Naging paksa sa subject namin na Philosophy 'yung pagkakaibigan dahil sa lesson namin na Intersubjectivity. Nagkaroon ng discussion at sharing ng opinions kung ano nga ba sa amin ang ibig sabihin ng "friendship".
Pero kung ako ang tatanungin sa sarili kong experience, seasonal ang pagkakaroon ng kaibigan.
May mga naging kaibigan tayo noong bata na aktib na aktib tawagin ang pangalan natin sa labas ng bahay tuwing hapon, dahil pinatulog tayo ng mga nanay natin pagkatapos kumain ng pananghalian.
Maliban sa mga kalaro natin magdamag sa kalye, may mga kaibigan din tayo sa school noong elementary na hinihingian natin palagi ng listahan ng mga assignment. (Aminin nalang natin na hanggang highschool ay nagtatanong pa rin kung ano ang mga assignment)
Pero nang magtapos na kayo sa elementarya at nagkahiwalay na ng mga school sa highschool, nagkaroon ka na naman ulit ng new set of friends. At dahil nagdadalaga't nagbibinata na, 'yung mga kaibigan mo noon sa kalye ay hindi na rin nagsisilabas ng mga bahay nila.
Siyempre, hindi sa lahat ng kaso, gano'n ang na-e-experience, mayroon pa ring mga kaibigan na hanggang sa magkaroon ka na ata ng asawa, e nangungulit pa rin sa 'yo para mag-survey kung ano ang ilalagay nilang profile picture sa social media nila.
Habang nadaragdagan 'yung edad mo, ma-re-realize at mapapa-senti ka nalang na sobrang bilis pala talaga ng panahon. Na parang kahapon lang, naglalaro pa kayo ng mga kaibigan mo sa kalye hanggang mag-amoy araw kayong lahat at madungisan 'yung mga damit ninyo. Minsan pa, kapag nagkapikunan, magkakasakitan nang pisikal tapos makikisali na rin ang mga matatanda hanggang sa magkabaranggayan na (charot).
At 'yung mga kaibigan mo sa school noong elementary, ang tanging iniisip niyo lang ay kung paano kayo makatatakas sa paglipat sa inyo sa kabilang section dahil wala ang adviser ninyo.
Samantalang ang mga kaibigan mo naman noong highschool ay iniisip kung paano mapapansin ng kani kanilang mga crush. At kung paano mangongopya sa exam dahil tinamad ka mag-review dahil inuna mo ang paglilibang habang gi-na-gaslight ang sarili na deserve mo no'n.
Lahat ng mga 'yan ay sobrang saglit lang kung tutuusin at kung sakali na ang kinabukasan ay hindi katulad ng kahapon, 'yun ay normal. Hindi mo man kaibigan pa ang mga kasama mo palagi noon, ang mahalaga ay sa panahon o phases ng buhay mo ay kasama mo sila. At sa mga time na 'yun, e dapat sulitin ang bawat segundong nag-bo-bonding kayo. At kung may tiyansang um-attend palagi sa mga plano na hindi drawing na si-ne-set ng mga tropapips mo, sumama ka dahil p'wedeng hindi na ulit 'yun masundan muli.