Nagsabay kami ni Gio pumasok ng school sakay ng kotse niya. Buong umaga ay hindi pumasok sa mga klase namin si Mikaela Ferrer. Malamang ay nasa ospital ito para bantayan si mayor o 'di kaya ay nasa bahay nila kasama ang pamilya niya. 

Nakakapangilabot. Parang kagabi lang ay nasa mansyon pa nila ako. 

Si Aessy lamang ang nakita ko ngunit sa lahat ng klase namin ay hindi niya naman ako pinapansin. Well, hindi naman sa sinasabi ko o ineexpect ko na kailangan niya akong pansinin. Pero inaasahan ko sana na may balita man lang kay pres o sa kahit ano tungkol sa kahapon. 

Pagkatapos ng huling klase ko ay nagdesisyon na rin akong umuwi kaagad. Hindi naman ako parte ng mga organisasyon o volunteer ng school kahit saan. Sila lang naman ang madalas na nananatili sa school kahit tapos na ang mga klase nila. 

Kahit noon pa man ay wala talaga akong hilig sa mga ganitong bagay. Maraming nagsasabi sa dati kong school noong high school na may kakayanan akong maging student leader. Siguro nga ay mayroon dahil hindi ko naman tinatanggihan kapag ako ang napipili ng mga kagrupo bilang lider sa mga pangkatang gawain. Pero 'yung sabihin mong tumakbo para sa posisyon ng kahit na anong pangmalawakang organisasyon? Huwag na siguro. 

Hindi naman sa ayaw ko. Pakiramdam ko ay hindi ko lang talaga kayang isabay habang nakatuon din ang atensyon sa pag-aaral. 

Humigpit ang hawak ko sa strap ng backpack. Tatawirin ko na sana ang kahabaan ng football field sa ilalim ng tirik na araw nang bigla akong napahinto dahil nakita si pres. Nakangiti siyang nakikipag usap sa mga kasama niya sa organisasyon habang nagkakabit ng mga pang disenyo sa field bench. 

Nahagip ko ang mga mata niya kaya't nagkakatitigan kami. Unti-unting nawala 'yung ngiti sa labi at mga mata niya. 

Naaalala niya kaya ang nangyari kagabi?

Nag-iwas ako ng tingin at dire-diretso nang naglakad hanggang makalagpas sa kaniya. Ngunit hindi pa ako tuluyang nakakalayo ay narinig ko ang makahulugan niyang pag-ubo. 

Tumigil ako sa paglalakad. Lilingon ba ako?

"Salamat nga pala." aniya. 

Dahan-dahan ko siyang nilingon. "'Wag ka sa akin magpasalamat. Kay Aessy." 

Tumango siya nang ilang beses.

"Salamat pa rin kasi kung hindi mo 'ko dinala palabas ng CR, doon na ako nakatulog." 

Bahagya akong natawa roon. Tapos naalala ko na naman lahat ng sinabi niya sa akin. Sabihin ko ba sa kaniya ang tungkol doon? 

Umiling ako sa sarili. Tinapunan ko siya ng huling tingin bago muling tumalikod upang magpatuloy sa paglalakad. 

"Wala naman akong..." paghabol niya pa. Muli ko siyang binalingan at nag-abang ng kasunod niyang sasabihin. Ito na ba 'yun? Sabihin ko ba sa kaniya?

"Wala naman akong sinabi na... kahit anong... personal 'no?" pagbabakasakali niya. 

Okay. Once and for all, hindi ko hiniling na magkaroon ng interaksyon sa kaniya kahit siya pa ang mukha ng unibersidad na ito sa pagiging presidente niya ng student council o dahil tingin ko ay makabuluhan siyang tao sa rami ng mga ipinaglalaban niya. Mas lalong hindi ko pinangarap na mapabilang sa listahan ng mga popular na estudyante rito at mapabilang sa hanay nila Mikaela Ferrer at Aessy Tolentino. As ing hindi! 

Bago ang kagabi, sobrang mapayapa ang buhay ko. Nabubuhay na ako sa isa sa mga pinagdarasal ko! At gusto ko na lamang bumalik doon. Ayaw ko na nang mayroon pang iniisip. 

Pilit akong ngumiti bago marahang umiling. 

"Wala."

"Sure ka?" 

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Apr 07, 2023 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

100 Years Without RainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon