Isang matamis na ngiti ang nakapagkit sa mga labi ng aking matalik na kaibigan habang siya’y naglalakad papunta sa aking direksyon. Siguro may dala siyang magandang balita, o kaya naman mga kuwento tungkol sa mga tao na nakilala niya sa bagong taon naming sa mataas na paaralan. Hindi kasi kami gaanong nagkikita noong mga nakaraang araw dahil nga hindi kami naging magkaklase ngayong taon. Nasisiguro kong marami siyang naipong kuwento sa tatlong araw na hindi kami nagkausap. Nakagawian pa naman naming magkwentuhan ng walang humpay sa tuwing wala pa ang aming guro o kaya naman kapag natapos na namin ang mga pinagagawa sa amin ng maaga. Nangulila tuloy ako ng lubos sa kanyang mga kuwentong nakakatuwa at kung minsan ay nakakaaliw pa nga.
“Aya! Ang tagal nating hindi nagkausap, buti na lang nagpangita tayo ngayon. Alam mo ba, may bago akong naging kaibigan. Kilala mo yung transferee student, hindi ba? Iyong kaklase mo?”
“Buti ka pa nga naging kaibigan mo siya agad kahit kahapon lang siya lumipat. Ako nga na kaklase niya ay hindi pa nakakapagpakilala sa kanya.”
Ang hindi ko alam, ang usapan naming ito ang magiging hudyat sa isang bagay na hindi ko kailanman naisip na mangyayari.
- - -
Hay nako, mukhang maiinip na naman yata ako sa paghihintay na dumating ang aking sundo. Maaga kasing natapos ang huli naming klase kaya kailangan kong umupo muna rito ng mga tatlumpung minuto. Hindi naman sa ako’y nag-iisa, na ako’y walang makakausap. Sa katunaya’y kasama ko ang aking matalik na kaibigan na si Korina.
Si Korina ay isang masayahing tao. Siya ay napakakulit kaya siya’y masarap kasama. Ubod rin siya ng daldal at hindi nauubusan ng ikukuwento sa tuwing magkakausap kayo. Masasabi mo rin na isa siyang magandang dalaga. Ang kanyang mga mata na kulay tsokolate ay waring mga bituing nagniningnig sa kadiliman ng gabi kapag nasisikatan ng araw. Ang kanyang diretsong buhok na kakulay ng kanyang mga matang bilugan ay umaabot hanggang sa kanyang bewang. Sa gitna ng kanyang mukhang hugis puso ay matatagpuan ang napakatangos niyang ilong. Ang kutis niya ay malaporcelana at ang kanyang tangkad ay parang sa isang banyaga. Batang-bata rin siya tignan para sa isang dalagang labing-anim na gulang.
Sa dami ng kanyang magagandang katangian, may isang katangian siya na talagang namang nangingibabaw sa lahat. Ang pinakanagustuhan ko sa kanya ay ang kanyang busilak na pusong marunong umintindi at tumulong kahit anumang oras. Kahit hindi ko sabihin, alam niya kapag may pinoproblema ako. Handa rin siyang tulungan ako sa mga ito sa anumang pagkakataon kaya nalalagpasan ko ang mga problemang aking kinakaharap na may ngiti sa aking mga labi. Hindi ako magiging ganito katatag kung hindi dahil sa kanya. Malaki talaga ang utang na loob ko rito kay Korina.
Pero sa isang iglap, nag-iba na siya ng pakikitungo sa akin. Sa hindi ko inaasahang pagkakataon, nagbago na lamang ang lahat sa amin. Puro na lang siya ang naging laman ng aming mga usapan. Simula noong nagkakilala sila, hindi na ako nabigyan ng kahit kaunting atensyon ng aking matalik na kaibigan. Kapag sinusubukan ko na magpatulong sa kanya sa problema ko, hindi niya ako pinapansin. Sinasabi lang niya na “kaya mo iyan, ikaw pa,” o kaya naman “magiging okey lang ang lahat, hayaan mo na lang iyan.” Kung hindi sana siya nakilala ni Korina, hindi sana nangyayari itong mga bagay na ito. Sa dinamirami ba naman kasi ng pwede niyang pasukan na eskwelahan sa Maynila, bakit dito pa?
BINABASA MO ANG
Ngiti
Short StoryPaano kung mainlove yung best friend mo sa bagong transfer na student sa school niyo? Tapos hindi ka na niya nabibigyan ng atensyon dahil dito? Tapos paano kung nainlove ka rin dun sa transferee? Anong gagawin mo? Medyo malalim ang tagalog nito kasi...