Author's Note: A long update after a long while! Sorry, was busy fixing my life chenes hahaha. Need to tend to my backlogs pero had to do this update kasi long overdue na siya. Anyways, enjoy!
"Leni, ang gwapo-gwapo niya talaga!" Impit na tili ng matalik niyang kaibigan. Napairap na lamang si Leni habang pinipilit ang sarili na intindihin ang binabasang reviewer para sa long quiz nila ngayong araw.
"Ana, kesa matunaw iyang tinititigan mong lalaki, magbasa ka nalang muna ng notes ng lesson natin kahapon para naman may masagot ka mamaya. Huwag ka nang kokopya ulit sa akin, baka ma-expel na tayo kapag nahuli ulit tayo." pangaral niya habang hindi tinatanggal ang tingin sa kanyang notebook. Umirap na lamang ang kanyang kaibigan bilang tugon.
"Alam mo, wala talagang excitement 'yang buhay mo!" padabog na binunot ng kaibigan ang sarili nitong notebook upang magsimula nang magbasa, at napangisi lamang siya sa inasal nito.
Makalipas ang tatlong oras, umugong ang ingay habang palabas na ang klase.
"Kainis! Tama dapat ako sa number five, eh! Ang hirap hirap talaga kumbinsihin ng katabi ko. Isang letter lang naman 'yung mali, bwisit!" maingay na reklamo ni Ana. Halatang wala ito sa sarili kaya kinuha nalang ni Leni ang payong nito na nahulog sa ilalim ng mga upuan.
Tinitigan lang ni Leni ang kaibigan habang nakipagsiksikan sila palabas ng classroom. Sa mga ganitong pagkakataon naiisip niya na wala siyang kwentang kaibigan dahil hindi naman siya pala-kausap. Malimit ay nagmamasid lang siya sa kanyang mga kaibigan.
May pwersa ang bawat pindot sa selpon ng kanyang kabigan habang naglalakad sila sa mataong hallway. Ganunpaman, nanatiling siyang tahimik habang tinitingnan ang kaibigan. Ilang sandali pa lamang ay hinawakan siya nito sa kanang braso kaya napatigil siya sa gulat.
"Naku! Leni, sorry, hindi pala ako makakasabay sa 'yo kasi may practice game 'yung crush ko ngayon sa gym. Magsisimula na ngayon kaya hindi talaga kita mahahatid sa gate. Babawi ako bukas, lilibre kita ng turon. Bye! Ingat ka!" Sabay takbo nito nang matulin. Napahinga na lamang siya ng malalim sa bilis ng pangyayari. Ngayon, mag-isa na lang siyang uuwi. Marami mang gaganapin sa unibersidad dahil sa intramurals, wala naman siyang interes manood sa kahit anong sports event. Wala rin naman siyang hinahangaan gaya ni Ana. Kaya malimit na bahay at paaralan lang ang destinasyon niya araw-araw.
Baka nga tama ang si Ana, wala talagang exciting sa buhay niya.
Habang papalapit na siya sa gate at binubuksan ang kanyang bag upang kunin ang kanyang wallet, bigla niyang naalala ang payong ng kaibigan na kanya pa ring dala-dala. Mabilis siyang umikot at bumalik sa kanyang dinaanan upang ibigay ang payong.
Nasa tenga ang kanyang cellphone at mabilis ang kanyang lakad nang bigla siyang nahilo at napaupo. Tila may tumamang bagay sa kanyang ulo.
"Sorry, Miss!" Hawak-hawak pa niya ang kanyang ulo nang may umalalay sa kanya patayo. Tumingala siya at isang di-pamilyar na mukha ng isang matangkad na lalaki ang sumalubong sa kanyang mata.
"Sorry talaga. 'Yung mga gagong teammates ko kasi, tinapon ang bola. Natamaan ka tuloy. Okay ka lang?" agad na kumulo ang kanyang dugo pagkatapos marinig ang explanation ng basketbolista. Marahas niyang inilayo ang sarili sa lalaki, pinulot ang mga nahulog na gamit, at inirapan ito habang nagpatuloy siya sa paglalakad.
Hinihingal pa siya habang ginagala ang tingin sa bleachers ng university gym. Kalaunan ay natagpuan niya ang kaibigan at pinuntahan ito.
"Ana! An- Excuse me!" Pahirapan ang pag-akyat sa pwesto ni Ana kaya matiyag siyang nakisiksik sa kabila ng ingay at dami ng tao.
"Ana! ANA!" sigaw niya. Narinig naman siya nito at sinenyasan pa siyang lumapit. Nang tumabi na siya sa kaibigan ay hinawakan nito ang magkabila niyang balikat at niyugyog ito.