ELEMENTO

1 0 0
                                    


ELEMENTO

Laging kinukwento sa akin noon ng lolo ko na ang mga ninuno raw namin ay may kakayahang bumuga ng apoy – sa tulong ng pagtitiis sa lasa ng langis at tamang tiyempo, kaya walang sinuman ang nagtangkang humamon at humamak sa kanila. Hanggang ngayon ay nananatiling nakadikit sa pangalan ng aming angkan ang apoy; naging isa sa mga napakaraming negosyo ng pamilya ang pandayan, at hinugis ang aking isip sa banta na dapat akong mag-ingat, dahil may mga elementong maaaring magkasundo pero hindi magkabagay at ganoon din daw ang mga tao.

Lumaki akong hindi marunong makisama; mailap sa tao, walang pakialam sa mga bagay kung hindi ako direktang apektado, kakaunti ang kaibigan, walang malalapitan pero nilalapitan sa tuwing may kailangan – kakilala pero hindi kinikilala. Hanggang sa inagawan mo ako ng tambayan. Tinanghal akong nangunguna sa klase noon. Inimbita ko ang mga magulang ko para samahan akong umakyat sa entablado. Para akong bata na nananabik, dahil hindi sa lahat ng pagkakataon ay nakikilala ang sarili kong kakayahan – madalang masinagan ng liwanag dahil sa aninong dulot ng alibughang anak na tinatawag kong "kuya". Mula sa umpisa hanggang sa natapos ang kasiyahan, hindi ako umalis sa pwesto ko; lumilingon sa likuran kada-limang minuto, nagbabaka-sakaling pinaglalaruan lang ako ng mga mata ko, na baka natatabunan lang sila ng mga mukhang hindi ko kabisado – mukha ng mga magulang na sabik sa kanilang mga anak kahit hindi sila ang panalo.

Nagtungo na lang ako sa hardin sa gawing likuran ng paaralan kung saan ginugol ko ang malaking bahagi ng panahon ko bilang mag-aaral doon. Sariwa ang hangin, malumanay, suwabe sa pakiramdam, tamang pampakalma sa nagbabagang sama ng loob na nagbabantang lumiyab ng taong pasan ang bigat ng sarili niyang mundo. Uupo sana ako sa madalas kong pwesto pero nakita kong may nauna na, nakahiga pa. Kilala lang kita tulad ng pagkakakilala nila sa akin – sa sabi lang ng iba.

Ang pang-aagaw mo ng pwesto ay dumagdag sama ng loob na nararamdaman ko, kaya nang napansin ko ang namumulang bahagi ng tenga mo, pinisil ko. Nagulat ka sa sakit, bumangon at sumigaw, at walang ibang pwedeng mag-taas ng boses sa akin kundi ang aking ama. Sinugod kita, at doon tayo nag-umpisa – sa pagiging aso't pusa pero sandigan ng isa't isa, sa pagiging matalik na magkaibigan na kung minsan ay parang higit pa, at sa pagtuklas kung anong elemento ka, at kung may pwesto ba talaga tayo sa buhay ng isa't isa.

Tumungtong tayo ng kolehiyo. Ikaw ang naging tahanan ko at sa akin naman umikot ang mundo mo. Bagamat hindi naging madali ang pinagdaanan natin dahil meron akong mga pader na mahirap tibagin at demonyong hindi kayang patayin, nanatili ka. Nilabanan mo ang mga sarili mong demonyo para bantayan ako sa mga oras na tumutubo ang mga sungay ko. Naging sentro ng mga biro mo ang pagiging seryoso ko sa elemento ng pamilya ko, at dahil hindi talaga tayo magkasundo maliban sa mga pagkakataong nangingibabaw ang puso, kaya naisip mo na marahil ang elemento mo ay tubig. Hindi ako pumapayag dahil hindi naman 'yon ang nararamdaman ko sa tuwing hawak mo ang kamay ko.

Isang gabi, umiinom tayo sa kwarto pagkatapos magdiwang ng kaarawan ko. Pinipilit mo na tubig ka nga talaga kung apoy ako. "Hangin ka," pagsingit ko sa pagpipilit mo, "dahil apoy ako."

Binato kita ng unan sa mukha dahil natulala ka.

"Hindi ko maintindihan, ano naman ngayon kung apoy ka? Sa palagay ko talaga tubig ako dahil nga apoy ka," paliwanag mo.

Napipikon ako. Marahil dahil sa tama ng alak, marahil dahil hindi mo maintindihan kung bakit hindi ka tubig, o baka siguro dahil hindi mo naiintindihan ang bigat ng pagiging hangin mo dahil apoy ako.

"Alam mo ba kung anong mangyayari noon sa mga ninuno ko kung sa bawat pagbuga nila ng apoy, nasa likod nila ang hangin?" Napa-buntong hininga ako. "At kung nasa harap nila..."

"Hindi mo ba alam na nakakatakot kapag walang hangin? Hindi ka makahinga. Pakiramdam mo may mali. Walang apoy kung walang hangin. Ang meron lang ay lamig at dilim." Tahimik mo lang na pinakikinggan ang mga salita ko. "Ibang-iba kapag nandyan ka, kapag may hangin." Gusto ko nang huminto sa pagsasalita pero ibinintang ko na lang sa alak na nainom ko. "Lalaki at magliliyab ang apoy kung may hangin; mainit at maliwanag at parang sumusuot sa bawat sulok ng pagkatao ko. Nakakatakot kung minsan, pero ayos lang, dahil apoy ako at kailangan ko ng hangin."

Tumayo ako at humiga sa kama. Ilang segundo lang ay sumunod ka. Niyakap mo ako at hinawakan ang mga kamay ko. Nararamdaman ko sa balikat ko ang init ng bawat paghinga mo.

"Pwede bang ikwento mo ulit sa 'kin 'yan?," pabulong mong sabi sabay sa paghigpit ng yakap mo. "Hindi kailangang bukas o sa makalawa, o sa susunod pa. Pero isang araw, kung kailan ko pinaka-kailangan, ipaalala mo sa 'kin na ako ang hangin mo." Pumikit ako.

Pagmulat ko, nandito na naman ako sa kasalukuyan, inagaw na naman ako mula sa mga alaala mo. Malakas ang patak ng ulan sa bubong pero basa ang unan at pisngi ko. Anim na taon na simula nang nawala ka, pero ang sakit na iniwan ng lahat ng mga nangyari noon, nandito pa. Patawarin mo ako kung tuluyan akong napangunahan ng takot na magliyab ang apoy na dulot ng pagmamahal mo, at hindi ko naipaalala sa iyo na ikaw ang hangin ko sa mga oras na kailangan mo. Bumangon ako at nagtungo sa pasilyo kung saan may malaking bintana, tanaw ang hardin ng dormitoryo. Isa sa mga paborito kong pwesto. Naaalala ko, sinabi mo na gusto mo rin ng ganito sa magiging bahay natin sa kadahilanan na gusto mong maalala ko kung paanong nagsimula ang tayo sa tuwing nasusulyapan ko ang dulo.

Umakyat ako at umupo sa pasimano. Inisip at binilang ko lahat ng pagkakamali ko – ang pagpapadaig ko sa mga demonyo ko, ang pagsunod ko sa kagustuhan ng ama ko, ang pagtulak ko sa'yo palayo, ang paglisan ko mula sa tabi mo. Napagtanto ko na kahit anong iwas ko, maglililiyab at lalaki ang apoy, maiisip ang mga kabiguan sa buhay, tutubo ang sungay.

Handa na ako. Binuksan ko, at naramdaman ko ang bahagyang pagpatak ng mga tubig-ulan sa mukha ko.

Isang malakas na bugso ng hangin ang dumaan na tila dalawang bisig na tumutulak sa akin pabalik, na sinundan ng tatlong beses na paghikbi at apat na segundong pagsigaw dahil hindi matatawaran ang pagkalugmok na dulot ng limang taong pangungulila dahil ang anim na taong pinagsamahan ay tila multo na lamang na gabi-gabing nagpapa-alala dahil hindi mahanap ang katahimikan, at pitong buwan makalipas kong bisitahin ang huli mong hantungan ay walong beses nang sinubukan kang sundan, at narito na ako sa pang-siyam – sa ika-sampung palapag ng lumang dormitoryo.

Sa mga naging kasalanan ko sa'yo sa mundong 'to, patawarin mo ako. At kahit na alam kong hindi ito ang gusto mo, ihihingi ko na lang ulit ng tawad sa'yo. Sabi ko naman sa'yo, hangin at hindi tubig ang elemento mo, pero pareho silang maghahatid sa akin papunta sa'yo. Uuwi na ako. Magkikita na ulit tayo.

PenitensiyaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon