CHAPTER 2

39 1 0
                                    

"I TOLD you once, I told you a thousand times..."

Sana ay pagong na lang ako, nahiling ni Hannah. Para puwede niyang ipasok ang ulo sa shell niya at matakasan ang mala-machine gun na bibig ng mommy niya. Pero sa kasamaang palad, hindi siya pagong. Tao siya, walang shell. Kaya tiis-tiis na muna siya. Kasalanan din naman niya. Nagpa-impluwensiya siya sa kaibigan niyang VBI.

"Siguradong si Ling na naman ang pasimuno ng kalokohan mo," busa ni Mommy V.

"Hindi po, 'my. Ako pa nga ang namilit sa kanya." Ipinagtanggol ni Hannah ang kaibigan. Mamaya niyan ay ma-delete pa ito sa buhay niya. Hindi niya kakayanin. Si Ling na lang ang nagtitirang kapit niya sa katinuan. Kapag nawala ito ay baka tuluyan na siyang manghuli ng langaw para papakin.

"As if maniniwala ako."

"It's true, 'my. Nabo-bore lang naman kasi ako." Tutoo iyon. Nabo-bore si Hannah, hindi sa kawalan ng ginagawa. Ang dami nga, sa katunayan. Pero puro iyon kunektado sa trabaho.

Live a litte, gurl. Iyon ang gusto niya. At bawal iyon sa mommy niya. Dahil minsang subukan niya, pumalpak siya. Epic fail pa nga.

Ang hinayupak na Eric na iyon. Naglaro sa diwa niya ang lalaki. Budding actor ito. Nakasama ito sa isang artista search ng isang network at hindi man nanalo ay mas sumikat pa kesa sa naibotong ultimate artista.

Palihim ang ligawan nila. Pati ang pagiging magkasintahan nila, sinikap nilang ilihim. Pero ang mommy niya, CIA at FBI rolled into one. Sa tinik ng radar nito, asa pa si Hannah na maitatago niya rito ang tutoo.

May confrontation scene sila. Nag-leak pa sa media ang hidwaan nilang mag-ina. Na-bash sila pareho. Iyong iba, sinasabing ingratang anak siya. Iyong iba, binansagang ultimate pakialamera ang mommy niya. Kahit saang anggulo tignan, walang panalo sa kanila.

Ang masaklap, nang-iwan sa ere si Eric. Matapos niya itong ipaglaban sa mommy niya, matapos siyang magbanta na magpapaka-lasengga na lang o kaya ay magiging durugista kapag pinagbawalan siya ng ina na makipagkita sa lalaki, ay nawala sa eksena ang nobyo-nobyohan niya.

And she learned she is not the only one in his life. May nililigawan pa pala itong iba. Sigurista ang hudyo. May back-up kapag pumalya sa isa. Ang sama ng loob niya. Depress-depress-an ang beauty niya. Nakakahiya mang isipin pero napabayaan ni Hannah ang career niya. Tinamad lang siya basta. Pakiramdam niya, wala ng saysay magpursige pa. Nahiya lang siya sa sarili nang maalala kung paanong pinaghirapan niya – nila ng mommy niya – ang anumang tagumpay na nakamit niya. Nakakahiya rin sa nagbigay sa kanya ng biyaya, sinagot ang madalas at mataimtim na pagdadasal nilang mag-ina. Hihingi-hingi siya tapos nang maipagkaloob sa kanya ay babale walain niya dahil lang nawasak ang puso niya.

Move on na agad siya pagkatapos ng realisasyong iyon. Dalawang taon na ang nakakalipas mula nang mangyari iyon at gusto na lang niyang kalimutan. Pero hindi mawala-wala ang sama ng loob na idinulot sa kanya ng kasawian. Idagdag pa na mukhang walang balak ang mommy niya na ipa-kalimot iyon sa kanya.

So that you'll know better next time, katwiran nito.

Hindi naman sa bawal siyang magka-lovelife. Dapat lang na may seal of approval ni Mommy V ang makaka-lovelife niya. Iyon nga lang, mas madali pa ang dumaan sa butas ng karayom kesa makuha ang seal of approval nito. Sa ngayon, isang lalaki pa lang ang nakapasa sa malupit na kuwalipikasyon. Si Brad nga.  Kaso, ang puso naman ni Hannah ang umaastang butas ng karayom.

Whatever. Hindi siya atat magka-lovelife. Career niya ang priyoridad. Magpapayaman siya, mamamakyaw ng propriedad, gagawin munang obese ang bank account niya, bago niya pag-ukulan ng pansin ang usapin sa puso. If at all. Dahil sa tutoo lang, na-trauma siya sa ginawang panloloko sa kanya ni Eric. Sagad sa buto ang sakit na hatid ng realisasyong dakilang uto-uto ang naging labas niya.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jun 15, 2015 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Ang Himig NatinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon