Paano mararamdaman ang mainit na enerhiya na dulot ng malamyos na himig ng pasko kung puso at gabi ay magsing-lamig?Nakadungaw sa bintana, sa kalangitan ay ako'y malungkot na tumingala. Kasabay ng paghampas ng malamig na hangin sa aking mukha ay siyang pagpatak ng mga luha sa aking mga mata.
Habang buhay kong pagsisisihan ang mga nagawa ko sa iyo, mahal ko.
Nabalik ako sa reyalidad nang biglang may kumatok sa aking pintuan.
"P-pasok," mahina kong saad habang ako'y nagpupunas ng luha.
Dahan-dahang bumukas ang pintuan at iniluwa nito ang aking babaeng apo na nasa labing-limang taong gulang.
"Maligayang pasko, lolo!" masigla niyang bati.
Patakbo siyang lumapit sa akin at niyakap ako nang mahigpit.
"Lolo, pinapatawag ka na po ni mommy sa 'baba. Mag sasalo-salo na po raw tayo sa Noche Buena."
"Gano'n ba? Sige, mauna ka na doon at susunod nalang ako."
"Po? Sabay nalang po tayo lolo."
"Sige na apo, ayos lang."
"Hindi po, bakit parang malungkot po kayo lolo? Napapansin ko lang po na ganito po kayo tuwing sasapit ang pasko. Ayos lang po ba talaga kayo?"
Hindi.
"Aba'y ano bang pinagsasabi mong bata ka? Siyempre ayos lang ang iyong lolo."
Pilit akong ngumiti.
"Oh, kita mo?" pangungumbinsi ko.
"Hindi po talaga. May problema po ba?"
"Wala naman apo, pero alam mo dahil makulit ka, k'we-kuwentuhan nalang kita. Gusto mo 'yon?"
"Sige po! Nagagalak po ako dahil matagal-tagal na rin po tayong hindi nakakapagkuwentuhan!"
Bahagya akong natawa, sumenyas ako na umupo siya sa dulo ng aking kama. Sumunod naman siya, pagkatapos ay umupo ako sa aking paboritong upuan na nasa gilid lamang ng bintana ng aking silid. Ngayon ay mag kaharap kaming dalawa, pinagmasdan kong mabuti ang kaniyang inosenteng mukha lalong-lalo na ang kaniyang mapupungay na mga mata.
Kamukhang-kamukha mo talaga.
"Apo, alam mo ba kung bakit ako malungkot tuwing pasko?"
"Hindi po, lolo."
"Pwes, ngayon ay magkakaroon ka na ng ideya"
"Hindi ko po kayo naiintindihan."
"Sisimulan ko na?"
"Opo!"
"Nalulungkot ako tuwing pasko dahil naaalala ko ang paboritong istorya na nabasa ko noon. Alam mo naman na mahilig ako sa mga libro, hindi ba?"
"Opo, talaga po? Masiyado niyo po yatang dinibdib ang istoryang iyong nabasa lolo. Pero, anong istorya po ba iyon 'lo?" naguguluhan at kunot-noo niyang tanong.
"Ang istoryang iyon ay tungkol sa dalawang magkasintahan na hindi pantay ang antas ng kanilang pamumuhay."
Nang marinig ang panimula ng kuwento ay sumilay ang ngiti sa kaniyang labi, "Oh, parang sa mga pelikula lang po," natatawa niyang tugon.
"Oo, subalit iba to. Nang dahil sa magkaiba nilang antas ay napilitan silang magmahalan nang patago. Mayaman ang lalaki at mahirap lamang ang babae, umabot ng ilang taon ang kanilang pagsasama."
"Nakakamangha! Umabot ng ilang taon, nahuli po ba sila 'lo?"
"Oo. Tama, apo. Sa dalawang dekada nilang pag sasama ay nahuli sila ng pamilya ng lalaki. Ang nangyari ay pinaghiwalay sila dahil hindi katanggap-tanggap ang kanilang relasyon sa mata ng mga mahaharlikang pamilya."
"Ang lungkot naman po. Tapos po?"
"Walang nagawa ang lalaki kung hindi ang iwan ang kaniyang pinakamamahal at sundin ang utos ng kaniyang magulang. Masakit sa parte ng lalaki dahil hindi niya naipaglaban ang kaniyang kasintahan. Mas lalo siyang nasaktan nang malaman niya na dadalhin siya sa Europa upang doon ipagpatuloy ang kaniyang buhay. Hindi rin nag tagal ay nalaman din ng babae ang balitang iyon at dahil do'n ay tuluyan na siyang nawalan ng pag-asa na magsasama pa silang muli ng kaniyang sinisinta."
Parang tinusok ng sampung karayom ang aking puso nang maalalang muli ang mapait na sinapit ng magsing-irog. Naninikip ang aking lalamunan na tila ba ay pinipigilan ako nitong mag salita. Ngunit, ang lahat ng ito ay hindi ko ininda at nagpatuloy pa rin ako sa pagk'wento.
"Hala, ano pong kasunod lolo? Tumuloy po ba ang lalaki? Paano na po ang kanilang relasyon?"
"Oo apo, tumuloy ang lalaki. Sa pangalawang pagkakataon ay naging duwag ulit siya. Nasa Europa na ang lalaki noon at ilang buwan ang nakalipas ay may natanggap siyang kakaibang sulat. Sulat na nang galing sa kaniyang kapatid."
"Ano pong nakalagay sa sulat, lolo?"
"Nakalagay sa sulat na nag dadalang tao ang kaniyang kasintahan at sa kasamaang palad ay nalaman ito ng kanilang magulang kaya nais nila itong ipapatay dahil ito'y mag dudulot lamang ng labis na kahihiyan sa kanilang pamilya."
"Hala!"
Nanlaki ang kaniyang mga mata at tumaas ang tono ng kaniyang pananalita dahil sa pagkabigla.
"Dahil sa sulat na nabalitaan ay nagpakatatag ang lalaki at dali-dali siyang bumalik sa Pilipinas upang ipagtanggol ang kaniyang mag-ina. Ngunit huli na ang lahat dahil sa kaniyang pagbalik ay nalaman niyang wala ng buhay ang mga ito. Umaapaw ang galit at panghihinayang sa kaniyang puso at sinisisi niya ang kaniyang sarili sa pagkawala ng kaniyang anak at pinakamamahal na katipan."
Ibinaling ko ang paningin sa bintana at sa kawalan ipinako ang mga mata.
"Kinaumagahan noon ay may sulat na naman siyang natanggap mula sa isang matalik na kaibigan, nang mabasa ang sulat na iyon ay mas lalong lumaki ang dagok sa kaniyang puso."
"Bakit po? Ano pong nasa sulat?"
"Nalaman niyang hindi tunay na nag dadalang tao ang kaniyang kasintahan... "
"Jusko po..." kasabay ng kaniyang paghikbi ay ang pagkawala ng mga luha sa aking mga mata na kanina ko pa pinipigilan.
"At alam mo ba kung ano ang pinakamasaklap apo? Ang kaniyang pinakamamahal na kasintahang pinatay dahil sa isang pagkakamali ay ang kaniyang matagal na nawawalang babaeng kapatid..."
"Po?! Ibig sabihin ang babaeng kasintahan ng lalaki ay siyang matagal na nawawalang kaniyang... k-kapatid?"
"Siyang tunay."
"Hala! At pinapatay po siya mismo ng kaniyang mga tunay na magulang..."
"Kaya ako malungkot tuwing pasko dahil sa pasko rin nangyari ang lahat ng iyon. Alam mo ba kung sino ang pangunahing tauhan sa kuwentong iyon?"
"Hindi po, sino po? Talaga nga namang kay lawak ng imahinasiyon ng may akda!"
"Hindi, apo..."
"Ano po?"
"Ang pangunahing tauhan sa likod ng mapait na kuwentong iyon ay ako, apo."
—Wakas—
BINABASA MO ANG
Istoryang Pasko Ni Lolo.
KurzgeschichtenAn entry to Write-A-Thon December Challenge: Christmas without Merry. (WINNER) 🏆 (EDITED) Isang istoryang naka tago sa isang baul na matagal ng nakakubli na siyang dahilan upang hindi makamit ang mga minimithi. May mabubunyag kayang mga lihim at s...