ANG BOARDING HOUSE SA SYETE

1 0 0
                                    

Rei Zantua

Napabalikwas ako mula sa pagkakatulog nang maramdaman ko na naman ang malamig na kung ano na humagod sa aking pisngi. Tanging ang kadiliman ng buong paligid ang tumambad sa akin. Kinapa ko ang cellphone sa ilalim ng unan at tiningnan ang oras, 1:35 a.m. pa lang, napakaaga pa para maghanda at magbihis para pumasok sa trabaho. Medyo uminit ang ulo ko, pang-ilang beses na rin kasi nangyayari na bigla na lang ako magigising sa kalagitnaan ng gabi dahil sa biglang mararamdaman ko. Ako kasi 'yung taong hindi parang mantika kung matulog, light sleeper ako. At madalas na kapag nagising na ako, kahit kaunting oras lang ang tulog ay hindi na magkakatulog. Hindi ko na nga maintindihan ang sarili ko bakit na ganoon.

Simula nang magdesisyon akong umalis ng bahay at magboarding house na lamang ay naging independent na ako. Dahil na rin sa demand ng trabaho at pag-aaral. Dati ay working student ako, bagama't tapos na sa kolehiyo ay kumukuha ako ng yunit sa Education. Gusto ko kasing maging isang guro. Sariling sikap ko lahat ng gastos mula sa tuition fee, renta sa boarding house hanggang pambili ng pagkain.

Nagdesisyon akong magboarding house dahil sa dalawang rason: una, hapon hanggang gabi ang pasok ko sa school kaya kailangan ko ng tirahan malapit doon kaya kung uuwi pa ako sa bahay ay mauubusan ng byahe at wala ring masasakyan, sa kabilang bayan pa kasi ako nakatira. Pangalawa, masyadong maaga ang pasok ko sa trabaho, alas singko ang pinakamaaga, kung sa bahay ako naglalagi ay wala pa ring byahe ng ganoong kaaga. Nakahanap ako ng boarding house sa likuran lamang ng school, sa Kalye Syete, napakaconvinient nito para sa akin dahil hindi ko na kailangang gumastos sa pamasahe at malapit din sa Hypermarket kung saan ako nagtratrabaho.

Noong una ko pa lamang makita ang titirahan ko ay nasabi ko na magiging kumportable ako sapagkat bagong gawa ang mga kwarto, kahit na may kamahalan ang renta para sa isang bed spacer ay kumuha na ako ng pwesto. May gate at mataas na bakod ang lugar at naramdaman kong may seguridad. May guest area/coffee area, maliit na tindahan at laundry area sa loob. Sa first floor ang mga lalaki at sa second floor naman ang mga babae. Karamihan ay estudyante rin ng school kung saan ako nag-aaral.

May tatlong malalaking kwarto sa ibaba na may tig-dadalwang double deck beds kaya pwede hanggang apat na tao bawat kwarto at may sarili ding banyo. Ang pinagtataka ko lang, full na pala ang dalawang kwarto maliban sa dulo. Naisip ko na baka gusto ng landlady na punuin muna ang mga ibang kwarto bago magpaokupa ng bago.

Natuwa ako kasi solo ko agad ang malaking kwarto. Pinili ko ang ibabang higaan ng double deck sa tapat ng pinto. Inayos ko agad ang aking mga gamit at inilagay sa hanger ang mga damit dahil napansin kong walang cabinet. Pagkatapos noon ay nagbihis na ako para pumasok sa school.

Bandang alas nwebe na ng gabi nang makauwi ako. Dahil sa sobrang pagod at antok ay nakatulog agad ako. Naalimpungatan ako nang makaramdam ng matinding lamig sa loob na animo'y nakaairconditioner ang kwarto. Ilang sandali pa ay naramdaman ko ang malamig na bagay na dumikit sa talampakan ko kaya binalot ko ang sarili ko sa kumot.

Kinaumagahan, habang naglalaba ako ay nilapitan ako ng isang boarder. Kevin ang pangalan niya at sa parehong school kami pumapasok. Nagkakwentuhan kami hanggang napunta ang usapan sa tinutuluyan kong kwarto.

"Kumusta naman ang tulog mo sa kwartong 'yon? Maayos ba?" tanong niya.

"Okay lang, medyo malamig pala kapag gabi."

"Wala bang gumising sa'yo?" Nakangiti at parang pabirong tanong ni Kevin.

Napahinto ako sa pagkukusot ng damit. "Bakit?"

"Ako kasi ang unang tenant dun, lumipat ako ng ikalawang araw sa kabilang kwarto."

"Bakit?" tanong ko na naman sa kanya.

"Hindi ko alam kung naniniwala ka sa mga alam mo na....." hindi niya maituloy ang sinasabi.

"Multo?"

"Parang gano'n na nga. Hindi naman sa tinatakot kita ha, pero doon kasi sa kwarto na 'yon iba yung pakiramdam ko. Noon unang gabi kasi nagising na lang ako na sobrang lamig, tulad nga ng sinabi mo. Pero mas Malala 'yung nangyari noong ikalawang gabi. Naramdaman ko na may nakahawak sa paa ko. Sa sobrang takot ko, di na ako nagkatulog. Diyan ako sa guest area nagpalipas ng gabi." Pabulong niyang kwento.

"Sinabi mo ba sa landlady natin 'yan?"

"Oo, pero di siya naniniwala. Sabi ko lilipat na lang ako sa ibang boarding house pero di namna siya pumayag na ibalik 'yung binayad ko kaya sa kabilang kwarto na lang ako lumipat, buti nga may bakante pa. Huwag mong sasabihin sa kanya na nagkwento ako sa'yo huh."

"Sige."

Buong araw ko pinag-iisipan ang kinuwento sa akin ni Kevin, Oo, nakaramdam ako ng matinding lamig ng unang gabi pero di ko iisipin na maaaring gawa iyon ng ibang nilalang o ng multo. Kinagabihan, maaga akong natulog dahil sa maaga rin ang pasok sa sumunod na araw. Nagising ako nang umuga ng malakas ang itaas na bahagi ng double deck na animo'y may tumalon. Napakadilim ng paligid at napakalamig. Babalik na sana ako sa pagtulog nang biglang umuga ulit. Biglang uminit ang dalawang tenga ko pero tumindig ang mga balahibo ko sa katawan. Dahan-dahan akong bumangon, sisilipin ko na sana ang itaas nang biglang may mahabang buhok na lumadlad sa mukha ko! Masangsang na amoy agad ang nalanghap ko na parang amoy ng tindahan ng karne sa palengke. Halos maduwal ako pero nangibabaw ang takot ko. Ipinikit ko ang aking nga mata at nanginginig na nanalangin. Nasa kalagitnaan na ako ng pagdadasal ng Ama Namin nang biglang maramdaman ko ang malamig na kamay na humawak sa paa ko! Sa sobrang takot ko at pagdaloy ng adrenaline ay tinalon ko ang pinto at dali-daling tumakbo papuntang guest area. Nadatnan ko si Kevin na nakikipag-usap sa bisita niya. Ikinuwento ko ang buong pangyayari.

Hindi ako nakapasok sa trabaho dahil sa sobrang puyat. Dahil sa wala pang bakante ay nakiusap ako sa landlady na lilipat na lang ako sa ibang tirahan subalit hindi siya puamayag na irefund ang naibayad ko na kaya wala akong nagawa kung hindi magtiis sa kwartong iyon na sigurado na akong minumulto. Para mawala ang takot ko ay nagpapatugtog na lang ako ng musika galing sa laptop at sinigurado kong bukas ang ilaw bago ako matulog. Salamat sa Diyos dahil ilang araw ding hindi nagparamdam ang multo na iyon.

Ikalawang linggo sa buwan ng Hulyo nang tumama ang Bagyong Glenda sa Bicol. Naapektuhan ang mga linya ng kuryente kaya nagtitiis kami na mangapa sa dilim. Dahil umuwi sa kanya-kanyang bahay ang mga karoommate ni Kevin ay pumayag siya na doon muna ako makitulog sa kwarto nila. Mahimbing na kaming natutulog nang makarinig ako ng iyak sa labas ng pintuan, sumasabay sa lakas ng ulan at hangin. Hindi ko inintindi ang ingay subalit palakas ito ng palakas. Binuksan ko ang flashlight at napansin ko si Kevin na nakaupo na, marahil ay narinig din nito ang pag-iyak. Nagsenyasan kami at sumilip sa bintana subalit wala kaming nakita. Sasabihan ko na sana si Kevin na bumalik na kami sa kama nang makita ko sa peripheral vision ko na bukod sa amin, may isa pang ulo na nakasilip sa bintana! Ilang saglit pa ay nakarinig kami ng isang mahina at parang malat na boses ng babae, "Shhhh, wag n'yo nang silipin."

Sa sobrang pagkagimbal namin ni Kevin ay napasigaw kami sa takot. Dali-dali kaming sumiksik sa isang sulok at sabay na nagdasal. Kinabukasan ay pinag-usapan ulit namin ang naganap nang nakaraang gabi, narinig pala kami ng isang boarder na babae.

"Minumulto rin pala kayo." Sabi niyang bigla sa amin.

Nagtaka kami at naguluhan. Idinagdag pa niya na kahit ang mga kwarto sa taas ay pinaparamdaman din ng multo. Doon naming napagtanto na hindi lang pala sa tinutuluyan kong kwarto ang minumulto kung hindi ang buong boarding house.

"Nakita ko na rin 'yung babaeng multo." Dagdag pa niya.

"Kailan?" sabay naming tanong ni Kevin.

"Noong nagkukwentuhan kayo sa laundry area noong nakaraang linggo, nakatayo lang siya sa likuran ninyo, nakikinig yata sa pinag-uusapan ninyo. Akala ko nga bagong boarder subalit dumaan naman siya sa gitna ninyo pero di ninyo napansin."

Hindi na niya idinetalye pa ang kanyang buong nakita. Naalala namin na noong araw na nag-uusap kamin ni Kevin sa laundry area ay ang multo ang paksa ng aming kwento.


**END**

THE DREAD BOOK 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon