ᜁᜃᜎᜒᜋ = Ikalimang Kabanata

0 0 0
                                    

Narito pa rin ako at nagmumukmok sa aking kuwarto. Tatlong linggo na mula nang malaman ko ang kalagayan ni Elisa at heto ako, pilit na iniiwasan ang katotohanan.

Ayokong lumabas at harapin ang masakit na realidad na naghihintay sa'kin. Pero hanggang kailan? Hanggang kailan ko kayang itanggi ang katotohanan.

Nasagot ang katanungan kong ito kinabukasan nang dumating siya.

"Sol, alam kong narito ka. Mag-usap tayo." sambit niya sa kabilang bahagi ng pinto.

Kinabahan ako, dahil iniisip kong ito na ang magiging huli naming pag-uusap at ayokong mangyari 'yon, ayoko siyang harapin, hindi ko kaya.

"Sol... pakiusap, kausapin mo 'ko. Hanggang kailan mo balak magkulong sa kwartong 'yan? Balak mo ba'ng hintayin ang araw na wala na ako bago ka lalabas."

Napalingon ako sa pintuan, tama siya. Hindi pwedeng palagi na lang akong ganito na iniiwasan siya. Ayokong maging huling alaala naming dalawa ang araw na iyon.

Tumayo ako mula sa aking kama at lumapit sa pintuan. Huminga ako ng malalim saka pinihit ito pabukas.

Pagbukas ko'y nasilayan ko siya, at nagsalubong ang aming mga mata.

Walang kahit na sino ang umimik sa'ming dalawa. Pareho lang kaming tahimik na nakatitig sa isa't isa. Naghihintay kung sino ang unang magsasalita.

Ngumiti siya, "Namiss kita, Sol.'

Hindi ko napigilang maging emosyonal sa sinabi niya. Kung ikukumpara ang itsura niya sa huli ko siyang nakita, masasabi kong mas lalo siyang nagmukhang matamlay.

Inilahad niya ang kamay niya sabay sabing, "Tara Sol, may gusto akong ipakita sa'yo."

Tinanggap ko ang nakalahad niyang kamay at nagpahila sa kaniya sa kung saan.

Hindi nagtagal ay nakarating kami sa isang open field.

"Nasaan tayo?" inikot ko ang tingin sa buong paligid.

Sumasabay ang mga damo at bulaklak sa ihip ng hangin, at ang tunog nito'y tila ba musika na nagpapakalma sa nasasaktan kong puso.

"Ito ang nagsisilbi kong takbuhan sa tuwing may pinagdaraanan ako. Ang sikreto kong tambayan."

Hindi ako sumagot at tumitig lang sa kaniya.

"Dito ko inilalabas ang lahat ng mga saloobin at damdamin na hindi ko magawang ilabas sa harap ng mga tao." ngumiti siya at humarap sa direksyon ko, "Mga damdamin na hindi ko magawang sabihin sa'yo."

Yumuko ako para pigilan ang pagluha. Ayokong makita niya 'kong nahihirapan, dahil ayaw ko nang dagdagan pa ang mga iniisip niya.

"Alam kong hindi mo matanggap ang katotohanang bilang na lang ang mga araw na makakasama mo 'ko, pero sana ay pagbigyan mo ang pagiging makasarili ko at tanggapin ang huli kong kahilingan."

Tumulo ang luha sa kaniyang mga mata, "Sol, nais ko nang makawala mula sa paghihirap ko'ng ito. Kaya naman..."

Tinakpan ko ang aking bibig upang pigilan ang paghikbi.

"Pakiusap, hayaan mo na 'kong umalpas."

AlpasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon