"Alam n'yo ba mga apo? May isang alamat tungkol sa isang prutas sa kagubatan. Kapag iyong kinain ito, ikaw ay magiging walang-hanggang buhay, walang kamatayan." Ani ng isa sa mga pinakamatanda sa Tribo ng Kalaran na si Lola Sanlaon.
"Ayon sa aking dakilang lola, ang prutas na ito ay napakasarap at sa katunayan, ay labis na mahirap hanapin. Ang puno nito ay kulay puti at ang mga dahon nito ay kulay asul. Isang beses lamang sa loob ng isang libong taon ito kung mamunga." Tumayo si Lola Sanlaon at lumapit sa akin. Hinawakan n'ya ang aking kanang braso tsaka mariin na tumitig sa mga mata ko. Na tila ba may pinapahiwatig.
"Nakakagayak man pakinggan ang kapangyarihan na maaaring maibigay nito. Ngunit, kapag ito ay iyong inabuso." Binigyan diin nya ang mga salitang 'iyong' at 'inabuso' habang nakatingin pa rin sa mga mata ko. Hindi ko mawari. May galit kaya sa akin si Lola Sanlaon?
"Ay may nag aantay sa iyong mabigat na--"
"Alunsina!" Napalingon kaming lahat kung saan nagmumula yung boses. Agad akong tumayo nang masilayan ang aking ama. Nako! Matatalakan pa ata ako o kaya'y ma u-utusan.
Nang tagumpay na makalapit sa kanya ay inutusan na agad ako nitong mag igib ng dalawang balde sa lawa ng makiling. Sabi na eh!
Nakakapag-init ng ulo, sapagkat madilim na at baka may kung anong elemento akong makita.
Sa takot ay naisipan kong magpasama sa aking kasintahan. Kaya naman pinuntahan ko ito sa kanilang balay.
Nang makarating ay nasilayan ko s'ya banda sa may bintana. Gumuguhit.
"Tala!" Tawag ko. Gulat itong lumingon sa kinaroroonan ko.
"Alunsina? Naparito ka, mahal ko? Masyado nang malalim ang gabi." Nagaalalang tanong nya habang nakadungaw sa bintana.
"Gusto ko sanang magpasama, dahil inutusan ako ng aking ama." Nahihiyang banggit ko. "Mag iigib tayo sa-"
Nagulat ako nang nasa tabi ko na ito at may hawak na dalawang balde. "B-Bilisan natin." Tugon n'ya habang namumula. Inabot n'ya sa akin ang isang balde at nagsimula na kami mag lakad.
Oh bathala.
"Tala, ano nga pala 'yong ginuguhit mo?" Putol ko sa katahimikan na bumabalot sa aming dalawa.
"Wangis mo. Wangis mo noong nakita mo ko suot suot ang lufid na hinabi mo." Nakangiting sagot nito na s'yang ikinapula ng mukha ko dahilan para mapaiwas ako ng tingin.
"Ang lawak ng ngiti mo noon. Hinding hindi ko makakalimutan." Naramdaman ko ang paghawak n'ya sa kamay ko. Ngunit nanatali akong tahimik hanggang sa makarating kami sa lawa.
Bumungad samin ang napakaraming alitaptap sa mga puno at damuhan na nakapaligid sa lawa.. Tila ba panaginip, napaka ganda. Kung alam ko lang na ganito dito kaganda tuwing sasapit ang gabi ay gabi na lang ako lagi mag iigib.
Umupo si Tala sa damuhan pagkatapos kumuha ng tubig sa lawa. Matapos ko rin kumuha ng tubig sa lawa ay tinabihan ko ito.
"Dito muna tayo?" Panimula n'ya. Tumango ako bilang sagot. Isinandal n'ya ang kan'yang ulo sa kanang balikat ko tsaka muli nagsalita.
Panandalian kaming nanatili sa ganong posisyon nang bigla muli ito magsalita.
"Sana hindi maikli ang buhay ng isang nilalang."
"Mhm, bakit?" Takang tanong ko. Hinawakan ko ang kaliwang kamay nito at hinalikan.
"Gusto pa kitang makasama nang mas matagal." Malungkot nitong sagot.
"Hindi sapat ang isang daang taon. Kahit nga dalawang daang taon-" Tumayo ako.
"Tala, huwag mo na ngang isipin yan. Labing lima pa lang tayo para isipin ang mga nakakalumbay na mga bagay.."
"Dahil pangako, sinta ko. Kung totoo man ang sabi sabi na muling pagkabuhay ngunit sa ibang katauhan ay walang pag aalinlangang hahanapin kita." Pagpapatuloy ko. Nakita kong nanlaki ang mga mata nito kaya binitbit ko ang dalawang balde at naglakad na paalis.
"Alusina.. " Masaya nitong banggit sa pangalan ko tsaka sumunod.