Chapter 4: Peksman, Mamatay man.

484 41 7
                                    

Muling umihip ang malamig na hangin. Kinabahan si Kiko.

"Lolo naman, walang takutan."

"Ha? Anong ginawa ko?"

"Ang lamig ng hangin eh! Nakakatakot!"

"Malamang, boy! May katabi kang multo. Tapos magde-December na. Natural lang na malamig yan."

Niyakap na lang ni Kiko ang sarili at nagtiwala sa katabi niyang multo.

"So bakit na nga po kwek-kwek ang last word niyo?" pangatlong tanong na ni Kiko.

Nagsimula nang magkwento si Lolo Peks.

"Totoo ang sinabi ko sa'yong isa akong superhero."

Kuminang ang mata ni Kiko. Excited. Siguro ay dahil sa hilig niya sa kuwento ng mga superhero.

"Ibig sabihin, kayo nga po si Iron Man?" tanong ni Kiko, pero mas nangingibabaw ang kilig kaysa sa ano pa mang emosyon.

"Hindi. Mas malupit pa ako kay Iron Man."

Huminga nang malalim si Lolo Peks. Warm-up siguro sa mahaba niyang kwento.

"Nagsimula ang lahat noong nasa edad mo ako. Pinagkalooban ako ng kapangyarihang basahin at kontrolin ang iniisip ng isang tao. Noong una, syempre pinaglalaruan ko lang ang kapangyarihan ko. Ang cool eh. Hanggang sa nasira ko ang nakatakdang mangyari..."

Hindi nagsasalita si Kiko. Seryosong seryoso sa pakikinig.

"Sinagip ko ang isang kaibigan mula sa kanyang kasintahan na matagal na siyang niloloko."

"Crush mo siya 'no?"

"Oo."

"Chix ba?"
tanong ni Kiko na may halong pang-iinis.

"Magtatanong ka ba o magkukwento ako?" mukhang effective ang pang-iinis ni Kiko.

"Noong minsang mag-usap silang magkasintahan, ginamit ko ang kapangyarihan ko upang paaminin yung walanghiyang yun sa kalokohang ginagawa niya sa kaibigan ko. Na anim pala silang nobya ng gunggong na yun," pagpapatuloy ni Lolo Peks.

"Hindi ba tama naman ang ginawa mo?"

"Oo. Alam ko. Pero hindi ito nagustuhan ng diwatang nagbigay sa akin ng kapangyarihan. Wala raw akong karapatang pakialaman ang personal na buhay ng ibang tao. Ang kapangyarihang ibinigay niya raw sa akin ay para tumulong sa mga may kailangan. Iyong mga mala-krimeng mga bagay, at hindi para makialam sa buhay ng iba."

"Hindi ba tama pa rin naman ang ginawa mo? Hindi ba hindi mo naman kinontrol ang utak niya para magsinungaling?" tanong ni Kiko na nagtataka rin sa ginawa ng diwata.

"Iyan din ang sinabi ko sa diwata noon. Oo, tama raw ang ginawa ko. Oo, pinalabas ko lang ang katotohanan. Pero nakatakdang mangyayari pala ang paghihiwalay nila. Pinangunahan ko raw, para sa sarili kong interes kaya hindi niya nagustuhan," paliwanag ni Lolo Peks.

"Oh, I see..."

"Anong OIC na naman? Kayo talagang mga bata ang hilig niyo sa acronym. OMG, ROFL, TOTGA. Dami niyong alam," tanong ni Lolo Peks na medyo nakakunot na ang noo.

"'Oh, I see', ibig sabihin nakikita ko, nage-gets ko. Saka hindi na uso yan, Lo! Werpa Werpa na ngayon,"
natatawang sagot ni Kiko.

"Oh, I see... Mabalik tayo. Pinarusahan ako ng diwata. Tinanggal niya ang kakayahan kong kontrolin ang sasabihin at ikikilos ng isang tao. Sa susunod raw, tatanggalin na niya lahat at gagawin niyang amoy luya palagi ang hininga ko."

Nagpatuloy pa sa pagkukwento si Lolo Peks.

"Pagkatapos ng ilang araw ko pa naintindihan ang kahalagahan ng kapangyarihan ko. Hindi maganda. Hindi mo gugustuhing malaman ang iniisip ng bawat tao. Noon ko pa lang tinanong ang sarili ko kung totoo bang kapangyarihan ang ibinigay sa akin o isang sumpa. Mula noon ay naging maingat ako sa paggamit nito. Ayaw ko nang magkamali ulit. Ayaw kong mag-amoy luya ang hininga ko.

Hindi ang mismong kapangyarihan ko ang nakatulong sa ibang tao, kundi ang pagkakaroon lang nito. Sa haba ng naging buhay ko, marami akong nabahagian ng mga natutunan ko: Totoong palalayain ka ng katotohanan at sisirain ka ng kasinungalingan. Tinuruan ko silang mangako at na gawin ang lahat para tuparin ang mga ito.

Sa ganitong paraan ako naging superhero kahit paano. Napalalabas nila ang katotohanan kahit wala ako. 'Ipabasa man natin kay Peks ang iniisip mo?' ang palagi nilang ginagamit. 'Peks man?' At mula noon, ay tinawag nila akong Peksman."

"Peksman? Ikaw yun?" pagulat na tanong ni Kiko

"Oo. Peksman. Mamatay man," sagot ni Lolo Peks.

May bagong dahilan na naman sa pagiging shookt ni Kiko.

"Dahil sa terminong 'Peksman', unti-unting nasira ang 'promises are made to be broken' kemerut. Dahil sa 'Peksman', marami ang muling naniniwala sa katotohanan. Marami ang muling umasa," naluluha ang katawang multo ni Lolo Peks.

"Ang galing mo, Lolo Peks! Kahit wala ka, nakakatulong ka sa iba. Pangalan mo pa lang parang gumagana na ang powers mo. Saludo ako sa'yo, Lo! Mabuhay si Lolo Peks! Mabuhay si Peksman!" sigaw ni Kiko pero hindi masyadong malakas kasi pinagtitinginan na siya ng mga pusa sa bubong ng kapitbahay.

"Mabuhay? Patay na nga 'di ba? Nabaril nga 'di ba?"

"Sorry na nga agad."

"Dahil sa nagawa kong ito at sa mga aral na natutunan ko, binigyan akong muli ng gantimpala ng diwata. Ibinigay niya sa akin yung sandok na hinambalos ko dun sa mukha nung snatcher."

"Ano naman po ang kapangyarihan nung sandok, Lo?" excited na naman si Kiko.

"Hindi ko rin alam," nakangiting sagot ni Lolo Peks.

"Basta ang sabi sa akin ng diwata, darating ang araw na ibibigay ko ito sa isang bata para lutuin ang paborito niyang meryenda," pagpapatuloy ni Lolo Peks.

"Kwek-kwek?" tanong ni Kiko.

"Ano, naging bibe ka na, Kiko?"

"Hindi po, ibig ko pong sabihin, kwek-kwek ba ang lulutuin?"

"Ikaw na ang makakasagot sa tanong na iyan, Kiko,"
sagot ni Lolo Peks.

Lalong gumulo ang isip ni Kiko. Hindi niya alam kung takot o pagkasabik ba ang kanyang mararamdaman sa mga nalaman.

"Ikaw na rin ang makakasagot kung ano nga ba ang tunay na kapangyarihan ng sandok, o ng kwek-kwek na lulutuin mo."

Alas-diyes ng gabi. Nagsisimula nang matakpan ng mga ulap ang bilog na buwan.

"Kailangan ko nang umalis, Kiko."

"Ha? Wag muna, Lo! Paano kung kailanganin ko ang tulong mo?"

"Kailangan mo ng puting buhok ng itim na pusa. Dugo ng bata na makukuha sa tiniris na kuto galing sa ulo niya at luha ng kakataying manok. Paghalu-haluin at pagkatapos ay ipatak mo sa palad mo. Pagkatapos, sumigaw ka ng 'Abayga! Gopala! Ako!'"
sabi ni Lolo Peks habang pinipigil ang pagtawa.

"Alam ko na yan, Lo," nangingibaw ang pag-aalala sa mukha ni Kiko kaysa sa pagngiti sa joke ni Lolo Peks.

Tuluyan nang natakpan ng mga ulap ang buwan. Dumilim nang bahagya ang langit. Nawala nang parang bula si Lolo Peks. May malamig na hanging dumaan sa likod ni Kiko. Parang may ibinubulong.

"Peks... Peks... Peks..."


SABADO. ALAS-OTSO NG UMAGA.

"Kiko! Gumising ka na riyan! Mamamalengke pa tayo!" sigaw ng Lola ni Kiko.

Hindi na niya matandaan kung paano siya nakarating sa kama. Ewan ko ba diyan kay Kiko kung bakit hindi niya matandaan, lasing yata. Nagising siyang katabi ang sandok ni Lolo Peks.

Hinawakan niya ito. Hinimas. Niyakap. Charot lang, napangiti lang siya nang makita ang sandok.

Patikim ng Kwek Kwek moTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon