Hershey's ang hawak-hawak ko. Nasa loob o labas man ng school ay ito ang palaging hawak ng kamay ko, maski ang palaging laman ng bulsa ko.
Noong una, masaya pa.
Ang tsokolateng iyon kasi ang palaging inuuwi ni Papa galing sa ibang bansa, pero ngayon... hindi na siya nagdadala.
Kumuyom ang kamao ko habang naghahalungkat ng pamasahe para sa tren.
Uminit ang ulo ko nang mag-umpisang tumulo nang paisa-isa ang mga luha galing sa aking mga mata.
Padabog akong nagpunas ng mukha at tumindig nang maayos upang makabili na ng ticket.
Pagod na akong mag-isip kay Papa.
Napadaan ako sa tapat ng restaurant kung saan kami palaging kumakain noon.
Hindi na ako nagulat pa nang makita ko na naman ang bago niyang pamilya roon habang masayang kumakain... kasama siya.
Pagod na ako sa iyo, 'Pa.
"Tatlong buwan na, 'Ma... Kung kaya niyang magpatuloy nang wala tayo, bakit hindi mo kayang gawin para sa akin?"
Nasambit ko iyon nang maabutan ko siyang nakaduldol ang ulo sa mesa habang napalilibutan ng maraming basyo ng alak sa sahig.
Nanlalambot ang mga tuhod na lumapit ako sa kanya't lumuhod upang haplusin ang kamay niya.
"'Ma, kumain ka man lang ba? Bakit palagi na lang ganito iyong maaabutan ko sa iyo? Wala na siya, 'Ma. Iniwan ka na niya, iniwan na niya tayo. Masaya na siya—"
Napatigil ako nang magtaas siya ng ulo at tingnan ako. "Ilang Hershey's ang inuwi niya?"
Napakapait ng bikig sa lalamunang pilit kong nilulon. "Wala siyang inuwi sa atin, 'Ma."
Mapakla siyang tumawa. "Halika, Rosie... sabay nating kainin."
"'Ma, tama na. Kahit ano'ng mangyari, tayong dalawa na lang..."
"Kainin natin, anak—"
"Wala nga siyang inuwi, 'Ma!" mapait na hiyaw ko. "Ang sakit-sakit, 'Ma! Nasasaktan ako! Palagi niyo na lang akong sinasaktan!"
Tumalikod ako, ngunit hinila niya ang kamay ko. "Sigurado kang... wala siyang inuwi?"
Padabog na ibinuhos ko sa harap niya ang lahat ng laman ng bag ko. "Tanggapin mo na ngayon, 'Ma. Wala nga..."
Ngunit yumuko siya at pumulot ng isang Hershey's na akala ko ay basura na.
Binuksan niya iyon at kinain kahit matagal na yatang tunaw ang tsokolateng iyon sa bag ko.
At habang kumakain, nakangiti siyang tumugon. "'Wag mo siyang kalilimutan, Rosie."
Ngayon lang siya ulit ngumiti.
Tuluyan akong napaupo sa sahig... habang pinanonood siyang kumain.
Tama si Mama...
Kahit saan ko tingnan, marami pa rin kaming pinagsamahan ni Papa.
Iniwan na niya kami... at tinanggap ko na iyon.
At kahit masakit pa rin... hindi ko siya puwedeng kalimutan.
"Rosie, anong oras ka aalis bukas?"
Kasi siya lang ang nagpasaya kay Mama nang ganito.
Kumapit ako sa tuhod ni Mama at nagsalita. "Anong flavor pa ang gusto mo?"
"Basta Hershey's, Rosie..."
Mali...
Puwede kong kalimutan si Papa, pero hindi ang tanging ala-alang nagbubuklod sa amin bilang pamilya.
"Hayaan mo, 'Ma," saad ko. "'Wag ka nang malungkot... kasi ako naman ang magmamahal sa iyo magmula ngayon."
At dinampian niya ako ng Hershey's sa pisngi... gaya ng hilig gawin ni Papa dati.
BINABASA MO ANG
BASTA HERSHEY'S!
Short StoryBasta Hershey's! "In order to brave your fears, you must face them..." If someone leaves you, one of your parents at that... how would you feel? Will you cling to the sole object which reminds you of them... or choose to forget because they left? A...