Ang kalmadong simoy ng gabi ay tila ba hinehele ang aking sarili pabalik sa araw na iyon. Ang araw kung saan lumisan siya patungo sa alapaap.
Ang araw na huli kong nasilayan ang kaniyang nagniningning na mga mata, at nakakasilaw niyang ngiti.
Ang araw ng aming pahimakas.
Huminga ako nang malalim at kasabay ng pagpikit ng aking mga mata ay ang pagdaloy ng mga alaala mula sa nakaraan.
Tatlong taon na ang nakalipas...
Nang makilala ko siya.
"Sol, mag-isa ka lang ba ngayon?" biglang tanong sa'kin ng isang babae.
Hindi ako sumagot.
"Halika, sumabay ka sa'kin kumain, mag-isa lang din kasi ako." turan niya nang titigan ko lamang siya, saka hinila ako papunta sa likod ng science building.
Kumuha siya ng dalawang armchair mula sa mga nakatambak na upuan sa gilid at pinunasan itong pareho. Saka pinuwesto niya ito ng magkaharap.
Umupo siya roon at inilabas ang kaniyang baunan, "Kumain na tayo." ngiti niya sa'kin.
"Ahh..." hindi ko alam kung anong isasagot ko. Ngayon lang kasi may lumapit sa'kin at nag-ayang kumain ng sabay.
Nagtataka siyang tumingin sa'kin, "Bakit, may problema ba?"
Iniwas ko ang aking tingin, "Hindi ka ba... nawiwirduhan sa'kin... lalo na sa... mukha ko..?"
"Nawiwirduhan? Hindi, wala naman kasing kakaiba sa'yo... ang totoo niyan maganda ka." sagot niya habang nakangiti.
Ako... maganda?
"Hindi totoo yan," bulalas ko. Kahit kailan ay wala pa'ng nagsabi sa'kin ng katagang iyon.
Pangit, wirdo, at kung ano-anong panlalait ang natanggap ko ng dahil sa mukhang 'to.
Mukhang puno ng pilat, dulot ng isang masalimuot na trahedya.
Kaya hindi ako naniniwala, dahil lahat ng taong nakapalibot sa'kin ay...
"Maganda ka, Sol." turan niya habang nakatitig sa'kin.
Tumayo siya sa kaniyang kinauupuan at lumapit sa kinatatayuan ko, "Huwag ka'ng makikinig sa mga sinasabi nila, dahil maganda ka Sol. Hindi kayang takpan ng alin mang pilat ang kagandahang tinataglay mo. Sadyang bulag lang ang lahat."
Hindi ko alam kung bakit, ngunit bigla na lamang akong napaiyak sa kaniyang sinabi. Ngayon ko lang naramdaman 'to, ang pakiramdam nang may tumatanggap sa'yo, kahit na ano pa'ng itsura mo.
Hindi ko mapigilan ang pagpatak ng mga luha sa'king mga mata. Habang yakap niya 'ko sa kaniyang bisig.
"Shh..." pagpapakalma niya sa'kin.
"Salamat... salamat dahil tanggap mo kung anong istura ko. Sa buong buhay ko walang nagsabi sa'kin ng salitang iyon, kundi ikaw lang."
"Ako nga pala si Elisa, pasensya na kung hindi ako nagpakilala agad." pagpapakilala niya.
Bumaklas ako sa kaniyang pagkakayakap, "Elisa..."
Tumango siya, "Hmm-hmm, pwede ba tayong maging magkaibigan?"
Ngumiti ako at sinabing, "Oo naman!"
"Hahaha! Halika na, malapit nang matapos ang breaktime. Sige ka baka hindi na tayo makakain." ngisi niya at tinulungan akong tumayo.
Kaibigan... ito ang unang beses na may lumapit sa'kin para makipagkaibigan.
Iyon ang naging simula nang pagsasamahan namin ni Elisa. Ang marka ng aming pagiging matalik na kaibigan.
BINABASA MO ANG
Alpas
Teen FictionIsang dalagang sugatan ang puso ang nakawala mula sa kadiliman ng pighati, salamat sa bituin na nagbigay liwanag sa kaniyang madilim na mundo. Ngunit paano kung ang bituin naman ang siyang mabalot sa kadiliman na hindi na niya kaya pa'ng takasan. Pi...