3 | Mageia Academy

50 13 0
                                    

Zarriah Emmanuel

Nagtatakang inilibot ko ang tingin sa buong paligid. Halos mapuno ito ng mga bulaklak na kulay asul na para bang pinasadya ang pagpapatanim ng mga iyon. Tanging ito lamang ang mas nangingibabaw maliban sa mga luntiang dahon ng mga ito. Sinubukan kong tumayo habang di pa rin tapos ilibot ang aking tingin sa napakagandang tanawin.

Nasaan ako? Isa ba itong paraiso?

Nagsimula akong maglakad habang namamangha pa rin sa tanawing nasa paligid ko. Doon ko lang din napansin na nasa malapit na parte pala ako ng isang napakalinaw na sapa. May kung anong saya ang bumalot sa puso ko at agad na lumapit dito. Hinawakan ko ang laylayan ng aking suot na bestida. Isa itong kulay puting bestida na halos natatakpan ang aking dalawang paa sa sobrang haba. Nakasayad ang laylayan nito sa mga damong aking nalalakaran. Buong galak akong lumuhod sa gilid ng tubig upang tunghayan ang aking sariling repleksiyon.

Halos makita ko ang aking sariling repleksiyon sa sobrang linaw ng tubig. May kung anong muwebles akong suot sa aking ulo at nakatali ng maganda at maayos ang aking mahabang buhok. Maraming palamuti ang nakasabit sa aking leeg pero para bang sanay na sanay ang leeg ko sa kabigatan nito.

Mapupugay na mga mata at isang tunay at napakatamis na ngiti ang nakaukit sa repleksiyon ng aking mukha sa tubig. Isang ngiti na nagpapakita ng tunay na kasiyahan.

Napatingin ako sa aking kamay na nakatukod sa gilid ng sapa ng bigla itong dapuan ng isang kulay puting paru-paro. Wala sa sariling muli akong napangiti at sinubukang hawakan ang paru-paro. Namangha ako ng hindi man lang ito pumitlag at tila hinayaan lamang ako nito na mahawakan siya.

Napakagandang paru-paro! Mula sa kulay puti nitong kulay ay nakalitaw ang maliliit na linyang itim sa pakpak nito. Nang muli itong lumipad ay napangiti na lamang ako at sinundan ito ng tingin hanggang sa makalayo ito sa akin.

Naisipan kong tumayo na at muling maglakad-lakad. Hindi pamilyar ang lugar at hindi ko rin alam kung saang lupalop ng lupain ako napadpad.

Subalit ang kasiyahan na aking nararamdaman ay bigla na lamang napalitan ng pagkatakot ng unti-unting nagbago ang buong paligid.

Mula sa napakalinaw at asul na kalangitan ay napalitan iyon ng kulay dugo dahilan kung bakit dumilim ang buong paligid. Ang kaninang mga bulaklak na kulay asul at mga luntiang dahon ng paligid ay nawala na lamang na parang isang bula. Napalitan iyon ng mga malalaking bato at mga patay na punong-kahoy.

Ang masasayang huni ng ibon ay napalitan ng mga nakakatakot na kaluskos.

Napaatras ako bigla. Binalot ng matinding takot at kaba ang aking buong sistema. Nagpalinga-linga ako sa paligid ng muling marinig ang mga kaluskos na hindi ko alam kung saan nanggagaling. Nagpatuloy lamang ako sa pag-atras hanggang sa kusa na lamang huminto ang aking mga paa.

Doon ko lang din napagtanto na nasa gilid na ako malapit sa bangin. Para bang niligtas lamang ako ng aking mga paa upang di tuluyang mahulog dito.

Muli akong nagpalinga-linga sa buong paligid upang hanapin ang pinagmumulan ng mga kaluskos. Rinig na rinig ko rin ang malakas na pagtibok ng aking puso.

Wala akong kaide-ideya sa mga nangyayari sa paligid ko. Ang kaninang mga kaluskos ay palapit ng palapit sa aking kinaroroonan kaya mas lalong dumoble ang aking kabang nararamdaman. Hanggang sa tuluyan ko ng nakalimutan na nasa gilid lamang ako ng bangin kasabay ng muli kong pag-atras.

Mageia Academy: School of Peculiar | Ongoing Where stories live. Discover now