Apat na buwan na ang lumipas mula nang maging magkaibigan kami ni Elisa, at masasabi kong iyon ang pinakamasasayang araw ng buhay ko.
Nakilala ako ni Elisa dahil malimit akong tampulan ng tukso sa aming paaralan. Kaya hindi na 'ko nagtaka nang tawagin niya 'kong 'Sol' sa una naming pagkikita.
Masasabi kong napakabuting kaibigan ni Elisa, lagi niya 'kong tinutulungan sa mga aralin na hindi ko maintidihan, at higit sa lahat lagi siyang nasa tabi ko upang ipagtanggol ako laban sa aming mga kaeskuwela.
Kaka-transfer niya lang ng isang linggo bago kami nagkakilala, kaya naman hindi ko siya namukhaan noon.
Matalino, maganda, mabait, at palakaibigan na tao si Elisa. Kaya naman maraming nagkakagusto sa kaniya.
Ang totoo niyan napakarami niyang manliligaw pero ang sabi niya ay, "Aral muna bago harot, hahaha!"
Masaya ako na naging kaibigan ko ang isang kahanga-hangang tao na kagaya niya. Hindi na 'ko nag-iisa, mayroon na 'kong kaibigan na handa akong samahan sa kahit ano mang pagsubok sa aking buhay.
"Uy Sol, hindi mo yata kasama si Elisa?" si Kit kaklase namin, at isa sa mga manliligaw ni Elisa.
"Hindi eh, sabi niya kasi mauna na raw ako sa kaniya."
"Ahh ganoon ba, sige mamaya na lang." sagot niya sabay balik sa kaniyang silya.
Ang totoo niyan mabait naman si Kit. Inamin niya sa'kin na gusto niya 'kong ipagtanggol sa mga nanunukso sa'kin pero hindi niya alam kung papaano.
Naiintindihan ko naman siya, kung ako ang nasa sitwasyon niya paniguradong mag-aalangan din akong tumulong, gayong hindi ko alam kung kakayanin ko ba'ng labanan sila.
Nagsimula na ang klase ngunit hindi pa rin dumarating si Elisa.
May nangyari ba?
Hindi ako nakapag-pokus buong maghapon dahil sa kakaisip sa kung anong nangyari kay Elisa. Alam kong masyado akong nag-iisip ng mga bagay-bagay pero hindi ko maiwasang mag-alala.
Si Elisa kasi iyong tipo ng taong magsasabi kung hindi siya makakapasok pero hindi siya nagsabi sa'kin ngayon, kaya naman hindi ko maiwasang mag-isip ng masama.
"Huwag ka'ng mag-alala Sol, sigurado akong ayos lang si Elisa." pang-aalo sa'kin ni Kit.
Ngumiti ako at tumango sa kaniya.
Bibisitahin ko na lang siya mamaya para maibsan itong nararamdaman ko.
Dumating na ang uwian kaya naman dali-dali kong isnukbit ang aking bag at lumabas. Hindi talaga ako mapakali sa kung anumang kadahilanan.
Kumaripas ako ng takbo patungo sa bahay nila Elisa. Kaya naman pagdating ko sa harapan ng kanilang gate ay hingal na hingal ako.
"Sol!"
Lumingon ako sa pinanggalingan ng boses.
"Kit?" nagtatakang tanong ko nang makita ko siya lulan ng kaniyang bisekleta.
"Grabe ang bilis mong tumakbo, muntik na kitang hindi maabutan." usal niya na hinihingal din.
"Anong ginagawa mo rito?"
Itinabi niya sa gilid ang kaniyang bisikleta sabay sabing, "Kukumustahin ko lang din si Elisa."
"Ganoon ba, sige mauna ka na." aya ko sa kaniya.
"Hindi ka ba papasok?" tanong niya.
"Mamaya na ako, may bibilhin lang ako sa tindahan." sagot ko.
"...Sige, sabi mo eh. Tatawagin na lang kita." alanganin niyang sabi bago pindutin ang doorbell.
Tumango ako at nagtungo sa tindahan malapit sa bahay nila Elisa. Ang totoo niyan hindi pa 'ko nakakapasok sa bahay nila kahit pa lagi ko siyang sinasamahan pag-uwi.
Hindi ko na siya tinatanong pa dahil maaaring estrikto ang kaniyang mga magulang at hindi basta-basta nagpapasok ng kung sino-sino lang.
Si Kit naman ay kilala na sa kanila dahil sa pangkatang gawain nila noong nakaraan.
Kaya naman balak ko na lang na maghintay ng balita mula kay Kit.
Nilingon ko ang mala-mansyong bahay nila Elisa, napakaeligante nito kung titingnan mula sa labas, ano pa kaya sa loob.
Tumagal pa ng anim na minuto bago lumabas si Kit.
"Kit!" tumakbo ako papunta sa kaniya.
"Ano, kumusta si Elisa? Maayos lang ba ang pakiramdam niya?" aligagang tanong ko.
Hindi siya umimik at nakayuko lang sa sahig.
"Kit?"
Napansin kong kumuyom ang kaniyang mga kamao bago niya sinabing, "Oo ayos lang siya, halika na ihahatid na kita sa inyo."
Kung ayos lang si Elisa, bakit ganito ang reaksyon ni Kit?
"Ayos lang ba talaga si Elisa?" tanong ko ulit habang sinusundan siya ng tingin.
Kinuha niya ang kaniyang bisikleta at sumakay, "Oo kaya 'wag ka nang mag-alala. Bukas ay papasok na siya."
Nang marinig kong papasok na si Elisa bukas ay hindi na 'ko umimik pa.
Tahimik kami hanggang sa makarating sa aming bahay.
"Salamat, Kit. Mag-iingat ka."paalam ko at tumango naman siya bago umalis.
Ang hindi ko alam, mayroon na palang masamang balitang naghihintay sa'kin kinabukasan.
BINABASA MO ANG
Alpas
Teen FictionIsang dalagang sugatan ang puso ang nakawala mula sa kadiliman ng pighati, salamat sa bituin na nagbigay liwanag sa kaniyang madilim na mundo. Ngunit paano kung ang bituin naman ang siyang mabalot sa kadiliman na hindi na niya kaya pa'ng takasan. Pi...