CHAPTER ONE

198 1 0
                                    

HINANG-HINA man ang pakiramdam ni Emily ay patuloy pa rin siya sa pagtakbo. Bukod sa isang araw na siyang hindi kumakain ay bugbog-sarado pa siya kaya naman sumusuray siya sa pagtakbo. Wala siyang pakialam sa mga dahon at sangang tumatama sa kanyang mukha at binti. Kailangang makalayo siya sa lugar na iyon bago pa magising ang walanghiyang si Rocco. Pinagsisisihan niya ang araw na bumilis ang tibok ng puso niya para kay Rocco. Lahat ng pasakit ay naranasan niya mula nang piliin niyang ibigin ito.

Nagawa siya nitong linlangin dahil sa galing nitong mambola. Mayaman ang angkang kinabibilangan nito kaya naman akala ng lahat ay napakasuwerte niya nang piliin siya nitong pakasalan dalawang taon na ang nakalilipas. Tama, dalawang taon na siyang nagtitiis sa piling nito.

Ulila na siya dahil namatay sa aksidente ang kanyang mga magulang noong labing-anim na taong gulang pa lamang siya. Nabunggo ng isang ten-wheeler truck ang jeep na sinasakyan ng mga ito habang pauwi sa kanila. Kasama ang mga ito sa nasawi sa trahedyang iyon. Pero dahil sa nag-iisang kamag-anak niyang natitira, si Tiyo Celso na kapatid ng kanyang ama – na naobligang tumustos sa mga gastusin niya – ay nakapagtapos siya ng pag-aaral.

Unang taon niya noon bilang guro sa pampublikong paaralan sa bayan ng Sariaya nang makilala niya si Rocco Gamboa. Ang buong akala niya ay ito na ang katuparan ng pangarap niyang muling magkaroon ng masasabing pamilya. Inisip niyang katulad din niya ito dahil nalaman niyang namayapa na rin ang mga magulang. Ngunit hindi pala ito isang pangarap kundi isang bangungot.

Natuklasan niyang isa pala itong drug lord pagkatapos ng tatlong buwan nilang pagiging mag-asawa. Ito ang nagsu-supply ng droga sa halos lahat ng lugar sa CALABARZON kaya ganoon na lamang ito kayaman. Nang malaman niya iyon ay kinumbinsi niya itong tigilan na ang masasamang gawain at mamuhay sila ng tahimik. Pero hindi siya nito pinakinggan bagkus ay binubugbog pa siya nito kapag gumagamit ito ng droga. Mabuti na lamang at pinatigil na siya nitong magturo nang magpakasal sila dahil gusto raw nitong nasa bahay lamang siya palagi, kung hindi ay makikita ng lahat ang mga pasa niya sa mukha at katawan.

Malambing naman ito kapag walang tama ng droga, pero mas madalas itong palaging bangag kapag umuuwi sa bahay nila kaya naman palagi siya nitong nasasaktan. Ikinukulong pa siya nito sa kwarto at madalas na nakakalimutang pahatidan ng pagkain. Hindi niya magawang makapagsumbong sa tiyuhin dahil natatakot siyang baka magulo pa ang tahimik na buhay nito.

Naawa na sa kanya ang mga katulong kaya naman kahit na takot din ang mga ito kay Rocco ay tinulungan na siya ng mga itong tumakas sa mansion. Tulog ang kanyang asawa nang isagawa ng mga ito ang plano. Binigyan ng mga ito ang mga gwardiya ng kape na may halong pampatulog. Pagkatapos ay uminom din ang mga ito ng pampatulog para hindi paghinalaang kasabwat niya. Hindi siya pwedeng mahuli dahil bukod sa masasayang ang pagtulong sa kanya ng mga ito ay tiyak na papatayin na siya ni Rocco.

Narinig niya ang pag-uusap ng mga tauhan nito na may bago raw babaeng kinahuhumalingan ang walang-puso niyang asawa. Kaya naman bago matapos ang linggong iyon ay dapat na siyang idispatsa ng mga ito.

Pinahid niya ang mga luha na hindi maampat ang pagtulo sa kanyang pisngi. Huminto siya nang mapansing malapit na siya sa highway. Nakita niyang may kotseng paparating. Agad na iniharang niya ang sarili sa gitna ng kalsada habang kinakawayan ang sakay niyon. Nakasilip siya ng pag-asa nang huminto ang sasakyan sa harap niya. Bumaba ang sakay niyon na isang lalaki, mukhang hindi ito nagmula sa kanilang bayan sapagkat hindi ito pamilyar sa kanya.

"Miss, may problema ba?" tanong nito.

Hahakbang na sana siya palapit dito nang biglang may sumaklot sa kaliwang braso niya. Nilingon niya ang may-ari niyon at nanghilakbot nang makita ang asawa niyang madilim ang anyo. Namumula pa ang mga mata nito at may hawak na baril ang kaliwang kamay.

HER SCARRED HEART (Soon To Be Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon