CHAPTER 11: To Where It All Began

2 0 0
                                    

Bago pa nagsimula ang mga pangyayari sa kasalukuyang kwento...

Hatinggabi. Nagliliwanag ang mga ilaw sa siyudad na mas maliwanag pa sa mga bituin at hugis-suklay na buwan sa maaliwalas na kalangitan. Kaliwa't kanan ang tunog ng mga busina sa kalsada, walang humpay na trapiko sa bawat sulok ng kanto, highway, maging sa eskinita. Nagtataasan ang mga gusali, animo'y nag-uunahan sa pag-abot nito sa langit. Ngunit sa likod ng mga ito ay ang kumpul-kumpol na mga bahay-bahayang gawa sa mga rurupok nang mga kahot at nangangalawang yeri na nakapalibot sa mga ilog ng siyudad. Mga tao na palakad-lakad sa tabi ng daan kahit oras na ng pahinga at tulog... Mga pulubi at walang matitirhan sa siyudad na nakahiga lamang sa gilid ng kalsada gamit ang maruruming karton ni wala man lang telang pantakip sa kanilang nanlalamig na katawan... Mga pusa at asong gala na nangungukay ng mga tirang pagkain sa mga basurahan... Mga basurang kung saan-saan lang nilalagay... Lahat ng mga magaganda at hindi kaaya-aya ay makikita lamang dito sa lugar na ito. Ito ang kanyang paglalarawan sa siyudad kung saan siya naroroon.

Malamig ang simoy ng hanging humihip sa buhok ng Tagapaglikha. Nakatayo siya sa pinakamataas na gusaling kanyang unang nakita habang pinagmamasdan niya ang mga pangyayari sa kanyang ibaba. Animo'y nanonood lamang siya ng mga langgam na umuuwi sa kanilang lungga habang dala-dala ang kanilang mga pagkaing nakuha. Ganyan niya kung ituring ang mga tao, namumuhay lamang ayon sa kung ano ang inuutos sa kanila ng kanilang kalikasan. Wala siyang nararamdamang kahit ano, maging awa man o kasamaan ay hindi niya ito kayang maintindihan. Ngunit, ang kanyang emosyon ay nakasalalay lamang sa kung sino ang taong mararamdaman niya na may pinakamabigat na pagnanasa o hangarin sa isang bagay.

Isang mabigat na buntong-hininga ang kaniyang binitiwan. Inisip niya kung gaano siya kabagot sa kanyang sitwasyong kinaroroonan niya ngayon. Hindi siya pwedeng tumupad ng ibang kahilingan dulot ng mabigat na pagnanasa sa ibang tao dahil may dapat siyang gawin. Inisip niya na bakit pa pinangalanan siyang Tagapaglikha kung hindi niya magagampanan nang maayos ang kanyang tungkulin. Walang saysay ang pangangalaga niya sa mga Konsepto kung hindi niya ito magagamit pansamantala.

Patuloy pa rin niyang pinagmamasdan ang mga tao at sasakyan sa ibaba. Parang nililibang niya ang mga mata niya sa mga nagsasayawang ilaw na binubuo ng mga ito. Patuloy pa rin niyang nararamdaman ang mabagal na pag-ihip ng hangin sa itaas. Patuloy pa rin niyang naririnig ang mga busina sa ibaba. Hanggang sa hindi niya ito maramdaman pa. Tila tumigil ang oras sa kanyang paligid. Nawala ang lahat ng kanyang nadama. Napapikit siya kasabay ng pagsinghal niya sa kawalan. Dahil alam na niya kung ano ang daloy ng sitwasyong kanyang haharapin.

Kulay ginto ang paligid. Ngunit mga enggranahe lamang na umiikot-ikot ang pumapalibot sa kanya. Ang mga kalansang ng mga ito na ang kanyang naririnig. Kasabay nito ay ang tila tunog ng isang lumang orasan habang umiikot ang mga "daliri" nito at ang kaluskos ng mga buhangin na tila marahan itong binubuhos. At tama nga ang kanyang hinala, isang napakalaking orasan ang bumungad sa kanyang harapan. Isang orasang walang tigil sa pag-ikot, bawat segundong pumapatak ay isang batingaw ang katapat ng boses na ito. At katabi nito ay ang iba't-ibang uri at disenyo ng naglalakihang hourglasses, tatlo sa bawat gilid nito na nagsisilbi nitong haligi, lahat ng mga ito ay may pare-parehong buhos ng buhangin sa loob nito. Alam ng Tagapaglikha kung saan na siya dinala ngayon, at alam na niya kung sino ang nagdala sa kanya dito.

"Bakit mo ako dinala sa lugar na ito?"

"Batid mo na kung bakit kita pinapunta dito," umaalingawngaw sa paligid ang isang boses ng isang babae na siyang sumagot sa kanyang tanong.

"Hindi ko na pala batid na hindi mo na ginamit ang wikang kinasanayan mo," sarkasmong bitiw ng Tagapaglikha.

"Wala akong oras sa mga patutsa mo, Tagapaglikha!"

To Love In Altered Time (THE THREE CONCEPTS SERIES #1)Where stories live. Discover now