Chapter IV

3.8K 110 1
                                    

Dahil mataas din ang pride, hindi papayag si Janred na hindi siya ang panalo sa labanang iyon. Inilapag niya ang mga pantimpla ng kape sa harapan ni Dianne atsaka niya ito inutusang gumawa ng kape. At para masiguradong tama na ang ititimpla ng dalaga, binantayan na niya ito. Pinagsiklop niya pa ang mga braso habang nakabantay sa ginagawa nito.

Nagdadabog na kumilos si Dianne. Akala pa naman niya hindi na ito ulit mag-uutos sa kanya matapos ang mga kalokohang pinaggagawa niya, pero heto't ipinakita ni Janred ang pagiging batas sa kanya. Paano niya nga ba kokontrahin ito, e, hawak nito ang allowance niya. Padabog na inilapag niya sa mesa ang kapeng itinimpla niya kaya lumigwak ito sa mesa.

"Punasan mo 'yan," sabi ni Janred na tila namuna lang ng nakababatang kapatid.

Mabigat ang mga hakbang na kumuha siya ng basahan at nilinis niya ang tumapong kape. Patalikod na si Janred nang hiritan niya ito. "Pahingi ako ng allowance, wala na akong pera," aniya na noo'y inilahad pa ang kamay kay Janred. Pinagtaasan lang siya ng kilay ni Janred atsaka ito nagpatuloy sa paglalakad habang sumisimsim ng kape.

"Janred, ano ba? Nasaan na ang allowance ko?" kunot ang noong sabi niya habang bumubuntot kay Janred. Uupo sana siya sa tabi nito pero agad siya nitong itinulak sa kaliwang bahagi, na pwesto niya.

"Ibinigay ko na sa'yo ang allowance mo for this week. Dapat nga magbalik ka pa sa akin dahil wala kang pasok ngayon," parang nakakatandang kapatid lang na sabi nito.

Napatulis ang nguso ni Dianne. Tatlong araw pa kasi ang pasok niya pero naubos na niya ang allowance na ibinigay sa kanya ni Janred.

"Kung hihingi ka sa akin ng additional allowance. Hindi mo 'yon makukuha ng libre," nangingiting sabi ni Janred sabay simsim ng kape. "Pinaghihirapan ang mga bagay-bagay sa mundo. Hindi mo 'to basta makukuha lang," nangingiting sabi nito.

Naasar na inambaan niya ng suntok si Janred pero nilakihan lang siya nito ng mga mata na tila hindi nasisindak sa kanya.

Labag man sa kalooban ni Dianne, wala siyang nagawa kung hindi sundin ang inuutos ni Janred. Para kasi itong naglilihi na nagpahanap sa kanya ng kilawing balat ng kambing. Kung saan-saan na siya nakarating pero wala naman siyang makitang ganoong putahe. Nagda-dalawang-isip tuloy siya kung totoo nga bang nag-eexist ang putahe na 'yon o pinagti-tripan lang siya ni Janred. Dahil gipit at wala na rin siyang pang-gimik ginaludgod niya ultimong maliliit na karinderya para lang mahanap ang putaheng iyon. Pero bigo pa rin siya sa huli. Nasagad na ang kahuli-hulihang barya niya sa wallet kakababa-sakay sa jeep kaya inilabas na niya ang pinakamatapang niyang Isang Daang Piso sa wallet.

Lihim siyang napangiti habang tinititigan ang dinuguan sa isang karinderya malapit sa opisina ni Janred. Iyon kasi ang pinaka-ayaw kainin ni Janred. Diring-diri kasi ito sa dugo na nakasahog dito. Sa totoo lang parehas nilang hindi gusto ang dinuguan. Hindi niya pa nga iyon sinusubo, nasusuka na siya. Lalo't naiisip niya ang biruan sa school na laman-loob daw ng tao ang sahog noon. Napalunok si Dianne nang mapansing ang morgue na katabi mismo ng karinderya kaya kinilabutan siya.

Agad siyang nagpabalot ng isang order ng diniguan sa tindera. Kahit doon man lang makaganti siya kay Janred. Okay lang kahit hindi siya bigyan ng allowance nito ang importante lang sa kanya noon ay makabawi siya, susubukan niya na lang mangutang sa mga kaibigan niya.

Huling-huli ni Greg ang pagngiti ni Janred habang pinipirmahan ang dokumentong dala niya kaya kunot -noong dumukwang siya sa pinirmahan nito para masiguro kung tama nga ba ang papel na naiabot niya rito. Nagtaas ng ulo si Janred at nangingiting sumulyap sa kanya na tila nagtatanong.

"Sinigurado ko lang, Boss, kung tama ba 'yung papel na naibigay ko sa'yo, todo kasi ang ngiti mo," ani Greg na tila pinag-aaralan ang kilos niya.

Natatawa namang umiling si Janred atsaka inabot kay Greg ang mga papeles na tapos na niyang pirmahan.

In Denial KingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon