MAY & DECEMBER

3.9K 195 49
                                    

Nakatitig lang si Vince sa kisame ng parisukat na silid na iyon. Nahihimbing ang babae sa tabi niya, na maliban sa nakatakip na naninilaw na puting kumot ay walang ibang saplot sa katawan. Inabot ng kamay niya ang mahaba nitong buhok na nakadantay sa unan. Wala sa loob niyang hinaplos haplos ang buhok nito. Dito, sa parisukat na silid na ito, nandito ang paraiso ni Vince. Magulo ang buhay sa labas. Maraming iniisip. Maraming inaalala. Pero dito kasama ni Stella, dito siya masaya.

Inabot niya ang kaha ng sigarilyo sa may bedside table. Kumuha siya ng isang stick, sinindihan. Humitit, bumuga, habang ang isang kamay niya patuloy pa ring humahaplos sa buhok ni Stella.

Gustong gusto niya ang buhok ni Stella. Mahaba, paalun-alon, malambot. Bagay na bagay sa ganda nitong hindi niya maiparis sa iba. Naalala niya pa, isang taon na ang nakaraan, nung una niya itong makilala. Sa classroom yun noon, hindi na niya maalala kung ano ang lesson, nakatuon lang ang pansin niya kay Stella. Ang daming babae sa loob ng silid, pero walang pakialam si Vince sa kanila. Malinaw sa kanya na si Stella ang pinakamaganda.

Kahit kelan hindi niya inisip na papansinin siya ng babaeng ito. Masaya na siya noon na pinapanood lang ito sa malayo. Pero tignan mo naman, eto siya, andito kasama niya. Hubad ang katawan at bukas ang puso. Ang babaeng ito. Ang personal na paraiso niya.

Gumalaw ang babae. Ang kamay niyang humahaplos sa buhok  nito, hinawakan nang mahigpit.

“Anong oras na?” tanong niya.

Patuloy sa paghitit ng sigarilyo si Vince. Nginitian lang niya ng tipid ang babae, pero hindi niya sinagot ang tanong.

“Hindi nga, anong oras na?” Napabalingkwas ang babae sa kama, inabot ang shoulder bag ang dali-daling hinanap ang cellphone para tignan ang oras.

“Vince, alas tres y medya na! Di ba may pasok ka ng alas tres?” tarantang sabi nito.

“Ok lang yun. Hindi na lang ako papasok. Wala ka na ring pasok di ba?” Sabi niya sabay lahat ng mga braso dito, banayad ang boses at puno ng lambing. Pero hindi natinag ang babae. Nakatingin lang ito ng masama sa kanya.

“Hindi ka na naman papasok? Pano yung lecture na mamimiss mo?”

“Wala akong mamimiss. Si Verceles lang naman yun eh. Nakikipagkuwentuhan lang yun sa blackboard. Yung blackboard ang hindi dapat absent. Ako, ok lang.”

“Pasukan mo pa rin yun. Second take mo na, di ba? Sayang yung pan-tuition uy!”

Umiwas ng tingin si Vince. Ito eh, ito ang sumisira sa paraiso niya. Yung pagkatapos ng lahat, bigla na namang ipapaalala ni Stella ang realidad. Basag na naman ang ilusyon.

“Psh. Ano ka ba, girlfriend o Nanay? Ang kulit mo eh.” Pabiro lang niya dapat ibibitaw yung mga salita, pero inirapan siya ni Stella.

“Hindi mo ako Nanay.” Matigas na sabi ni Stella. “At hindi mo ko girlfriend.”

Ibinalot nito ang kumot sa katawan saka tumayo mula sa kama. Isa isang nitong pinulot ang mga damit sa sahig, saka nagsalita, “At wag kang mag-alala. Sa susunod na semester Nanay mo na lang talaga ang mangungulit sayo.”

Parehas silang natahimik. Naubos na ang hinihithit na sigarilyo ni Vince. Iniwan niya ito sa ashtray, sabay abot ng kaha para kumuha ng panibagong stick.

“Ayan ka na naman sa paninigarilyo mo eh. Di ba sabi ko, bawal yan pag magkasama tayo?” Kinuha ni Stella ang isang kamay niya at inilapat sa tiyan nito.

Hindi na nakipagtalo pa si Vince. Tinanggal niya ang kamay sa tiyan ni Stella. Itinapon niya agad sa ashtray ang bagong sinding sigarilyo. Hindi siya tumingin kay Stella, pilit pinagtatakpan ang lungkot na konting udyok lang ay sasabog sa dibdib niya.

“Wala ka na talaga next sem?” tanong niya habang pinaglalaruan ang mga upos ng sigarilyo sa ashtray.

“Oo. Baka dun na lang muna ako sa bahay. Alagaan ko na lang ang pagbubuntis ko.” Sagot ng babae.

“Pero babalik ka pa?” pamimilit niya, kahit na alam na niya ang sagot, paulit-ulit na nilang napag-usapan.

“Baka matagalan. Iniisip ko ngang pumirmi na lang ata sa bahay. Pero pinag-iisipan ko pa.”

“Pano yang…anak ko?” maingat na sabi niya, parang may bumara pa sa lalamunan niya sa huling dalawang salita.

Malutong na tawa ang sagot ni Stella sa sinabi niya. “Hindi mo anak to. Anak to ng asawa ko. Di ba sinabi ko na sayo yun?”

Gusto niyang singhalan si Stella. Gusto niyang sabihin na alam naman nilang pareho na hindi pwedeng maging anak ng asawa niyang baog yung nasa sinapupunan niya. Pero alam niyang masasaktan si Stella kapag sinabi niya yun, kaya ang sinabi na lang niya,

 “Psh. Hindi ka naman sigurado eh.”

Natawa ulit si Stella. Nanlilibak na tawa. Condescending. Yung tawa na ibibigay mo sa batang naniniwalang siya si Superman.

“At bakit, kung sayo ba to, kaya mo bang buhayin?”

“May trabaho naman ako ah.”

“At ano? Titigil ka sa pag-aaral, ganun? Anong ipagmamalaki mo sa anak mo kung hindi ka nakatapos?”

Tinignan niya sa mata ang babae. “So anak ko nga yan?”

Hindi ito sumagot, bagkus ang inabala ang sarili sa pagbibihis. Marahan nitong sinuot ang palda at blusa, ingat na ingat sa pagbabalik ng butones habang tahimik lang siyang pinapanuod ni Vince.

“Wag mo na ngang prinoproblema ang mga bagay na walang kinalaman sayo.” kunwa’y sabi nito. “Ang magandang gawin mo ngayon, magbihis ka at pumasok sa klase mo. Isang taon na lang, bata, graduate ka na! Baka naman magpa-extend ka pa!”

“Tuguegarao. Ang layo nun.” Sabi niya, hindi pinansin ang sinabi ng babae. Nang hindi siya sagutin, sabi niya, “Bakit aalis ka na? Maaga pa ah.”

Tinatali na ni Stella ang mahaba niyang buhok na ilang minuto lang ang nakaraan ay hawak-hawak ni Vince sa mga kamay niya.

“Maagang uuwi si Roger ngayon. Magluluto pa ako.”

May kakaibang kislap sa mata ni Stella nang mabanggit niya ang lalaki. Dati hindi ganun. Dati malungkot siya, at si Vince ang kaligayahan niya. Pero ngayon nabaligtad na ang sitwasyon, at ayaw tanggapin ni Vince sa sarili, pero yun ang totoo.  

“Hindi na kita makikita.” Sabi niya. Hindi patanong, malungkot lang na paglalahad ng katotohanan.

“Skype na lang kita paminsan-minsan. Alam mo naman yung email ko di ba?”

Umiwas ng tingin si Vince. Hindi nagsalita. Ibinalik niya ulit ang tingin sa kisame, na para bang may pinapanuod siyang interesante duon at wala siyang oras makipag-usap.

“Oh, aalis na ko. Alagaan mong sarili mo. Mag-aral kang mabuti!”

Ilang segundo pa , tumalikod na si Stella at tuluyan nang lumabas ng kuwarto.

Inabot ni Vince ang kaha ng sigarilyo at dumukot ng isang stick. Sinindihan. Humitit. Bumuga. Eto siya ngayon, tahimik, mag-isa. Hubad ang katawan at bukas ang puso sa parisukat na silid kung saan niya huling natamasa ang paraiso niya.

“Psh.” Pasinghal na bulong ni Vince. “Oo na po, Ma’am.”

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Mar 03, 2013 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

They Say It's Wrong (One Shots)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon