MAMBABANSOK

12 0 0
                                    

Rei Zantua

"Huwag kayo magpapagabi sa paglalaro ha, sige kayo, kukunin kayo ng mga mambabansok. Gumagala lang sila sa paligid para kumuha ng mga bata."

Iyan lagi ang pinapaalala sa amin ni lola noong nabubuhay pa siya kapag naglalaro kami noon ng mga pinsan ko. Nasa elementarya pa lang kami noon kaya mahilig pang maglaro, wala kaming hinto sa mga paborito naming libangan tulad ng tagu-taguan, habulan o agawan 'base', hanggang sa mapagod kami.

Alam ko noon pa na ang paulit-ulit na sinasabi ni lola ay panakot lang sa amin. Di ba ganoon naman ang mga nakatatanda? Mahilig magbabala o gumawa ng kwento para maging masunurin ang mga makukulit na bata tulad ko? Eh ano nga ba naman yung mambabansok? Sinubukan ko nang tanungin si lola kung ano ang hitsura nila pero ang sabi lang, nakakatakot daw na mga nilalang. Malamang na isang kathang-isip lamang 'yon, katulad ng ibang bayan at probinsya na may kanya-kanyang urban legends, myths at creatures tulad ng amaranhid, amamayong, sigbin at iba pa, ganoon din ang bayan namin, may "mambabansok".

Tandang tanda ko pa noon, nag-aagaw na ang liwanag at dilim, kagagaling lang namin ng mga pinsan at mga kaibigan ko mula sa paglalaro sa may "prutasan" malapit sa ilog. Papauwi na kami nang makasalubong naming si Aling Luisa, nanay ito ng kaibigan at kalaro naming si Roni. Hinahanap pala niya pala ito. Bakas sa mukha nito ang pagkabalisa at takot. Kahit ang kaba nito ay naramdaman din namin. Tinanong niya kami kung nakita raw ba namin si Roni.

"Opo, dumaan sa amin habang nagpapatintero kami, inaakit ko nga po na sumali pero di naman ako pinansin." sagot ng pinsan kong si Ben. Tumango ang iba kong kasama bilang pagsang-ayon sa sinabi ni Ben.

Tama, naalala ko na, dumaan sa may harap namin si Roni pero di kami pinansin. Napansin ko na walang emosyon ang mukha nito at tulala lamang pero di ko na inintindi pa. Dumiretso ito sa "taniman ng prutas" ng mag-asawang Aling Saning at Mang Goryo na nakatira malapit doon. Ang lugar kung saan kami naglalaro ay dating madamo subalit patag na lote na parte ng "prutasan". Iyon ang tawag namin dahil maraming puno ng prutas ang matatagpuan dito tulad ng mangga, saging, pili at aratiles. Sabi ng kuya ko noon, dito sila sumusungkit, umaakayat at kumukuha ng iba't ibang prutas pagkatapos nilang maglaro. Ngunit dahil sa napakalakas na Bagyong Rosing na tumama sa aming probinsya noong 1995, halos lahat ng mahihinang puno ay nabuwal o naputol, lalo na ang mga puno ng saging. Tanging ang ibang malalaking puno lamang ang natira. Kaya nang malinisan ang lugar at inalis ang mga basura at damo ay ginawa na itong palaruan ng mga bata. Kwento pa ng kuya ko, dati ay simula nang bakuran na ng matandang mag-asawa ang lugar kung saan matatagpuan ang mga puno ng prutas ay di na sila nakakakuha, pinagbawalan na raw sila. Sila ang umaangkin at sinasabing may-ari ng lugar na iyon. Dahil doon ay "off-limits" na ang "prutasan" at may karatula pa na may nakasulat na "NO TRISPASSING" at nakasabit sa bakod. Gusto man naming mainis ng mga pinsan at kaibigan ko dahil gusto rin naming makakuha ng bunga ay di namin magawa, natatawa na lang kami kapag nakikita ang karatula na mali ang spelling. Kaya walang nagawa ang mga kabataan doon kung hindi maglaro na lamang sa malawak na lote. Madalas din naming mapansin na may mga nakatirik na puting kandila malapit sa bakod. Hindi naming alam kung para saan iyon.

"Yung anak ko, nakita n'yo ba?" tanong naman niya sa iba pang dumaan. Sinabi rin ng ibang mga bata na papunta ito sa prutasan subalit kahit isa man sa kanila ay walang alam kung saan eksaktong naroon si Roni.

Dahil sa pagod, pagkatapos magpahinga ay nakatulog ako. Gabi na nang gisingin ako ng lola ko at sinabing kakain na raw. Habang nasa hapag-kainan ay nagsimula na namang magkwento si lola ng kung anu-anong karanasan noong siya'y bata pa. Napahinto ako sa pagsubo nang marinig ko ang mga panaghoy at sigaw sa labas ng mga tao, nangingibabaw ang boses ni Aling Luisa na isinigaw ang pangalan ng anak.

"Tingnan mo na 'yan, nawawala na 'yung anak ni Luisa. Kaya kayo ng mga pinsan mo huwag magpapagabi sa paglalaro. Baka kinuha na siya ng mambabansok." paalala ng lola ko.

"Baka po nasa kapitbahay lang. Huwag n'yo namang tinatakot itong anak ko" pagrarason ng nanay ko. Ramdam ko ang tensyon sa pagitan ng dalawa. Hindi ko alam kung bakit ganoon sila noon pa, hindi magkasundo.

"Bakit? Sa tingin mo, iyon lang ang dahilan? Ilang beses na ba nangyari 'yon sa lugar natin? Laging may nawawalang bata. Kaya yang si Itoy, huwag mo nang papalaruin lalo na dun sa lote malapit sa prutasan. Mahirap na." paliwanag ni lola.

Natatandaan ko na, kwento ni lola sakin na kahit noon pa, hindi na bago na may nawawalang bata sa lugar namin. Pero pagkatapos naman ng ilang araw ay natatagpuan din, minsan ay sa tabi ng lansangan o kupkop ng mga tanod o ibang pamilya sa ibang barangay ngunit madalas ay nahahanap malapit sa prutasan. Kapag tinatanong ang mga ito kung saan galing ay walang maisagot kung hindi mga deskripsyon lang na "marami", "malaki", o "maitim". Ang isa pa nga raw na bata na natagpuan ay hindi na nakapagsalita hanggang ngayon.

Kinaumagahan ko na nang malaman na nahanap na pala si Roni, nakahiga sa ilalim ng puno ng pili. Basang basa at puno ng putik ang katawan, may mga galos din at sugat sa paa. Tinatanong ito kung saan galing ngunit pag-iyak lang ang tanging sagot. Sabi ng ilan ay baka raw naligo lang sa kalapit na ilog. Matapos mahimasmasan ay sinabi na may nag-aakit daw rito na maglaro malapit sa prutasan na lalaking maitim, mabalahibo na parang aso at malaki ang mga mata. Hindi na niya alam ang mga sumunod na pangyayari. Pagkatapos ng insidenteng iyon ay ipinatupad na ang 6pm curfew para sa mga bata edad labindalawa pababa. Haka-haka ng iba ay baka raw mambabansok ang nag-akit dito, mabuti na lang daw at ibinalik pa ito.

Tinanong ko si lola kung may insidente bang may bata na hindi na nakabalik pa. Sinabi niya na tanging ang pangyayari lamang sa mag-asawang Goryo at Saning ang ganoon. Nawala at hindi na nahanap pang muli ang nag-iisa nilang anak na lalaki. Sa pagkakakilala ko sa dalawa, masungit at mailap ito sa mga tao, hindi mahilig makihalubilo sa ibang mga kapitbahay, parang may sariling mundo. Sa mahabang panahon na nakikita ko sila ay parang hindi ko sila nakitang ngumiti. Kumalat pa nga ang balita noong kasagsagan pa na may mga nawawalang bata na aswang ang mga ito. Pero ayon sa lola ko, likas na mabait ang mag-asawa, nagbago lamang nung mawala yung anak nila. Huli raw itong nakita sa prutasan.

Dahil sa mga sinabi ng lola ko ay nakabuo ako ng konklusyon. Iyon marahil ang dahilan kung bakit may mga kandila na nakatirik doon, inaalala nila ang nawawala nilang anak at maaaring umaasa na baling araw ay babalik din ito. At naiiintindihan ko na kung bakit nilagyan nila ng bakod ang prutasan, marahil ay para maiwasan ang pagpunta ng mga bata doon dahil alam nilang maaaring makatulad ang mga bata sa anak nilang nawala at alam kong kahit papano ay inaalala pa rin nila ang kapakanan ng mga kapitbahay nila.

Hanggang ngayon ay tinatanong ko si Roni kung ano talaga ang nangyari sa kanya nang araw na iyon pero ang tanging sinasabi niya ay maaaring hindi lang sabi-sabi ang mga kwento tungkol sa mambabansok.


**END**

THE DREAD BOOK 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon