Pangarap

10 0 0
                                    

What is your dream?

Nakatulala ako sa harapan ng pisara habang pinagmamasdan ang tanong na iyon. Hindi ko alam kung ilang minuto kong tinitigan ang nakasulat habang pilit iniisip kung mayroon ba ako n'on o wala at kung ano ang maaari kong isulat sa blanko kong papel. 

Inilibot ko ang paningin sa loob ng silid-aralan namin. Doon ko napagmasdan ang mga kaklase kong ganadong-ganado at masaya na isinusulat ang sari-sarili nilang pangarap. Mayroon pa nga na gumagawa ng eroplano dahil gusto n'ya raw maging piloto at mayroon ding mga iginuguhit pa ang kani-kanilang pangarap sa papel kahit na short answer lang naman ang pinapagawa sa amin.

Bakit ang creative nila?

Naroon din si Chelsea, ang isa sa kaimikan kong kaklase na abala sa pakikipagtalastasan sa katabi habang ipinakikita ang larawan ng kaniyang sarili bilang magaling na architect sa future. Ang isa ko namang kaibigan, hayun, gusto namang maging writer at doctor. May nais ding maging engineer at flight attendant.

Nakakatuwa na nakaka-proud tingnan kung gaano sila kasigurado sa mga bagay na gusto nilang maabot sa buhay --- sa mga pangarap na gusto nilang maabot at makamtan. Sa palagay ko kasi, hindi naman iyon madali. Oo, sa mga unang taon bilang bata, mabilis mong masasabi kung anong gusto mong maging. Pero siguro habang umaandar ang oras, maraming nagbabago. Marami kang ma-re-realize at kasama na ro'n 'yung paglagay ng kung anong propesyon ang isusulat mo sa what is your dream na tanong lalo na sa ganitong situwasyon.

Pero ako, heto at walang maisagot. Kapain ko man ang aking sarili ay hindi ko masabi kung ano nga ba talaga ang pangarap na gusto kong marating sa buhay. O, kung may patutunguhan ba itong pangangapa ko dahil wala naman akong nahihita na kahit ano mula roon.

Ni minsan ay hindi ko nagawang makita ang sarili ko, sa kahit panaginip o imahinasyon man lang sa bagay o trabaho na ginagawa ko sa future. Kung magiging teacher ba ako o abogado. O, kaya naman ay maging doctor o policewoman. Para kasing sa mga ideyang 'yon, walang babagay sa akin o sadyang wala lang akong tiwala sa sarili ko na makakaya kong abutin ang kung anumang nais ko sa buhay o sa iginuhit sa akin ng kapalaran.

Doktor? Ayoko sa amoy ng hospital at hindi ako magaling sa memorization. Ang dami pa namang mga uri ng sakit at baka magkamali-mali lang ako. Nars? Takot nga ako sa dugo at injection. Flight attendant? Hindi naman ako katangkaran at mababa pa ang confidence ko sa sarili. Teacher? Hindi kaya ng utak ko.

Isa pa sa hindi ko maintindihan ay kung bakit kapag tinanong ka kung ano ang pangarap mo ay required na propesyon agad. Paano kung wala? Paano kung iba? Paano kung naiiba ang pangarap ko sa mga kaklase ko?

Parang sa pakiramdam ko, kailangan kong tumulad sa kanila na mga nais na propesyon sa hinaharap ang isulat.

"Oh, Kellany. Bakit hindi ka pa nagsisimula? Malapit na tayong mag-time. Hanggang 3:30 lamang ang pasahan niyan."

Nakita ko ang papalapit na si Ma'am Ocampo sa lamesa ko. 'Yung ngiti niya kanina ay biglang nawala nang tingnan na niya ang papel ko. Paano ba naman at simula nang ipagawa niya ang activity ay blanko ito dahil wala talaga akong masimulan.

Ngumiti ako ng tipid sa kaniya, medyo nahihiya na 'saka napakamot sa ulo.

"Sorry po, Ma'am. Susubukan ko na lang pong tapusin ngayon para maihabol mamaya sa office n'yo."

Ayan. D'yan ka magaling, Kellany! Ang magbitiw ng salita kahit hindi mo naman mapapanindigan. Pati tuloy ang pangarap mo, nadadamay.

Naupo sa katabing silya si Ma'am Ocampo. "May problema ba, Kellany?"

Umiling ako at pilit na ngumiti kahit sa isip-isip ay gustong um-oo. Walang pagdadalawang-isip niyang hinawakan ang balikat ko at pinaharap sa kaniya. Ramdam ko ang mariin niyang tingin ngunit panay iwas lamang ako.

A Collection Of Short StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon