A/N: This is inspired by the song 'Tindahan ni Aling Nena' by Eraserheads. Hopia like it! ;)
.
.
.
.
.
"Thomaaaass!!!"
Hay. Umagang-umaga, ang ingay na ni nanay. Naalimpungatang kinusot-kusot ni Thomas ang mga mata. Alas syete kwarenta y singko pa lang ng umaga.
"Thomas! Ano ba! Bumangon ka na nga jan!"
Wala ng nagawa si Thomas kundi bumangon na lang. Baka kasi akyatin pa siya ng nanay niya at hambalusin ng tambo. Pupungas-pungas na bumangon si Thomas. Hindi niya namalayang nasa huling baitang na pala siya kaya natapilok siya at nabangga sa nakababatang kapatid niyang babae.
"Ugghhh! Kuya naman eh!" sigaw ng kapatid niyang si Kat. "Ayan tuloy mangangamoy suka na ang paa ko!" padabog na dagdag ni Kat. Nabitawan kasi neto ang suka na binili at nabasag. Tumalsik pa sa paa neto ang suka kaya't inis na inis si Kat. Napakamot na lamang ng ulo si Thomas.
"Sorry na nga. Wag nang maarte okay. Buti pa tulungan mo na lang akong linisin to at maligo ka na lang pagkatapos." sagot na lamang ni Thomas habang sinimulang pulutin ang mga bubog.
"Ano bang nangyayare dito?" mataray na tanong ng nanay nila pakalapit. Patay na naman si Thomas neto pagkat tiyak na magsusumbong si Kat.
"Eh kasi nay, yang si kuya hindi tumitingin sa dinadaanan niya. Nabangga niya ako kaya nabitawan ko tuloy yung suka na pinabili mo." malditang sagot ni Kat. Mabait naman talaga si Kat kadalasan. Pwera na nga lang kung umaga. Malas lang ni Thomas at pinikon niya ito umagang-umaga. Napatayo si Thomas ng sinimulang pikutin ng nanay niya ang kanyang tenga.
"Ahh araay! Nay naman eh. Di ko naman sinasadya. Kasalanan din naman ni Kat kasi di siya umilag!" sagot ni Thomas habang sinusubukang tanggalin ang pagkakpikot ng ina sa tenga.
"Eh kung natulog ka sana ng maaga kagabi, edi hindi ka pipikit pikit habang naglalakad! Nasayang pa tuloy yung suka!" sigaw ng nanay nila Thomas sabay bitaw sa tenga ng anak. Bilang ina, alam na alam ng nanay ni Thomas na animoy tulog pa ang anak ng pumanhik pababa kaya naman nakaisgrasya pa ito. Paano niya hindi malalaman eh ilang beses ng nagyari ito? Laro kasi ng laro ng computer kaya palaging puyat.
"Yan kasi. DOTA pa more! Para naming ikauunlad yan ng kinabukasan mo!" sambat pa ni Kat. Minsan napapisip talaga si Thomas kung sino ba ang tunay na nakakatanda sa aknila ni Kat. Ni wala kasing konting takot sa kanya ang kapatid. Kung minsan pa, katulad ng nangyayari ngayon, siya pa ang pinapangaralan nito.
Mahaba-haba pa ang mga pangaral na natanggap ni Thomas mula sa ina. Buti na lang umalis si Kat upang maligo dahil kung hindi, lalo pa sanang hahaba ang mga pagtatalak na natanggap niya. Matapos siyang talakan ng kanyang ina, pinaghilamos siya nito at inutusang bumili ng pamalit sa nadisgrasya niyang suka. Matapos maghilamos ay lumabas na si Thomas ng bahay para bumili ng suka kina Aling Nena.