Tahimik kong pinagmamasdan ang mga dahong mabagal na sinasayaw ng hangin. Tahimik ang paligid, tanging ang tunog mula sa kinakalawang na bakal ng duyang kinauupuan ko ang maingay. Tinanaw ko ang punong nag bigay sa akin ng mga hindi makalilimutang ala-ala.
“Tumatambay ka na naman d’yan! Halika, kumain muna tayo!” ngumiti si ate Sisa sa akin habang inaaya akong kumain.
Siya ang tagapangalaga nitong hardin namin. Mula rito sa aking kinauupuan hanggang sa kanlurang bahagi ay taniman ng mga rosas. Lumingon ako sa iba’t ibang mga kulay nito at parang pinipigil ang aking paghinga sa ganda.
Iisang linya ang magkakakulay, ngunit ang paborito ko sa lahat ay ang kulay puting rosas.
Tumayo ako upang daluhan ang paanyaya ni ate Sisa. Mabagal kong pinagpagan ang aking pang-upo upang tanggalin ang mga alikabok na dumikit doon bago tuluyang naglakad papunta sa hapag kainan.
Ganito rin ang panahon noon... noong una naming pagkikita...
“Fidela! Tawag ka na ng daddy mo!”
I am running around the garden. Ang mahaba kong buhok ay umaalon kasabay ang mahaba kong bistida. Ang laylayan nito’y napupuno na ng mga putik. Katatapos lang kasing diligan ng mga halaman. Mamaya ay pupunta na rito ang maghahakot upang maibenta na sa bayan. Nalalapit na rin kasi ang araw ng mga puso.
“Papunta na po!” sigaw na tugon ko.
Nasa malayo pa lamang ay narinig ko na ang busina ng truck. Sila na yata ang maghahakot ng mga bulaklak.
“Ayusin mo naman, Helios! Mahal ‘yang mga ‘yan!”
Nakangiti akong naglalakad palapit sa kanila. Nilalagay nila sa likuran ng truck ang paso ng mga halaman.
“Good morning po!” bati ko.
Lumingon sa akin ang lalaking may katandaan na. Ngumiti ito nang palakaibigan.
“Magandang umaga rin sa’yo, ija. Anong ginagawa mo rito? Hindi ka ba pinagbabawalan ng iyong ama?”
Umiling ako bago lumikot ang aking mga mata sa dulo ng truck. Doon ko nakita ang mas bata pang lalaki na tila kanina pa pala nanonood sa amin. Umangat ang kanang kilay niya bago umirap. Kumunot ang aking noo sa nasaksihan. Galit ba siya?
“Ako nga po pala si Fidela.” mahinang tugon ko, kinakabahan nang kaunti dahil galit yata iyong kasama niya, anak niya ‘ata ‘yon.
“Ako si Abram, at ‘yon naman...” itinuro niya ang batang lalaki. “Ang aking anak, si Helios.”
“Pa! Tara na! Akala ko ba nagmamadali ka?” si Helios. Salubong ang mga kilay niya habang sinasabi ‘yon sa kaniyang ama.
Pekeng natawa si Mang Abram. “Sige Ija, mauuna na kami at maraming naghihintay sa amin sa bayan.”
“Ingat po kayo. Sa uulitin po!”
“Tss.”
Lumingon ako sa kaniya, ngunit nauna na siyang pumasok sa loob ng truck. Tinanaw ko siya mula sa labas at ganoon na lamang ang gulat ko nang makitang galit na galit ang mga tingin niya sa akin.
Makapal ang mga kilay niya na siyang umakto sa kalaliman ng kaniyang mga mata. Sakto lang din ang gupit ng kaniyang buhok, hindi mahaba, hindi rin maiksi. Matangos din ang kaniyang ilong. Sa katunayan ay tila may lahi siyang Espanyol. Namumula ang kaniyang balat sa sobrang init.
Bumusina pa nang isang beses si Mang Abram bago sila tuluyang umalis.
“Sila Mang Abram po ba ang palaging bumibili ng mga halaman natin, Pa?” tanong ko sa ama nang kalaunan ay naupo na ako sa hapag kainan.