha? Nasabihan ko naman siya kahapon na darating ka. Siya maiwan muna kita rito." "Sige po, Tiya. Maraming salamat po."

Sa totoo lamang ay ayaw ko sana makituloy sa silid ni Mina, ang bunsong kapatid ni Miko. Hindi kasi kami magkasundo. Ramdam ko na ayaw niya sa akin. Hindi ko lamang alam kung bakit. "Isay!", tawag muli sa akin ni Miko. "Halika na at mag-iigib na tayo sa labas." Agad akong kumaripas ng takbo paibaba. Kumuha rin ako ng dalawang timba na kulay asul. Bago kami lumabas ay napatingin ako sa orasan. "Alas syete pa lang pala ng umaga."

Sa paglalakad namin ni Miko ay napansin kong nakatingin ang mga tao na nadadaanan namin sa akin. Napansin ito ni Miko at sumenyas na lang sa akin na huwag ko na lamang pansinin. Hindi na ito bago sa akin. Madalas naman talaga akong napapansin dahil sa aking mata, paa, at kamay. Kirat kasi ang kaliwa kong mata at hindi na nakakakita. Magkakadikit ang aking mga daliri sa kaliwang kamay. At dahil buhat-buhat ko ang mga timba ay talagang kapansin-pansin ito sa paraan ng aking pagbubuhat. Madalas din natitingnan ang pamamaraan ko ng paglalakad. Hindi pantay. Magkakadikit din kasi ang mga daliri ko sa paa at maliliit pa. "Bakit ba kasi ako sinubukan ipalaglag ng aking ina at hindi itinuloy.", tanong ko sa aking isip. Maluha-luha na naman akong naaalala ang mga nakaraan.

Mahirap Maging MahirapTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon