CHAPTER 2

25 4 15
                                    

CHAPTER 2

"Sands of Time"


Natatakpan nang makapal na ulap ang buong kalangitang inaagaw na ng dilim. Marahan ang pagpagaspas ng mga sanga ng kakawating idinuduyan ng hangin.


Napahikab ako habang pinagmamasdan ang madre de cacao o ang kakawati sa likod ng bahay namin. Simula talaga noon, paborito ko na itong pagmasdan, lalo na kapag namumulaklak na ito.


Madalas nga mag-isa lang ako rito sa likod ng bahay habang pinapanood ang mga ito—gaya ngayon, mag-isa lang ulit ako habang nakaupo rito sa kawayang upuan.


"Nandito ka lang pala, kaya pala wala ka sa kuwarto mo."


Lumingon ako sa aking likuran nang marinig ko ang boses ni Ate Charity, ang nakatatanda kong kapatid. Naglakad siya palapit sa akin at marahang hinimas ang balikat ko. Hinawakan ko naman ang kamay niya.


"Hindi ka pa ba papasok sa loob?" tanong pa ni Ate.


"Mamayang kaunti siguro," tugon ko at muling ibinalik ang tingin sa puno ng kakawati.


"Hindi ka ba nagsasawang panoorin 'yan?" tanong niya ulit at tinabihan ako. "Dumidilim na ang paligid, oh."


Bumuntong-hininga ako saka ngumiti. Ibinaling ko ang tingin kay Ate. "Sinusulit ko na habang may oras pa."


Namumula ang mga mata ni Ate at medyo nagtutubig na rin. Kinuha niya ang dalawa kong kamay at pinisil-pisil niya.


"Hope, may pag-asa pa. If we could only find a donor, you will live longer," wika niya.


Mas lalo pa niyang hinigpitan ang pagkakahawak sa kamay ko, para bang ayaw niya akong pakawalan. Tumango-tango naman ako. Ayaw ko namang sirain ang hope niya para sa akin. Gusto kong ipakitang lumalaban din ako gaya ng kung paano nila ipaglaban ang buhay ko, kahit na ang totoo ay nawalan na rin ako ng pag-asa. Kahit na gaano ko kagustong mabuhay, wala na talaga akong pag-asa pa.


Lumuwag ang pagkakahawak niya sa kamay ko saka ngumiti. "Kung magma-match lang sana ang kidney natin, matagal ko nang ibinigay 'yong isa ko para sa 'yo."


Parating sinasabi iyan ni Ate Charity, pero kahit gaano niya kagustong i-donate ang kidney niya ay hindi kami magka-match. Sina Mama at Papa naman ay mga hypertensive at diabetic, kaya hindi sila puwedeng maging donor ko kahit gusto nila.


"Ang bait mo talaga, Ate Cha! Puwede ka nang pagawan ng monument bilang Best Ate," biro ko sa kanya.


Bahagya naman siyang natawa sa sinabi ko. "Nakuha mo pa talagang magbiro, Hope."


"Syempre, laugh as you live," tugon ko at saka tumayo.


Pero, ang totoo niyan, gusto ko na talagang umiyak. Ayaw ko lang na mas lalong lumuha si Ate.

✓ Hope's Bucket ListTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon