Maraming bagay ang hindi pa ako sigurado sa ngayon. Pero kung may isang bagay man na sigurado ako? Iyon ay ang gumising ako ngayong umaga na may hindi maipaliwanag na saya. Literal na nakangiti ako pagkagising! Paano ba namang hindi e ito na yata ang unang beses na magbibirthday ako na hindi ko kailangan bumisita sa kulungan para dalhan ng pagkain si Uncle Vic o magbantay sa tindahan buong araw. 

Sa wakas, p'wede ko nang maibili ang sarili ko ng kahit anong regalo. P'wede akong kumain kahit saan gamit ang ipon ko. P'wede akong pumunta kahit saan nang hindi nag-aalala sa oras. Lahat nang ito ay magagawa ko na ngayon nang walang pag-aalala kung mabubugbog ba ako pag-uwi. Ang pagtakas ko na yata sa probinsya ang pinaka maganda kong ginawa. 

Ngayon, malaya na ako. Happy birthday to me, indeed! 

Pagkatayo ko sa higaan ay dumiretso na ako sa banyo para maligo. Pagkatapos ay nakatapis akong lumabas ng banyo habang nagsisipilyo. Nang bubuksan ko na ang damitan, napansin ko ang maliit na green sticky note na nakadikit sa body mirror sa sulok ng kwarto. 

'Nagbibirthday ka pa pala? Happy birthday, Rain! Sana maligo ka naman ngayon kahit ngayon lang na bday mo, oh. Di na uso amoy putok XD see ya laters. - Gio' 

I rolled my eyes at napa-iling na lang. Best friend ko si Gio simula high school. Dito sa studio type apartment niya ako ngayon nakikitira pansamantala. Ang mga magulang niya sa Switzerland ang nagbabayad ng renta at iba pang bills at pangangailangan niya rito. Pero s'yempre kahit ganoon na hindi siya naghihirap para mabayaran ang mga bayarin niya, sinabi kong magbabayad pa rin ako ng renta ko sa kaniya rito. Bukod doon, naglilinis din ako. Nag-offer din akong magluto. Lately, nag-offer na rin akong ako na lang ang maggrocery kasi lagi niyang nakakalimutan. Hindi ko naman siya masisisi dahil sobrang busy niya sa school. 

Suot ang lavender na sweater at sky blue skirt ay nagsimula na akong gumala. Naka tsinelas lang ako dahil wala pa akong pambili ng sapatos ulit. Ay teka. Eh kung bagong sapatos na lang kaya ang bilhin ko bilang regalo sa sarili? Hmmm... tama! Perfect!

"Magkano po rito? Wala pong tag, eh." Sabi ko sabay pakita ng puting sapatos na may brown na swelas. 

"1,700 po, ma'am." 

Parang nalaglag ang panga ko sa presyo.

"Ah... final answer, kuya? Wala na po bang tawad?" sabi ko habang kunot ang noo. 

"Wala na po, ma'am. Pasensya na po."

"Weh? Kuhanin ko na lang 'to ng 1k kuya, oh. Tapos bigyan na lang kitang dalawang leche flan. Mahilig ka ba sa leche flan? nagbebenta ako nu'n. 150 lang isang tub!" sabay ngiti ko. 

Hindi man lang ngumiti si kuyang nagtitinda. Nanatili lang nakatitig sa akin ang mga mata niya. Kung nakakamatay lang ang tingin baka nag-40 days na ako. 

Bago pa ako makahirit ulit, kinuha niya na sa akin ang sapatos.

"Chicks and Heels ito, ma'am. Hindi ho bangketa." 

Unti-unting nawala ang ngiti ko dahil palyado sa pagtawad. Kahit anong ngiti ko o bargain, mukhang hindi rin naman nila ako pagbibigyan. Bakit naman kina Aling Mercy sa probinsya lagi akong nakakahingi ng discount? Ganito ba talaga sa syudad? Walang awa.

Binayaran ko ang sapatos sa counter sabay abot nila sa akin ng paper bag. Kinuha ko iyon at matamlay na lumabas ng shop. Hays. Oo, kahit mabigat sa bulsa ay binili ko na. Minsan lang naman, eh! Ito rin naman ang unang beses kong bumili ng ganito kamahal para sa sarili ko. Tsaka magagamit ko rin ito nang matagal lalo na at puro takbo ang ginagawa namin sa P.E subject sa school. 

Bumili ako ng ice cream na nasa cone at parang bumalik 'yung energy ko na tinangay nang 1,700! Nadagdagan pa ang saya at ngiti ko nang napansing nasa playground area na pala ako sa gitna ng mall. Puro bata, puro kids! Lahat sila ay naglalaro at nakikipaglaro kasama ng mga parents nila. Ang saya saya nilang tignan. Parang wala silang ibang iniisip kundi ang magsaya. 

100 Years Without RainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon