Chapter 1: Ganito na lang ba tayo?

2.9K 107 39
                                    

Ganito na lang ba tayo? Araw-araw ko na lang bang papangarapin na magkaroon ng kahit gabutil na pag-asa man lang sa'yo? Gabi-gabi na lang ba akong aasang reply-an mo yung 'Hi besh!' kong natabunan na ng sarili ko ring 'Hi bez!' at 'H3ll0 ph0h'? Ngayon ngang friends pa lang tayo, hindi mo na 'ko masyadong pinapansin, paano pa kapag inamin kong may gusto ako sa'yo? Bakit ganito? Bakit ako umaasa?

"Ano na naman 'yang sinusulat mo?" tanong ni Andeng kasabay ng mala-snatcher na pag-agaw sa notebook ni Kiko.

"Hoy! Ano ba? Akin na yan!"

Pinagpasa-pasahan nina Andeng at Biboy ang notebook ni Kiko.

"'Ganito na lang ba tayo?'" natatawang binasa nina Andeng at Biboy ang mga makabagbag-damdaming linyahan ni Kiko bilang pang-asar sa kanya.

"Hoy! Wag niyong basahin!" pilit pa ring sinusubukang agawin ni Kiko ang notebook.

"'Bakit ganito? Bakit ako umaasa?' Napakabaduy mo talaga p're!" paggatong pa ni Biboy sa pang-aasar ni Andeng.

"Oo na."

"Oh, ito na nga, umuwi na tayo. Puro drama na naman ang inuuna mo," pagyaya ni Andeng.

Nagligpit na ng gamit si Kiko at nagsimula na silang lumakad pauwi. Malapit lang ang inuuwian nina Biboy at Andeng samantalang isang jeep, tatlong tadyak at dalawang tumbling naman ang layo ng bahay nina Kiko na malapit kung isasakay ng jeep pero malayo kung lalakarin.

"Ayaw niyo bang kumain muna?" tanong ni Biboy dahil pasado alas-singko na ng hapon at nagsisimula nang dumilim.

"Hindi na, brad. Sa bahay na lang para makatipid," sagot ni Kiko.

"Magtitipid? Ganito na lang ba tayo?" tanong ni Andeng habang inaangat ang isa niyang kamay na para bang nasa isang madramang play.

At naghagalpakan na naman ang dalawa sa katatawa.

"Kahit kwek-kwek lang, Kiks?" counteroffer ni Biboy.

"Oo nga. Ang baduy mo na nga tapos ang KJ mo pa. Tara na, Kiks," dugtong pa ni Andeng.

"Ih, sige na nga," pagbigay ni Kiko sa imbitasyon ni Biboy.


Paborito ng tatlong magkakaibigan ang kwek-kwek. Kung kwek-kwek na lang ang natitirang pagkain sa mundo, hindi ito magiging problema sa kanila. Baka nga pabor pa. Iba-iba man sila ng taste sa sawsawan, basta kwek-kwek ang isasawsaw, walang makakapigil sa kanila. Oo, parang pabebe girls lang.

Si Biboy, na ang paboritong sawsawan ay yung kulay brown na likidong gawa sa corn starch, harina, asukal, toyo at laway ng mga batang paulit-ulit kung sumawsaw dahil sauce is life. Kilala rin ang sawsawang ito sa tawag na "matamis". Katulad ng paborito niyang sawsawan, puro kasiyahan at magaan lang kung pakitunguhan ni Biboy ang buhay. Bihira mo siyang makikitang nakatulala o nag-iisip nang malalim. Ginugugol niya ang mga oras ng pagtulala sa pagkain, na para bang hindi na nahihinto ang bibig niya sa pagnguya. "Food is life, bes." ang palagi mong maririnig kay Biboy. Mabait, mapagmahal na anak at kaibigan, matakaw, at lahat na lang halos ng bagay para sa kanya ay nakakatawa maliban sa clown. Lumaki siyang may matinding takot sa clown pero hindi niya rin alam kung bakit. Basta lumaki siya... nang lumaki... nang lumaki... at basta takot siya. Wala pa siyang balak magpapayat sa ngayon. Pero kahit pa sabihin mong yung "matamis" ang sawsawan ng lechon sa pupuntahan niyong birthday ng kung sinong pinsan o pamangkin ng kapitbahay niyo, hindi siya sasama sa'yo kung may clown. Kahit ikaw pa ang clown.

Si Andeng, na paborito namang sawsawan ang "maanghang" o yung sauce na kapareho rin nung paborito ni Biboy pero may mga lumalangoy na buto ng sili. Kapag kumakain ng kwek-kwek si Andeng, hinahalukay niya ang kaila-ilaliman makakuha lang ng sili na ga-langgam lang ang size ng pagkakahati ni Manong. Minsan nga, nakaka-jackpot pa siya ng libreng fishball sa ilalim ng garapon. Katulad ng sauce na "maanghang", matapang kung harapin ni Andeng ang buhay. Hindi siya papayag na api-apihin lang ang kanyang nanay, ang tatlo niyang mga kapatid at ang dalawang best friends niya. Ito ang ipinangako niya sa kanyang tatay na hindi na niya muling nakita mula noong paghiwalayin sila ng isang malagim na trahedya na kung tawagin ay pag-a-abroad. Isang taon pa lang namang OFW ang tatay ni Andeng sa Middle East at ito ang naging inspirasyon niya para magtapos ng pag-aaral at maging isang flight attendant balang araw. Oo, boyish man ang datingan ni Andeng, fan na fan man siya ng basketball, at hindi man siya nag-aahit ng balahibo sa binti, alam ng dalawa niyang best friends ang itinatago niyang kakikayan.

Patikim ng Kwek Kwek moTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon