CHAPTER 1

165 2 0
                                    

"YOU TALAGA ha!" Hinampas ni Hannah ang braso ng kaibigang si Ling. Muntik tuloy sumubsob ang nguso nito sa iniiunumang kopita. "You are a bad influence on me. Bad, bad, baaaad."

"Patay tayo diyan. Nag-i-Ingles ka na. Hannah, don't tell me na lasing ka na." Parang handa siyang sampalin ng kaibigan kapag um-oo siya kaya umiling na lang siya. Sa paggalaw ng ulo niya ay umikot ang paningin niya. Which means malamang na tama si Ling Baka nga lasing na siya. Ang bilis lang ah!

"Simpleng flavored beer, nalasing ka na. Ano ba ang alcohol tolerance level mo? 1?" Iling na may palatak ang pagtalak ni Ling. "Kung sabagay, silly me. Silly, silly me." Kinutus-kutusan nito ang sarili. "Bakit ba nakalimutan ko – na naman – na gatas lang pala ang iniinom mo?"

"Paano nga VBI ka. Very...bad...influence." Binagalan ni Hannah ang pagbigkas sa tatlong huling kataga. For emphasis.

"Pasalamat ka," ganti ni Ling. "Kung hindi sa bad influence ko, paano ka na?"

May punto ito. Dapat talaga niyang pasalamatan ang kaibigang nakilala niya noong bago pa man siya maging struggling kontesera. Number one fan ito ni Hannah noong wala pa siyang fans, masigasig na cheerleader noong wala pang naniniwalang karapat-dapat siyang i-cheer. Best friend niya ito at sa lahat yata ng singing contests na sinalihan niya ay nandoon ito. Maliban sa mommy niya, ito ang kasama niya sa pagtawid ng ilog, pag-akyat ng bundok, pagbiyahe ng siyam na oras, para marating ang kung saan mang pinagdadausan ng amateur singing contest na sasalihan niya. Make-up artist, costume designer, morale booster rolled into one si Ling. At numero unong bad influence din. Very bad pa nga.

O depende siguro sa kung ano ang ibig sabihin ng bad influence. Dahil ayon kay Ling, gusto lang naman daw nitong maranasan niya kung paano mabuhay. Hindi iyong para siyang mamahaling manyika na nakakulong sa de salaming eskaparate. Ang madalas nga nitong sabihin, kadalasan ay kapag niyayaya siya nito sa kung anong kabalbalan, live a little, gurl.

Agree doon si Hannah. She needs to live a little. Dahil kung ang pamamalakad ng mommy niya ang pagbabasehan, daig pa niya ang pumasok sa monasteryo ng contemplative nuns, o iyong mga madreng halos hindi nakikipag-ugnayan sa mundong nasa labas ng apat na pader ng kumbento.

Mula nang matuklasan ng ina niya ang hilig at talento niya sa pagkanta ay hinasa na siya nito hanggang maging mas matalas pa sa gulok at mas makinang sa diyamante ang husay niya. Beterana na siya ng mahigit sangkatutak na singing contests bago pa siya napasali sa Tawag ng Kasikatan kung saan siya ang tinanghal na panalo. Doon na nagsimula ang maningning niyang singing career na hanggang ngayon ay patuloy ang pagkinang.

That's the upside. And downside, wala siyang buhay na normal. Maliban na lang sa mga panahong nagagawa siyang ipuga ni Ling sa bartolina. Katulad ngayon. Maagang natapos ang recording session niya at imbes na umuwi na siya katulad ng napakahigpit na bilin ng mommy niya, pinilit siya ni Ling na gumimik. As usual, may nakahanda na itong disguise. Mahaba at kulot-kulot na wig, salaming katulad ng kay Ninoy at pekeng kilay na makapal ang ipinasuot sa kanya. Para daw makapagsaya sila ng hindi dinudumog ng magpapa-autograph at hayok sa selfie.

Sa isang bar sila humantong. Ayaw ni Ling sa loob kaya sa bahagi ng bar na malapit sa pool sila pumuwesto. Isang pitsel ng kung anong inumin ang in-order nito. Tinikman iyon ni Hannah saka siya napangiwi. Ang pait. Kaya ini-order na lang siya ng flavored beer ng kaibigan niya. Masarap iyon kaya nilagok niya. Malay ba naman niyang tatamaan agad siya.

"Oo nga, friend. A million thanks to you. Kung wala ka sa buhay ko, nasa bahay na ako ngayon. Nagbabawi ng tulog na kulang na kulang ako. Imbes, heto ako, tumotoma sa kanto," sabi niya.

"Tumatoma raw o." Litaw ang ngalangala ni Ling sa pagtawa. "Seryoso, toma ang tawag mo diyan? Makapagsalita ka parang siyoktong ang ipinalaklak ko sa iyo ah. Tumikim-tikim ka rin kasi ng inuming may alkohol at nang hindi ka ganyan na makasinghot ka lang ng beer nalalasing na," sagot ni Ling.

Ang Himig NatinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon