Prologo

55 3 0
                                    

Tila ipo-ipo silang tinangay ng mga pangyayari. Kay daming kaganapan sa loob lang ng isang gabi. Ni hindi pa nga niya napagpapasyahan kung anong damdamin ang mangingibabaw. Ang tanging pumupukaw sa kanyang pansin ngayon ay ang nag-uumapaw na mga taong nakatitig sa kanila at nagbubulungan sa may di kalayuan sa isang hardin sa may labas ng Intramuros. Dama niya ang pananabik ng madla habang hinihintay nila ang magiging kahihinatnan ng kanyang pangkat.

Kagabi lang, matagumpay nilang pinasok ang Intramuros at niloob ang Palacio del Gubernador, ang cabildo, at maging ang Katedral. Napatay din nila ang kinamumuhiang si Don Fernandez de Folgueras, ang dating Gubernador Heneral na nagpatapon sa kanilang mga insulares at creoles sa Mindanao. Marami ang sumanib sa kanilang pag-aalsa at maging ang mga mamamayan ay nagbunyi sa kanilang pagdating habang isinisigaw ang kanyang pangalan. "Viva el Emperador Novales!" ang namutawi sa kanilang mga bibig. Halos matawa nga siya nang marinig niya iyon, at napagkamalan tuloy ng mga kasamahan niyang nagagalak siya sa paghirang sa kanya. Ang totoo ay hindi naman niya pinangarap na maging emperador. Nais nga niyang pabagsakin ang pamahalaan dito sa Pilipinas—ang pamahalaan ng Espanya—sapagkat palubog na ang araw ng imperyong ito. Sa katunayan, ang Virreinato de Nueva España, na dating nangangasiwa sa Capitania General de Filipinas, ay tumiwalag na dalawang taon lang ang nakalilipas, kaya't nailipat sa pamahalaan sa Madrid ang pamamalakad ng buong kapuluan. Ngunit ang kabalintunaan! Hinihirang pa siyang waring si Kristo na maluwalhating tinanggap sa Herusalem!

Ngunit kagabi iyon. Kung si Kristo ay may Hudas, ganoon din siya, at ito ay sa katauhan ng kanyang kapatid na si Mariano. Pinaligiran nila ang Fuerte de Santiago at ang katapat nitong Baluartillo de San Francisco Javier at hinimok ang kapatid—na siyang pinuno ng mga sundalo roon—na sumanib sa kanilang pag-aalsa. Ngunit sa kahulian ay nagmatigas si Mariano at nanatiling tapat sa Espanya.

O, mahal kong kapatid! Bakit mo kami ipinagkanulo?

Naalala niya ang kalituhang naganap kagabi nang sumapit din sa wakas ang karagdagang kawal mula sa Pampanga kasama ang Gubernador Heneral. Ang hinirang na emperador ay nadakip habang nagtatago sa Puerta Real. Naging mabilis din ang hatol sa kanya at sa dalawampu't isang sarhentong kapanalig niya habang nalusaw ang bunton ng mga taong sumusunod sa kanila.

Malapit nang mag ika-lima ng hapon, ngunit maalinsangan ang panahon nitong buwan ng Hunyo, taong mil ochocientos, veintitres. Nakatayo silang lahat sa gilid ng pader malapit sa Puerta del Postigo. Suot pa nila ang kamisa at pantalon na ginamit nila kagabi, ngunit hinubaran sila ng kanilang mga uniporme at botas. Umaalingasaw ang pinaghalong amoy ng pulbura at natuyong pawis na nanunuot sa kanilang damit. Wala rin silang kinain buong magdamag habang sila'y nakapiit, at tanging tubig lang ang dumampi sa kanilang mga dila at lalamunan. Biglang sumagi sa kanyang isipang mas mapalad pa si Kristo at tumagal ng ilang araw ang paghirang sa kanya ng mga mamamayan ng Herusalem samantalang siya ay wala pang isang araw!

Napabaling siya sa madla, at may ilan siyang namukhaan. Nakilala niya ang Tsinong nag-alay ng pancit sa kanila sa may Aduana na walang hininging bayad. Ngayon ay naglalako ito ng kanyang pancit sa mga naroroon. Napansin din niya ang sakristan mayor na nagbukas ng pintuan ng Katedral sa kanila. Ngayon ay sinasabayan niya ng rosaryo ang isang matandang babaeng inip na inip sa pagpapaypay gamit ang mamahaling abaniko. Naroon din pala si Don Timoteo, na kagabi lang ay kumakaway pa sa kanila kasama ang kanyang buong pamilya sa asutea ng bahay nila sa Calle San Juan de Dios.

Ngunit nanigas siya nang dumapo ang kanyang tingin sa isang babaeng indio na wala pang dalawampung taon. Nakabalot ng belo ang kanyang buhok habang ang kanyang baro't saya ay gusut-gusot. Nakatitig din ito sa kanya na para bang tulala at hindi kumikibo. Ang mga kamay nito ay nakahawak sa kanyang lumalaking sinapupunan. Di niya tuloy napigilang tumagas ang luha sa kanyang mga mata habang pinagmasdan ang kanyang asawang si Caridad na tangan ang di pa naisisilang na anak.

Biglang tumigil ang mga bulungan nang dumating mula sa Plaza de Armas ang nagmamartsang dalawang hilera ng mga kawal ng Fuerte de Santiago, ang bawat isa ay may bitbit na bayoneta. Huminto ang mga ito sa tapat nila at nanatiling nakatayo nang tuwid. Tumabi sa mga kawal ang kanilang comandante, matikas ang tindig habang nakakapit sa espadang nakasukbit sa kanyang baywang. Sa isang hudyat, may mga lumapit na Guardia Civil sa kanila at piniringan ang kanilang mga mata. Ang huli niyang nakita sa mundong ito ay ang asawa niyang biglang naalimpungatan at dagliang ginalaw ang mga labing parang may sinasabi sa kanya ngunit di niya marinig. Namayani ang katahimikan sa buong kapaligiran habang ang tanging naulinig niya ay ang mga papalayong yabag ng mga Guardia Civil.

At sa kahuli-hulihang sandali, nanumbalik ang kanyang sigla at tapang nang maalala niya ang kanilang ipinaglalaban. Inasahan din niyang maaaring humantong sa ganito ang kanilang kapalaran, ngunit napagpasyahan niyang hindi siya magpapatinag.

"Simula lang ito!" ang sigaw niya sa wikang Espanyol. "Magiging halimbawa kami ng mga kasamahan ko sa pakikipaglaban sa kalayaan—"

"Fuego!" sigaw ng comandante, at hindi na natapos pa ni Andres Novales ang nais niyang sabihin.

Ang Ikalawang Emperador ng PilipinasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon