Part 1

7 0 0
                                    

CHAPTER ONE
MALINIS na malinis ang opisina ng senior agent na si Amadeo Amadeo III. Pinaghalong amoy ng Zonrox at pritong bangus ang paligid. Napamata ako sa eskaparte kung saan nakapatong ang tin foil na naglalaman ng bangus. Mukhang hindi masyadong nagalaw—parang kinurot lang ng may-ari. Ang marmol na sahig, nangingislap sa kalinisan. In fairness, mukhang pinaghandaan ng unggoy ang pagdating ko. Tinungo ko ang pahabang mesa na malapit sa pinto at inabot ang alcohol spray. For sure, amoy-bawang ang kamay ko sa kinain na honey-glazed garlic chicken. Shit, sira na naman ang diet ng babaeng ito. Kung hindi ba naman astang master chef si Doris, my forever room mate. Tiningala ko ang kisame, walang bakas ng agiw. May pailaw sa ibabaw ng curtain rod, pihadong Christmas wreath noong nagdaang Pasko. Kumukutitap sa asul, puti at dilaw ang mga Christmas lights. At bakit humalo ang dilaw sa puti at asul? Hindi na lang ako nagkomento sa combination of colors. Umupo ako sa bakanteng silya na nasa harap ng desk ni Amadeo. Kinalkal ko ang pekeng Balenciaga at hinanap ang nail file.
Saktong nagkikiskis ako ng cuticle nang bumukas ang pinto.
“Aba, at-home na at-home ka. Nagkikil ka pa ng kuko mo dito.” Tiningala ko si Amadeo. Nakasuot siya ng navy blue polo shirt, kupasing pantalon at simpleng loafers. May kipkip na brown envelope ang lalaki, habang ang isang braso ay may nakasukbit na messenger bag. Ang linis ng hitsura ni Amadeo, halatang addict sa facial. Minsan, nagkagulatan pa kami sa dinadalasan kong derma sa Makati. Ang tinamaan ng magaling, nagpa-diamond peel pala. Kung hindi lang mahilig sa mga babaeng naka-puta shorts, aakalain mong bekla. Pero dati-rati pang tsismis sa loob ng department ang pagiging banidoso ng lalaki. Wala namang kaso roon, actually. Siguro ay hindi ko lang type ang lalaking masyadong malinis sa katawan. Kundangan ay nahihilig ako sa dirty, bad boy look. Iyong tipong Gerald Anderson at Hugh Jackman, gano'n.
“Ang sangsang ng pabango mo.” Kandatakip ako ng ilong. Hindi lingid sa kaalaman ng lahat ang inis ko kay Amadeo. Kaya type kong buskahin, asarin palagi. Game na game naman ito—alam nito ang karakter kong baliw-baliwan. Isa pa, bawal niyang seryosohin ang mga biro ko dahil untouchable ako sa loob ng opisina. Charing. Pero ang totoo, magkatsokaran talaga kami ni Amadeo Amadeo III. Kaya lang kung minsan, ang sarap nitong barahin. 'Bilis mapikon ng unggoy, eh.
“Hugo Boss kasi 'yan, palibhasa hanggang Bambini ka lang,” sagot ni Amadeo saka naupo. “May task ka, alam mo ba?”
Umingos ako. “T-in-ext ako ni Sir Franco.” Isa pang senior agent, mas mataas lang ang posisyon sa kausap ko. Isa pa, mas maayos kausap si Sir Franco. Crush ko pa man din.
“Sa Mindanao ang destinasyon mo, Molly.” Isa rin akong agent ng PDEA. Filler, utusan—iyong tipong ipinapadala sa war site. I am under the Intelligence and Investigation Services or IIS of the drug agency. It dealt with official operation towards notorious drug profiles in the country. Dati akong na-assign sa Public Information Office pero wala pang isang taon nang mapakiusapan akong humalili sa pagraradyo sa mga nasa field. Bilang office worker, isa iyon sa mga tungkulin ng mga nagtatrabaho sa PDEA upang kumuha ng balita mula sa mga agent na nasa labas ng opisina. From PIO, I was then transferred to media affairs.
But one fateful day came. Isa sa mga agent ang napuruhan habang on-duty. It was an on-site field work at ang akalang daplis lamang ng bala ay isa na palang seryosong bagay. Janine, my dear best friend died on the spot. She was shot in the arm and chest. Tumagos ang bala patungo sa kanyang puso and she could not be revived at all. Her death was painful. Janine was the one who helped when I  was going through depression. I was anxious but she would always comfort me. Nahanap ko sa kanya ang pagmamahal, pag-aalaga at pag-aaruga ng isang kapatid. She was five years older than me. I longed for a sister and I found a big sister in her. We were very close—we were sisters, bestfriends, confidante of each other. Kaya noong malaman ko ang nangyari sa kanya, I was devastated. That was when I asked my superior if I could get into IIS. Wala namang naging problema dahil iisa lamang ng hinihinging requirement ang lahat ng department sa ahensya. I vowed to Janine…balang-araw ay mabibigyang-saysay ang kanyang kamatayan. Her heroic act was uncalled for, but it sure impacted the entirety of PDEA.
Ang isa sa mga notoryus na drug lord sa Luzon, in the person of Nestor Malvar ay napasakamay sa wakas ng mga otoridad. Kasalukuyan itong nasa maximum security ng National Bilibid Prison, serving a life sentence. Malvar may have been captured, but Janine’s life could not be taken back. Kaya itinaga ko sa bato—hindi man ako makapaghihiganti para sa kanya, ay itutuloy ko ang laban na kanyang nasimulan. That was when I became a field agent. Kakatwa ang mga katulad ko lalo pa at isa akong babae, but I made sure I became useful to the department. Nakailang undercover mission na rin ako, iyong huli ay noong pinagpanggap akong sex worker sa isang high-end club sa Taguig. The club was a front and when we captured the scene, naroong nagbebenta pala ng iba’t-ibang party drugs ang establisimiyento. Naging matagumpay naman kahit paano, kesehodang kamuntikan akong ma-rape ng isa sa mga customer. Isa pa, isa sa asset ng ahensya ang mga babaeng katulad ko.
As usual ay drug-related ang bago kong misyon ngayon. May tinitiktikang drug trafficker ang ahensya sa Siargao, isang Mexican-Filipino-Chinese umano na nagkukuta sa isang siyudad. Ang drama, mamamasukan akong yaya sa isa sa mga bahay ng drug lord—trafficker. Anyway, mukhang kakailanganin ko ng solicited advice mula sa isang kaibigan. Ilang sandali pa ay nagtitipa na ako sa aking cellphone. I wasn’t the perfect one for the job, I also have my share of failures. Mag-iisang taon pa lang ako sa serbisyo. Every assignment is an adventure. I also treat each of them as my first. Dahil hindi ka maaaring magkaroon ng immunity laban sa karahasan. There was never such thing as training. Dahil kada misyon, tila iyon paghahanda sa panibagong laban. Hence, lives weren’t spared. Buhay ang nakataya sa trabahong ito.
“Hoy, nakikinig ka ba?”
“Oo, may tine-text lang—”
“Sa makalawa na ang alis mo.” Kung makapagsalita si Amadeo, akala mo ay nang-uutos lang ng alila. Animo panginoon, ang baduy naman. Mas may fashion sense pa si Bong Go, sa totoo lang.
“Oo—” Ang tagal ma-send ng mensahe.
Sending...sending...
“Mukhang hindi ka naman nakikinig, Molly Bernadette.”
“Ang chaka ng signal n'yo dito, ha. Walang ipinagbago.”
“Hindi ka pa nasanay. Saka, nakikilibre ka lang sa WiFi. Kung makapagreklamo ka.”
“Owkaaaaay….” Kung hindi ko lang superior, matagal ko nang dinagukan.
“Nakapag-empake ka naman siguro.”
Nag-check ang message box.
Tumango ako. “Kagabi pa.”
“Dinamihan mo?”
“Medyo. Dahil magaling ako, isang linggo lang mayayari ko na 'yung drug lord—
“Mr. Edmund Caliwanagan,” diin ni Amadeo.
“Oo, kilala ko.” Pero sa totoo lang, pinag-aaralan ko pa ang identity ng mayamang addict. Iyon ay kung drug user din si Mr. Caliwanagan.
“Kailangan mong pag-aralang mabuti ang target, Molly. Hindi basta-basta si Mr. Caliwanagan. He owns a chain of hotels and boutiques—”
“May boutique siya?”
Tumango si Amadeo. “At pharmacies. Hindi mo ba nabasa ang profile?”
“Hindi ko masyadong binasa,” amin ko. Kundangan ay napakahaba ng listahan ng mga negosyo ng lintik na drug lord. Pati hilatsa, hindi ko na rin gaanong tiniktikan—dahil bakit pa? Makikita ko rin naman ang target.
“Poon ng Siargao Island ang druglord.”
Mangha ako. “Poon? Parang si Duterte?”
“Kamay na bakal, at kung gaano karami ang galamay…'yan ang dapat nating alamin. But that remains to be seen—hindi masyadong maka-penetrate ang agents sa lugar. Kaya nga ipapadala ka to find out.” Totoo naman iyon. Kung babaeng agent ang ipapadala, mas may lusot ang plano. Hindi ako masyadong pagdududahan, liban kung ka-wave length ng druglord si Rudy Baldwin, este, Nostradamus.
“Okay, gets ko.”
“'Wag ka'ng puro paganda, Molly. Importante itong gagawin mo, hindi ito basta bakasyon lang,” paliwanag ng kausap ko. Nauunawaan ko naman ang trabaho ko. Pero noong nalaman ko ang destinasyon, kulang na lang ay maglulundag ako sa saya. White sand beaches, mystic caves, lush islands...hindi ko kailanman naisip na makakarating ako ng Siargao. Libre pa. Work-related, pero keri na rin. Gagawin ko na lang nang bongga ang trabaho ko at pagkatapos, mag-e-extend ako ng stay...maglulunoy ako nang bonggang-bongga sa dagat. “Mamaya pagkatapos dito, review-hin mo ang profile ng target,” dagdag ni Amadeo.
“Oo, mamaya bistahin ko.”
Iniabot sa akin ni Amadeo ang brown envelope. “Nandiyan ang flight details mo, pati itinerary.”
Kinuha ko iyon saka binista ang laman. Nanlumo ako. “Economy?!”
“Bakit?”
“'Nung nakaraan, naka-business class ako.” Wala nang budget?
“Hindi ko alam sa nag-book, itanong mo sa finance.”
“Ang chaka, ha.”
“Ang arte mo, hindi ka naman pupunta ng Siargao para magliwaliw,” komento ni Amadeo.
Iningusan ko ang kaharap. “Wala akong kasama?” Usually, may ipinapasabay sa aking agent.
“Susunod na lang daw sa'yo.”
“Okay,” sabi ko saka tumayo. “Aalis na ako.”
“Wala ka naman talagang balak tumagal sa office ko.”
Ngising-aso naman ako. “Sayonara.” Lumabas ako ng opisina ni Amadeo at nagtuluy-tuloy sa powder room na kanugnog lamang ng opisina ni Sir Franco. Pero bago ang lahat, tinanaw ko muna ang glass wall na work station ng lalaki. Transparent ang anyo niya, nakakunot ang noo habang nakatingin sa sariling laptop. Ano kaya ang iniisip niya? Undercover mission? Sudoku? Crossword puzzle? O ako kaya? Habang iniisip ko ang mga posibilidad, nawari ko ring tumuloy na talaga ng powder room. Pagkapasok ay kinalkal ko kaagad ang kikay kit sa loob ng bag.
Lipstick, blush-on, eyeliner, eyebrow pencil. Pagkatapos ng lahat ng seremonyas, nagpabango ako. Wala pang kinse minutos nang matapos ko ang pagre-retouch. Dadaan ba ako sa opisina ni Sir Franco?
Why not?  wika ng maharot na bahagi ng isip ko.
“Hi, Molly.”
Napatda pa ako nang makasalubong sa hallway si Ricky. “Ha—hiiiiii…”
Napahawak sa batok ang lalaki. “Pa-Siargao ka daw.”
“Oo, bukas.” Ilag ako since day one kay Ricky. Paano ba naman, ni hindi niya kailanman itinago ang pagkakaroon ng malisya sa akin. Magpa-Pasko na pero panay pa rin ang kanyang panliligaw, kulang na lang ay patayuan ako ng dambana sa PDEA.
“Sana ako 'yung ipapasunod na agent sa'yo—”
“Sana hindi,” halos pabulong kong tugon.
“Ha?”
Napangisi ako. “Wala. Ang sabi ko….oo nga, sana nga ikaw.” Over my dead body!
“Puwede din tayong mamasyal sa mga isla, may secret paradise din doon sa Kulisi—”
“Rick, kailangan ko pang daanan si Sir Franco. Sige, ha.” Tinapik ko sa balikat ang lalaki.
Parang dismayado naman ang hilatsa niya. “Text-text na lang. Good luck ha.”
Pilit akong nag-smile. “Thanks.” Iyon lang at tinalikuran ko na si Ricky.
“Sir Franco, good morning...” bati ko pagpasok ng opisina ng lalaki. Ni hindi na ako kumatok. Dahil bakit pa? Close na yata kami ni Franco—ni Sir Franco.
“Molly, nakapaghanda ka na?” Seryosong-seryoso ang hilatsa ng lalaki.
“Yes, sir.” Kapagkuwan ay napatitig sa gold necklace na nakasampay sa isang glass trophy. “Ilang karat, sir?” Mukhang antigo ang kuwintas, may disenyo ng leopard o pusa ba ito—nakapaloob sa inverted triangle na hugis. Parang sa illuminati, pero hindi all-seeing eye.
“'Yon?” turo niya sa necklace. “Wala. Bigay lang ng…ng nanay ko.”
“Parang totoo ho.” Dating alahera ang Nanay Baby at tinuruan akong kumilatis ng ginto, diamonds, precious stones. Baka nagpapaka-humble si Sir Franco?
“It’s just a hand-me-down, Molly,” aniya saka inabot ang kuwintas at ibinulsa.
“Heirloom.” Bakit basta na lamang niya isinampay sa trophy?
Kandatango si Sir Franco. “Upo ka muna.” Ininguso niya ang two-seater beige couch.
“Naku, dinaanan ko lang kayo dito para magpaalam.”
Sunud-sunod ang pagtango niya. “Right, take care on your trip. As for your assignment, alam ko naman na magagawa mo iyon nang mabuti.”
Napangiti naman ang babaeng ito. “Ikaw talaga, sir. Pero salamat, ha.”
“Don't mention it, Molly.”
“Sige sir, alis na po ako.” Ang hirap magpa-impress kapag wala sa mood ang prospect. Halata sa pagmumukha ni Sir Franco na wala itong ganang kausapin ako.
Aalis na lang, ano pa?
Habang naglalakad sa hallway ay naisipan kong tawagan si Geralda, my newfound friend. Nagkakilala kami sa isang social function, sa charity show ng isang pilantropo. Simula noon, naging matalik na magkaibigan kami ni Geralda. Dating may-ari ng beauty company ang babae pero nagkaroon ng problema sa mga produkto. Nakaraos naman na ang babae, sa katunayan ay maligayang-maligaya ito sa piling ng isang coffee shop owner. Wagi sa pag-ibig ang bruha samantalang ako, nganga since 2015. Kung hindi ba naman bugok iyong ex kong empleyado ng Aboitiz.
Erase-erase na, Molly. Kalimutan mo na si...si...ah, nakalimutan ko na ang pangalan ng letse. Nakailang ring muna bago sumagot si Geralda. “Molly.”
“'Gi, musta na?”
“Okay lang. Napatawag ka?”
“'Yung misyon ko na magpapanggap ako'ng yaya..'yung tsinika ko sa'yo noong nakaraan.” Naikuwento ko na sa kanya ang tungkol sa assignment ko sa Siargao. Siyempre kanino ko pa ikukuwento, de sa tunay na nakaka-relate. Naging dakilang yaya lang naman ng mga alagang pusa ng present dyowa niya si Gigi.
“Ay, oo. Ano, may costume ka na ba?”
“Tanga, hindi ko naman na kakailanganin magsuot. Sa malamang, may nakahanda na sa mansiyon ng addict. Tumawag ako sa'yo, baka may advice ka'ng puwedeng maibibigay sa akin, 'Gi,” paliwanag ko.
“Meron pa ba? Eh muchacha-hin naman talaga ang peg mo.”
“Mukha akong yaya, ga'non?” bulalas ko.
“Hindi. 'Yang asta mo. Okay na 'yan,  'wag ka lang pahalata na nang-eespiya ka. Pero alam ko namang best actress ka, eh,” saad ni Gigi.
“Hindi naman masyado. Hoy, kumusta na kayo ni Germiniano?”
“Rem nga.”
“Sus, 'yang dyowa mo ang arte-arte.”
Humalakhak si Geralda. “Okay naman kami. Magbubukas na 'yong branch sa Makati. Punta ka, ha?”
Umikot ang mga mata ko. “I wish. Kailan ba 'yan?”
“Mga tatlong linggo pa mula ngayon.”
“Sana tapos na ang misyon ko by that time.”
“Ano ka ba, trabaho din 'yan so okay lang kung hindi ka makaabot sa ribbon-cutting. Maiintindihan ko.”
“Pero iba pa rin kapag nandoon ako, 'di ba?”
“'Sabagay. By the way, kailan ang alis mo?”
“Bukas daw.”
“Ingat ka, ha. Pasalubungan mo kami pag-uwi mo.” Tumawa si Geralda. “Saka ano, mag-uwi ka na rin ng dyowa. Daming foreigner sa Siargao.”
“Ipag-novena mo 'ko.”

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Aug 22, 2023 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Alyas Diding ReyesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon