PENITENSIYA

16 2 0
                                    

Payapa ang kapaligiran at makislap ang mga bituin sa pagsulyap ko mula sa bintana ng napakatahimik na bahay. Masyado akong nasanay sa halakhakan at ingay ng dating dormitoryo noong kolehiyo na sinundan pa nang magulong buhay ng isang taong pasan ang bigat ng sariling mundo. Napabuntong-hininga na lang ako. Hindi ko na dapat iniisip ang hindi magandaang alaala, sabi mo, dahil maliban sa bumabalik ang sakit at bigat sa puso, ay pumapangit pa ako. Sa gwapo 'kong ito? Napangiti tuloy ako. At sa unang pagkakataon sa loob ng dalawang linggo mula nang bumalik ako, naisip kong lumabas. Nagbihis ako't humarap ako sa salamin; ngumiti, sinusubukang alisin sa isip ang bulong ng mga sarili kong demonyo. Desidido na 'ko. Handa na akong magpakita sa'yo.

Habang naglalakad ako, napansin ko na wala na ang dating pasyalan na lagi nating pinupuntahan. Wala na rin ang karinderya na kinakainan natin sa tuwing pananghalian. At tila marami na ang mga tao ngayon sa dati nating lihim na tagpuan dahil sa mga bagong tayong gusali malapit do'n. Mas maganda siguro kung ikaw ang nagdisenyo, ano? Balita ko ito ang una mong proyekto bilang isang arkitekto, pero hindi mo na tinapos. Nilingon ko ang daan kung saan ako nanggaling. Napakaraming nagbago sa lugar na 'to sa loob lang ng limang taon. Ngayon ko lang naramdaman na maging estranghero sa sarili kong bayan. Mabuti na lang at hindi nababago ang mga alaala.

Bumili ako ng paborito mong alak at pagkain bago ako tumuloy sa'yo. Ang tagal kitang hinanap, nagtanong pa ako sa gwardya kung kilala ka niya. Nang mahanap kita, nasa sulok ka lang pala, kasama ang mga planong sinabi nila ay pinakamaganda mong gawa. Huminto ako ng ilang hakbang mula sa'yo.

Ikaw na talaga 'to.

Pagkatapos ng limang taon at ilang milyong beses na nabigo akong maglakas ng loob para harapin ka, heto na tayo ngayon.

Umupo ako sa harap mo't pinagmasdan ka. Sinunod mo na rin sa wakas ang kagustuhan mong magpahaba ng buhok at mukhang pumayat ka, pero napaka-gwapo mo pa rin. Ang ngiti mong nakakahawa ang nakapagpa-kalma sa puso kong tila gustong lumabas sa dibdib ko. Inilapag ko sa harap mo ang mga binili ko at inumpisahan ang kwento. Kinamusta kita pero hindi ka kumikibo. Galit ka siguro. Hindi naman kita masisisi dahil alam ko kung gaano ka nasaktan sa pag-alis ko. Alam kong ako ang unang lumapit at nagparamdam. Pinangakuan ka ng kaligayan at magpakailaman. Patago nating inabot ang langit, kasabay ng pagiwas natin sa mapanghusgang mata ng lipunan. Ikaw ang naging tahanan ko at sa akin naman umikot ang mundo mo. Ipinadama mo sa akin ang pagmamahal at kalinga na hindi ko naranasan sa kinagisnan ko kung saan ang pinakamahalagang bagay ay ang dignidad at karangalan; ang huwag madungisan ang pangalan. At marahil, dahil doon kaya dumating ang araw na kinailangan kitang bitawan. Nanatili ka pa ring tahimik. At dito sa parteng 'to, bumuhos na nang tuluyan ang mga luha ko.

Humingi ako ng tawad sa maraming bagay - sa bigla kong paglisan; sa hindi ko pagpaparamdam. Humingi ako ng tawad dahil hindi ko nakayanang panindigan ang aking sinimulan. Humingi ako ng tawad sa mga pangakong napako at sa sakit na idinulot sa'yo ng pagiging duwag ko. Humingi ako ng tawad dahil ngayon lang ako nagkaroon ng lakas ng loob.

Ngayon lang...

Kung kailan kahit anong hingi ko ng tawad ay hindi ka na sasagot. Kung kailan hinding-hindi ko na maririnig ang tinig mo at ang pagsambit mo sa mga salitang mahal mo pa rin ako. Kung kailan wala na akong pagkakataon para mahalikan man lang kahit ang kamay mo. Kung kailan huli na ang lahat.

Tumayo ako't nagsisigaw.

Lumuluha.

Nagagalit.

Sa sarili ko.

Sa pamilya ko.

Sa mga tao sa lugar na 'to.

Sa buong mundo.

Dahil sila ang nagsabing bawal tayo.

Unti-unting napalitan ng kalungkutan ang kanina'y sobrang galit at hinila ako pababa, ginagawa akong mahina.

Napaluhod ako sa harap mo.

Sa harap ng huling litratong kuha sa'yo, kasama ang mga plano sa bahay na pangarap mo. Para sa'yo at para sa'kin. At hanggang dito nalang sila, kasama mo at ng mga pangarap mong hindi na matutupad, minamarkahan ang huli mong hantungan.

%

PenitensiyaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon