KABANATA 1
Tatlong araw magmula nang nangyari iyon ay hindi pa rin natigil si Cera sa kakasumpa sa kabilang strand. Hindi naman malaking bagay 'yon kung iisipin.
"Anong hindi eh tignan mo ang itsura mo, half-Darlynn at half-siopao," hirit ni Madrid sa aking likod.
Nasa ikalawang row kami nakaupo ni Cera habang sa panghuli naman si Madrid kasama ang karamihan sa lalaki naming mga kaklase.
"At isa pa, Darlynn. Big deal ka kaya! Pambato ka namin tuwing may contest kaya paano na lang kung maalog ang utak mo?" si Leslie, seatmate ko sa kanan.
Natuwa ako sa concern ng buong klase pagkapasok ko sa room noong Lunes. Halos sumulong na sila sa STEM 11-A kung hindi lang pinigilan ng mga officers. Ganito rin sila sa iba pa naming mga kaklaseng naaagrabyado sa labas.
Ika nga nila, one for all, all for one.
Isang rason ang maliit na bilang namin kumpara sa ibang mga strand. Kami lang ang may isang section sa bawat Grade kaya parang kapamilya na ang turing namin sa isa't isa.
Hinimas ko ang aking pisngi na hindi na masyadong namamaga. "Pagaling na rin 'to. Kaya mag-move on na tayong lahat."
Ngumisi si Cera. "Dagdag na 'yan sa mahabang listahan ng sumbatan kung magkairingan man sa paparating na intrams. One point for Humanistas!"
Sinaway ko ang kaniyang sigaw. "Tama na 'yan, Cera. Sana maging mapagpasensya tayo sa kapwa natin lalo na sa panahon ngayon. Gusto mo ba ng WWIII?"
"Konting-konti na lang ay aalayan na kita ng sampaguita sa paanan mo, Darlynn. Sana naman mahawa sa'yo 'tong si Rid na puro chiks inaatupag," sabat ni Harold na nakaupo katabi ng kaniyang tinutukoy.
Sitsit ng aming presidente ang nagpaharap sa amin sa pintuan.
"One more noise from your group and I will report you to our adviser. Dinadaldal n'yo pa si Miss Figuracion!" pagalit na sita ni Venice na nakuha pang banggitin ang aking apilyedo.
Nagsilayuan naman ang mga nakapaligid sa akin at kaniya-kaniyang bulong ng mga reklamo na parang bubuyog.
Nang dumating ang lunch break ay sabay kaming dalawa ni Cera lumabas sa gate upang bumili ng ulam.
"Wala si Madrid?" tanong ko nang mapansing wala kaming kasamang bulabog.
Kumuha ng sampung piso sa bulsa si Cera at inabot sa tindera bago kinuha ang isang supot ng pancit. "Sasama kina Harold, boys lunch out daw. As if, may aabangan lang 'yon sa junior high."
Binigay ko naman ang aking bayad para sa tortang talong na ulam. "Bakit mo naman hinayaan? Ilang beses ko na 'yong pinagsabihan, hindi nakikinig."
Kung magpalit kasi ng babae ay parang nagpapalit lang ng damit.
"Choice niya 'yon. Tatlong taon na tayong magkakaibigan, nabingi na 'yon sa pangaral natin," Nagkibit-balikat siya ngunit nakanguso.
Sabay kaming naglabas ng baon pagkarating namin sa kiosk sa science park. Malapit lang ito sa aming gusali at dahil may kataasan ang lupa rito ay presko ang bugso ng hangin tuwing tanghali kagaya ngayon.
Tipid akong ngumiti nang pinabaunan ako ni Mama ng afritada na ulam namin kaninang umaga. Bago ko pa man ito tinidurin ay naunahan na ako ng babaeng kasalo ko.
"Kung ganito sana magluto si Nanay, baka magkahulma na tayo ng mukha ngayon. Ang sarap!" Tinampal niya ang aking braso at sumubo ng kaniyang pancit.
Habang kumakain kami ay panay naman ang tingin ni Cera sa kaniyang cellphone.