ILYKU

22 3 0
                                    

"ILYSM." 

Napatingin ako sa buong classroom nang mabasa ko ang sticky note sa armchair ko. Wala pang ibang tao rito o kahit bag man lang.

Sinong baliw naman kaya ang mantitrip sa akin nang ganito?

Sa tanang buhay ko ay wala pang nagkagusto sa akin kaya imposibleng seryoso ang kung sinumang sumulat nito. Baka namali lang ng dikit 'yong naglagay? Baka 'di para sa'kin 'to? Baka 'di rin "I love you so much" ang ibig sabihin ng "ILYSM"? Tama, tama, tama. 

"Hoy! Okay ka lang, Sasha?" Napapitlag naman ako sa sigaw ng best friend kong si Tanya. Bago pa niya makita ang sticky note ay pinatungan ko na 'yon ng bag ko.

"Oo naman! Oks lang ako, girl."

Mukhang naniwala naman siya kaya umupo na siya sa katabi kong upuan at umupo na rin ako habang nakatitig pa rin sa bag na pinangtakip ko sa sticky note. Napailing na lang ako sa sarili ko. 

Mukhang prank lang naman 'to pero bakit parang grabe ang pag-overthink ko?


Kinabukasan ay walang sticky note sa ibabaw ng armchair ko. Hihinga na sana ako nang maluwag pero nakapa kong may nakadikit sa ilalim ng armrest. May bagong sticky note na naman.

"Sungit mo naman, Sasha. Okay lang naman kasi para kang pizza, crust kita."

Muntik na kong masuka sa nabasa ko. Imbes kiligin ay nakornihan ako pero confirmed na para sa akin ang notes dahil may pangalan ko na ngayon.

Tinanggal ko ang sticky note sa ilalim at sinulatan ito ng, "Sino ka ba? Bakit mo ko pinagtitripan?"

Agad ko itong dinikit pabalik sa ilalim nang marinig kong may papasok na sa classroom.

Si Koby pala. Kilala ko siya pero baka hindi niya na ako naaalala. Kaklase ko siya noong junior high school pero hindi kami close, mas close niya si Tanya. Palagi rin silang pambato dati sa mga school pageants and contests dahil mga pogi at maganda na, matatalino pa.

Maraming ibang circle of friends si Tanya pero sabi niya, sa lahat daw ay ako ang pinakabest friend niya. Kilalang-kilala raw namin ang isa't isa. Ako naman, siya lang talaga ang best friend ko. Nakakausap ko rin ang mga classmate namin minsan pero hindi ako part ng kahit anong circle. Ayoko rin kasi. Okay na ko sa peaceful kong buhay with few friends.


Sa mga sumunod na araw ay hindi pa rin tumitigil ang naglalagay ng note sa armchair ko. Hindi pa rin siya nagpapakilala at hindi na rin ako nagreply pa dahil kung ano-ano lang naman sinusulat niya tulad ng...

"Anong blood type mo? Ako kasi ikaw ang type ko."

"Driver ka ba? You're driving me crazy, Sasha."

"Alam mo bang hindi sa 'H' nag-uumpisa ang happiness? It starts with 'U' kasi."

"Tsaa ka ba? Tea-namaan kasi ako sa'yo"

"Baker ba nanay mo? Nakagawa kasi siya ng cutie pie na gaya mo."

At marami pang iba kaya naman ngayong umaga ay naisip kong mas agahan pa ang pasok. Baka mahuli ko na kung sino 'tong matyagang mantrip sa'kin. Ilang buwan niya na 'tong ginagawa. Hindi pa ba siya nauubusan ng sasabihin?


Bumilis ang tibok ng puso ko habang naglalakad ako papalapit sa classroom namin. Ito na ba 'yon? Malalaman ko na ba? Pero ikinagulat ko ang nadatnan ko.

"Koby?" Nagtatakang tanong ko nang makita ko siya sa tapat ng armchair ko. May hawak siyang sticky note at ballpen.

Kita ko sa mukha niya ang gulat at hiya. Bigla siyang napakamot ng ulo sabay pasok ng sticky note at ballpen sa bag niya.

"Pinagtitripan mo ko, Koby?" dismayadong tanong ko sabay dugtong pa ng, "Bakit?"

"Hindi kita pinagtitripan, Sasha..." malumanay niyang sagot. Medyo nauutal siya habang nakatingin sa sahig.

"Nahihiya kasi akong lapitan ka at kausapin kaya dinadaan ko sa sticky notes pero seryoso ako sa'yo, Sasha. Please give me a chance."

Ako naman ang hindi makatingin sa kaniya ngayon. Ang laking joke naman yata na marinig 'to mula sa crush ko ng ilang taon.

Oo, crush ko itong si Koby. Kagaya niya ay nahihiya rin akong i-approach siya dahil nga sikat siya sa buong campus. Pogi, matalino, at mabait. Sino ba namang hindi mafo-fall? Wala akong balak ipaalam sa kaniya 'yon o kahit kay Tanya na best friend ko dahil alam kong mawawala rin ang feelings ko.

Napalinga ako sa paligid dahil baka prank pala 'to pero wala namang camera. Walang ibang tao. Kami lang talaga ni Koby ang nandito.

Imbes na sagutin siya ay binuksan ko ang bag ko. 'Yong unang sticky note na may "ILYSM." ay nakadikit sa isa kong notebook. Kinuha ko 'yon at sinulatan.

Nagtataka naman si Koby sa ginawa ko kaya lumapit ako sa kaniya at dinikit sa ID niya ang note na sinulatan ko.

Sa baba ng "ILYSM" niya ay nagsulat ako ng "ILYKU" kaya naman nagulat siya.

"Gusto mo rin ako? I like you 'to 'di ba?"

Napailing ako at napangiti, "I Like You, Koby Uy."

"I like you so much. I Like You, Sasha Martinez!"

ILYKUWhere stories live. Discover now