I: Slavery

23 1 0
                                    

Ngayo'y tahak ng karwahe ang daan na napaliligiran ng kakahuyan. Liblib ito at sinadya para itago ang kung ano mang nasa pusod ng kagubatan.

Madilim ang paligid. Hinaharangan ng makakapal na mga dahon ng nagsisitaasang mga puno ang sinag ng araw. Noo'y hawak ko ang maliit na manika na bigay ng nakababata kong kapatid habang iniinda ang higpit ng pagkakatali sa pulsuhan ng aking mga kamay.

"Malapit na tayo." Saad ng bantay ko.

Nang makalabas sa makapal na
kakahuyan ay tumambad ang hindi maliparang uwak na lupain. Ito'y pinuno ng mga tuyong kugon na kung makatatanggap pa ng matinding init mula sa araw ay paniguradong magliliyab. Gayunpaman, ang parteng iyun ng kagubatan ang siyang nakabibighani. Ang hangin na tila sumisipol ang siyang nagpapasayaw sa namumuting dulo ng mga kugon, kasabay ng mga tutubing sumasalungat sa malamig na ihip.

Pero, walang sinuman ang nakakaapak sa lugar na ito, maliban na lamang sa pahintulot ng mga Romanov, ang may ari ng lupain na kasinlawak ng maaabot ng paningin.

Pagkaraa'y tinungo ng karwahe ang daan pataas. Sa isip ko'y patungo na ito sa kinaroroonan ng tirahan ng mga Romanov na base sa ilan ay nakatirik sa tuktok ng bundok. Napanganib, ngunit sanay ang tagapatakbo ng karwahe na kahit matarik ang dinaraanan ay tila wala itong pag-aalinlangan.

Kahit maalog ang karwahe, parang ako'y idinuyan nito sa pagtulog, dagdag na rin sa pagod ng walang tigil na pag-iyak bago ako tuluyang kunin. Nagising lamang ako sa marahas na paggising sa akin ng bantay.

"Narito na tayo. Bumaba ka na riyan." Kaniyang wika.

Nang buksan ang karwahe, hindi ko napigilan ang mamangha sa bumungad sa aking harapan. Ang mga haka-haka nga ay totoo. Nasa harap ko ang napakalaki at misteryosong kastilyo ng mga Romanov. Bagama't tila ito'y napabayaan ng panahon, hindi ko pa rin mapigilang humanga rito, maging sa napakagandang paligid na pinuno ng iba't ibang uri ng mga bulaklak.

"Hinihintay ka na ng Kamahalan." Muling wika ng bantay. Hinila niya ang taling nagkokonekta sa lubid na nakagapos sa aking pulsuhan na naghatid ng kirot. Ako'y sumunod at sinisigurong hindi mapatid sa laylayan ng aking bestida.

Nang makaraan ang paglalakad sa mahahabang pasilyo, ako ngayo'y nakaharap na sa pinuno ng kastilyo. Hindi matigil ng katawan ko ang manginig sa sobrang takot. Ako'y tuluyang napayukod sa harap ng trono na kaniyang kinauupuan nang marahas na hilahin ng kawal ang lubid.

"Simula ngayon, ika'y magiging isa sa mga alipin ng kastilyong ito." Saad ng kaniyang Kamahalan. Ako'y hindi makaimik. Ang labi ko'y nanginginig habang nakatingala lamang sa kaniya at sa matipunong binata na nakatayo sa kanang parte ng kaniyang trono na malamig na nakatitig lamang.

"Ngunit isang malaking kahinayangan kung ika'y magiging alipin lamang... Selene Weinberg." At gumuhit ang isang makahulugang ngisi sa kaniyang labi habang siya'y mariing nakatitig sa akin. Ito'y nagdala ng matinding takot at kaba sa aking dibdib.

"Dumating na po ang takdang oras ng inyong pagkikita ng mahal na Reyna. Iminumungkahe ko pong kayo ay maghanda na, Kamahalan." Sa wakas ay basag ng binata sa sinasabi ng kaniyang Kamahalan.

Ang may katandaang mukha ng hari ay nabahiran ng pagkayamot at mas gumuhit ang may kabaghayang kulubot na balat sa mukha niya nang kumunot ang noo nito. "Kung gayon, dalhin mo siya sa silid na iyun at siguraduhing mong siya'y malinis at suot ang isang magarang kasuotan." At sumilay muli ang makahulugang ngisi sa labi niya bago tuluyang tumayo at iwan ang trono.

Naiwan ang binatang yumukod bilang paggalang bago utusan nito ang kawal na ako'y dalhin sa isang madilim na pasilyo. Ako'y nakaramdam ng masamang kutob sa kung ano mang mangyayare. Pilit kong sinusubukang kalagan ang sarili ngunit dala lamang nito ang sakit sa higpit ng pagkakatali! Sinubukan kong magpumiglas ngunit wala akong naging laban sa lakas ng kawal.

"Kung ako sa iyo ay hindi ko na pipiliting magpumiglas. Iminumungkahe kong reserbahin mo na lamang ang iyong lakas. Ang hindi pagsunod sa utos ay may karampatang kaparusahan." Salita ng matipunong binata.

"A-anong mangyayare sa akin?" Puno ng panga ngamba kong Tanong sa kaniya.

Isang malamig na titig mula sa binatang iyun lamang ang naging kasagutan bago siya huminto sa tapat ng isang pinto na nasa pinakadulo ng pasilyo. Ito'y kaniyang binuksan gamit ang susi mula sa suot niyang itim na tuxedo. Agaran nila akong pinasok sa loob at kinalagan ang kamay.

"Ika'y maghintay rito. Darating ang ilang mga alipin upang ika'y tulungan sa pag-aayos."

Isinara nila ang pinto. Sinubukan kong magmakaawa at sumigaw ngunit ito'y hindi nila binigyang pansin. Sinubok kong buksan ang pinto ngunit ito'y nakakandado. Ang mga luha ko'y nagsimulang tumulo sa kawalan ng pag-asa.

Ilang minuto lamang ang lumipas at sa muling pagbukas ng pinto ay pumasok ang tatlong alipin dala-dala ang ilang kagamitan sa pag-aayos. Ako'y walang imik na sumunod na lamang sa loob ng paliguan ng silid kung saan ay iginiya nila ako. Kanila akong tinanggalan ng buong damit at pinaliguan sa mabangong tubig.

Ako'y nakatanaw sa kawalan habang hinahayaan silang gawin ang kanilang kagustuhan. Ako'y binihisan ng magarang bestida na kulay rosas. Itinali ang hanggang baywang kong buhok na mala tsokolate ang kulay.

Nang sila'y matapos, sinimulan na nilang ayusin ang kanilang mga gamit habang ako'y nakatitig lamang sa aking repleksiyon sa salamin.

"Magiging mahaba ang iyong paghihintay. Huwag kang mag-alala, ika'y aking dadalhan ng makakain." Wika ng babaeng pinakabata sa kanila. Bago pa man sila tuluyang makalabas ay kaagad ko siyang pinigilan.

"A-ano bang mangyayare sa akin? M-maaari mo bang ipaliwanag sa akin? O kaya nama'y maaari mo ba akong tulungan?" Puno ng pagsusumamong pakiusap ko.

Ang mukha niyang nagtataka ay napalitan ng payak na ngiti na may bahid ng kalungkutan. "Sa tanang buhay ko ay ngayon lamang ako nakakita ng isang napakagandang dilag na katulad mo. Ngunit sa mundong ating ginagalawan, ang pagtataglay ng kagandahan ay maaari ring maging isang sumpa. Ipagpaumanhin mo. Ika'y hindi ko matutulungan dahil maaari nitong maging kapalit ay ang aking buhay o ng mga taong malapit sa akin. Ako'y aalis na, ingatan mo ang iyong sarili... binibini." At kaniyang iniiwas ang kaniyang tingin at nagmamadaling lumabas. Ang binatang siyang naghatid sa akin ang muling nagsara ng pinto. Ang mga malamig na titig niya ang huli kong nakita bago magsara uli ang pinto nang tuluyan.

Ako'y napasalampak sa sahig at napatakip sa mukha. Humagulhol ako sa kawalan ng pag-asa at sa pangungulila sa aking dating tahanan.

Ang magandang kwarto ay binabalot ng kadiliman. Pawang ang maliit na bintana ang siyang nagdadala ng mumunting liwanag. Noo'y tuloy ang aking pagtangis habang nakahiga sa malambot at puting higaan. Binalot ng aking pag-iyak ang kwarto na kaninang puno ng katahimikan. Ako'y nagtatanong ng paulit-ulit, ano nang mangyayare sa akin dito?

月Raxxen

05'22'23

𝐃𝐚𝐫𝐤𝐢𝐮𝐬: 𝐓𝐡𝐞 𝐄𝐯𝐢𝐥 𝐄𝐦𝐢𝐧𝐞𝐧𝐜𝐞 Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon