KABANATA 2
"Salamat talaga, ate Darlynn! Marami akong natutunan sa editorial writing dahil sa discussion mo kanina!" sabi ng kasama ko sa Journalism club na mukhang taga Grade 7.
Marami ang sumali ngayong taon sa aming organisasyon at masaya akong makapagturo ng mga kaalaman ko tungkol sa pagsusulat ng balita.
Pangarap kong maging tagapagbalita sa hinaharap kaya isinasapuso ko ang bawat aralin na natutunan sa pagiging humanista.
Hindi rin ako madamot sa pagbahagi ng mga materyal sa aming club dahil alam kong ipapasa naman nila ito sa susunod pang mga junior writers ng paaralan. Sana'y tulad ng kasalukuyang tagumpay na natatamasa namin bilang tagahakot ng panalo tuwing District at Division Meet ay maipagpatuloy nila ang aming nasimulan.
Hindi lang dahil sa trupeyo kung hindi dahil sa kahalagan ng paghatid ng kompleto, totoo, at patas na mga balita sa masa.
Marami ang nawalan na ng tiwala sa media dahil sa kabi-kabilang kwento ng pagpikit sa karumihan at paghalad ng huwad na katotohanan sa madla.
Sabi nga ng nakararami, when money speaks, the truth is silent.
Kaya kung ako man ay maging mamamahayag bukas, nais kong ituwid ang pagkakamali ng ibang mga kasapi sa industriya ng pagbabalita. Nais kong imulat ang tao sa kung ano ang tunay na nangyayari sa ating lipunan sa abot ng aking makakaya.
"You're welcome. Aasahan ko ang write up mo sa susunod na pagpupulong ha," sagot ko sa maligayang tono.
"Gagandahan ko po para sa inyo!"
May iba pang lumapit sa akin upang bumati o hindi kaya ay magtanong. Hindi naman ako nagmadali sa pagsagot dahil bakante ang buong hapon ng lahat ng mga mag-aaral dahil nagpatawag ng emergency meeting ang principal.
Nang masiguro kong wala nang nangangailangan sa akin ay sumenyas na ako kay Ate Natalia na presidente namin upang umalis. Kausap niya pa ang ibang mga baguhan kaya tanging ngiti at pagtango ang naisagot sa akin.
Pagkabalik ko sa aming building ay nakasalubong ko si Topher, ang nagtanggol kay Aja o Askid noong isang araw.
Isang beses lang kami naging magkaklase simula Grade 7 ngunit nagngingitian naman kami tuwing magkikita sa daan.
"Ayos ka na ba, Darlynn?" tanong niya agad.
Napahinto ako at binigyan siya ng ngiti. "Oo. Yelo lang ang naging katapat nito."
Kinamot niya ang kaniyang batok, parang nahihiya. "Ako talaga ang may kasalanan. Sinabi ko kay Aja na ibato ang libro kasi akala ko kaya kong saluhin."
"Wala 'yon, Topher. Pero salamat sa concern."
Lalakad na ako palapit sa aming room ng tawagin niya ulit ako.
"Po?" Nag-angat ako ng dalawang kilay.
"Ah, p-pwede mo ba ako i-accept sa Facebook?" mahinang tanong niya at yumuko. Pinamulahan ito ng tainga habang pinaglalaruan ang kaniyang mga daliri.
Kinuha ko ang cellphone sa bulsa tsaka binuksan ang application na sinabi niya. Nakita ko nga ang kaniyang account sa aking friend request.
Topher Gamboa 2yrs
35 mutual friendsConfirm Delete
Pinindot ko ang confirm button at narinig ko ang tunog ng notification sa kaniyang pantalon.
"Okay na, Topher. Pasok na ako sa loob ah," Narinig ko ang pasasalamat niya bago tuluyang pumasok.