PUTAHE (part6)
Kasalukuyan akong nagbibihis para pumunta sa unang gabi ng burol ni Lester. Nagsuot ako ng itim na t-shirt at short. Dito rin sa maliit na court malapit
sa apartment binurol ang kaibigan ko. Wala s'yang pamilya dahil ulila na rin s'ya tulad ko kaya lahat ng aasikasuhin sa burol ay ako na ang aako. Ito na lang ang tanging maibibigay ko sa kan'ya sa huling sandali.Pagkalabas ko ng pinto ay nakita ko si Rona, nakatayo s'ya at nakatingin sa akin na parang naaawa sa kalagayan ko. Hindi ko s'ya pinansin at dire-diretsong naglakad papunta sa may court.
Habang naglalakad ay nararamdaman kong lahat ng tao dito ay nakatingin sa akin. Hindi ko alam kung ano ang mga tumatakbo sa isip nila. Bago ako makarating sa court ay sinalubong ako ng dalawang pulis.
"Sir. De leon?" Napatingin ako sa pagtawag sa akin ng isang pulis.
"Bakit po?"
"Alam na namin ang dahilan ng pagkamatay n'ya, inatake s'ya sa puso. Siguro ay may sakit na s'ya noon pa." Halos matawa ako sa sinabi n'ya.
Walang sakit ang kaibigan ko, pinatay s'ya ng demonyo.
"Ganoon po ba? Salamat Sir." sabi ko na lang at tumungo na sa court.
Nakaayos na ang lahat dito, may mga bulaklak na galing sa mayor. At may mga lamesa na rin at upuan na galing sa baranggay.
Ang mga nakaupo ay mga kapitbahay lang namin na ang habol lamang ay sugal. Mas okay na rin ito para kahit papaano'y magkaroon ng tao at makakuha kahit papaano ng abuloy mula sa kanila.
Lahat ng mga nakaupo ay inabutan ko ng biscuit. Nagpalagay na rin ako ng dispenser para kapag gusto nila magkape ay makukunan sila ng tubig na mainit. Pagkatapos kung asikasuhin ang mga tao'y umupo ako sa tabi ng kabaong ni Lester.
"Ivan, nakikiramay ako." Naramdaman kong tinapik n'ya ang balikat ko. Napatingala ako sa kan'ya. Umupo s'ya sa tabi ko at hinawakan ang kamay ko.
"Sayang, hindi ko akalain na iyon na pala ang una't huling pagkikita namin ni Lester." Nakatingin s'ya sa kabaong. Hindi ko mawari kung bakit ganito ang nararamdaman ko, sa unang pagkakataon may ibang taong nakiramay sa akin. Sa loob ng maraming taon sanay akong mag-isa at walang pumapansin. Tumingin s'ya sa akin at ngumiti. Hinawakan n'ya ang kamay ko na nagbigay ng kaginhawaan sa aking pakiramdam.
Unti-unting tumulo ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan.
"Umiyak ka lang, Ivan. Nandito lang ako para sa'yo." Lalo akong sumabog sa sinabi n'ya at lumakas ang pagiyak ko. Niyakap n'ya ako at sinabing, maaayos din ang lahat.
---
Ala-una ng madaling araw at halos kakaunti na ang mga nagsusugal. Kasama ko pa rin si Rona at nagpapasalamat ako sa kan'ya dahil tinulungan n'ya akong magasikaso sa burol dahil alam n'yang magisa lamang ako. Hindi rin daw muna s'ya papasok sa karinderya hanggang mailibing si Lester. Sa maikling panahong magkausap kami ay napalagay na ang loob ko sa kan'ya. Kahit papaano'y nabawasan ang lungkot na nararamdaman ko.
"Rona, mabuti pa'y magpahinga ka muna. Wala ka pa ring tulog." sabi ko sa kan'ya.
"Pero wala kang kasama dito. Hayaan mo kaya ko pa namang pigilan." Kinuha ko ang tatlong monoblock at pinagdikit-dikit. Kinuha ko rin ang unan ko.
"Umidlip ka muna dito."
"Pero paano ka, wala ka paring tulog di ba?" Tanong n'ya pero ngumiti lang ako.
"Matutulog ako pagkagising mo."
"Sige. Salitan tayo ah. Iidlip lang ako saglit."
Pagkatulog ni Rona ay niligpit ko ang mga kalat sa ibang lamesa. Ngunit napatalon ako sa gulat ng may kamay na humawak sa aking paa mula sa ilalim ng lamesa pero agad ding nawala.