Chapter 03

178 13 1
                                    

CHAPTER 03

NAGISING AKO dahil sa naramdaman kong biglang may yumugyog sa akin. Nang iangat ko ang ulo ko ay bumungad sa akin ang tatlo kong mga kaibigan.

“Oyy, Angel! Break time na,” ani Kia.

“Sasama ka ba sa ‘min sa canteen?” tanong naman ni Catherine.

Tumango ako bilang tugon at tumayo mula sa pagkakaupo ko. Hindi ko man lang namalayan na nakaidlip pala ako.

“May assignment ba tayo?” tanong ko sa kanila, patukoy ko sa English subject namin habang patungo na kami sa canteen.

“Wala naman,” sagot ni Jade.

Nagsimula na silang mamili ng mga pagkain na gusto nila. Habang ako naman ay pumipili na rin at nag-iisip kung dapat nga bang may bilhin pa ako. Sana pala hindi na ako sumama. Nakakahiya rin naman kasi kung wala akong bibilhin, bukod doon ay nagugutom na rin ako.

Bumili sila ng kanin na ang ulam ay hotdog, kaya naman ginaya ko na lang sila at iyon na lang din ang binili ko. Nakakapanghinayang gumastos, pero gutom na talaga ang tiyan ko. Umupo kami sa isang bakanteng table at nagsimula nang kumain. Nakatuon lang ang atensiyon ko sa pagkain ko habang silang tatlo ay nagku-kuwentuhan.

“Oyy, ayos ka lang? Ang tahimik mo yata?” tanong sa akin ni Kia kaya naman tumingin ako sa kaniya. Nasa harapan ko siya nakaupo habang nasa tabi niya si Catherine. Sa tabi ko naman ay si Jade.

“Inaantok lang kasi talaga ako,” tugon ko. Hindi kasi ako gaanong nakatulog kagabi dahil sa insomnia. Kaya ito, antok na antok ako. Sana naman bumilis na ang oras para makauwi na ako at makatulog.

“Wait lang. Bibili muna pala ako ng tubig,” paalam ni Jade at tumayo. “Makikisabay ba kayo?”

“Isabay mo na ako.” Nag-abot ng pera si Catherine, ganoon din si Kia. Nang tumingin sa akin si Jade ay wala na akong nagawa kundi ang magpasabay na rin sa kaniya.

Mayamaya pa ay dumating siya dala ang apat na bottled waters at isa-isa iyong ibinigay sa amin at ininom. Uminom na rin ako dahil nakaramdam ako ng uhaw. Tila ba nagising ang kaluluwa ko nang dumaloy sa lalamunan ko ang malamig na tubig.

“Ehem,” nagkunwaring ubo si Jade. Hindi na rin ako nagtaka kung bakit dahil obvious naman ang dahilan. Nagsimula kasing umingay ang paligid at alam kong dahil iyon sa kaniya.

Halos ma-estatwa ako sa kinauupuan ko nang maamoy ko ang pabango niya. Tila ba nagiging abnormal na rin ang pag-function ng sistema ko. Lalo na no’ng pasimple akong siniko ni Jade.

Dahan-dahan ang bawat pagnguya ko habang dahan-dahan din ang paglingon ko sa ibang mesa, kung saan nakaupo sina Prince Kurt. As usual, kasama niya si Leslie. Hindi na bago sa akin iyon kasi lagi naman silang magkasama. Kaya hindi na rin nakapagtataka kung bakit napagkakamalan silang may relasyon.

Dalawa lang silang nakaupo sa isang mesa kaya naman karamihan sa mga nandito ay nakatingin sa kanila. Siguro, kung hindi sinabi sa akin ni April na walang relasyon sina Prince Kurt at Leslie, iisipin ko rin talagang may namamagitan sa kanila. Hindi ko na nagawang maalis ang mga mata kong nakatitig sa kanila. Kung tutuusin, tama naman ang sinasabi ng iba. Bagay naman talaga silang dalawa. Ang suwerte ni Leslie dahil pinagpala siya ng ganda, tapos malapit pa siya sa lalaking pinapantasya ng karamihan. Ano kayang feeling maging katulad niya?

“Malapit nang mag-time. Bilisan na natin,” paalala sa amin ni Kia kaya naman binilisan na lang namin na kumain dahil hindi kami puwedeng ma-late sa next subject namin.

“Ekonomiya. Ito ay tumutukoy sa mas madaling pakikipag-kalakalan ng mga bansa kung saan ang mga produkto at serbisyo ng isang bansa ay madali nang makararating sa ibang mga bansa.”

I Like SingkitWhere stories live. Discover now