Kabanata 5 - Reyalidad

23 0 0
                                    

Walong taon na ang nakakaraan...

Minsan ko na ring itinanong sa sarili ko kung paano nga ba maging masaya, kung ano ba ang pakiramdam ng kasiyahan at kung bakit ba nagiging masaya ang mga tao. Isang partikular na pagkakataon, isang partikular na lugar, isang partikular na tanawin.

Mga ilaw na kumukuti-kutitap, iba’t ibang kulay. Mga parol na nakasabit, iba’t ibang hugis. Isang beleng sumisimbolo sa pagsilang ng Diyos sa sabsaban. Ang panahon ng Pasko kung saan ay masaya ang lahat sa matanggap nilang regalo. Ngunit ako, isang simpleng bata lamang at lugmok ang loob dahil sa hirap.

Pinagmamasdan ko ang ibang mga bata, ang gagara ng mga damit nila. Kinatutuwaan sila ng mga ninong at ninang nila at binibigyan sila ng aguinaldo. Isang masayang paligid, ngunit masaya ba ako? Akong isang batang hindi man lang naranasan ang mga bagay na ito, akong isang hamog na talagang walang maibibili dahil wala ako ni isang kusing dahil sa lasenggera kong ina.

Naaalala ko ang lahat ng ’yon kapag nakakakita ako ng isang paligid ng mga dekorasyong Pamasko. Isang tanawing punong-puno ng mga kumukuti-kutitap na mga ilaw. Naaalala ko ang mga bagay na nangyari noong gabi bago ang Pasko, noong una kong naramdaman ang salitang, “kasiyahan”.

Nabalik ako sa reyalidad nang bigla kong maramdaman ang malamig na simoy ng hangin. Napakaraming puno ng acacia sa gilid ng highway. Napapalamutian ang bawat puno ng mga parol na umiilaw, iba’t ibang kulay ang kumikislap sa harapan ng aking mga mata. Hindi ko mapigilang hindi ngumiti nang makita ko Ang mga ilaw na ’yon.

Inilinga-linga ko ang paningin ko, narating ko na pala ang Freedom Park sa paglalakad ko nang wala sa sarili. Habang tinatanong ko ang sarili sa mga bagay na wala naman dapat akong kapuwang-puwang ay naisip ko na lang din na sana pala’y ginamit ko na lang ang mga oras na ’yon sa paghahanap ng pera.

Naririnig ko ang mga batang kumakanta ng mga awiting pamasko. Bigla na lang akong nagkaroon ng ideya sa nais kong gawin ngayon. Dali-dali akong tumakbo sa mga kabataang ’yon at napansin kong pare-parehas pala kaming mga batang palaboy. Nanlaki ang mga mata ko at napangiti ako, tsamba, tiyak kong isasama nila ako sa pagka-caroling nila!

“K-Kumusta!” bati ko. Nagsi-tingin naman silang lahat sa ’kin, lima silang mga bata.

Ang grupo nila’y binubuo ng dalawang babae at tatlong lalaki, kapwa kaawa-awa tulad ko ang mga hitsura nila. Marurungis, tila mga walang mga magulang na nag-aalaga. Sakto lang ang tiyempo ko kasi halos katulad din nila ako. Gusto kong sumali sa kanila dahil sayang lang din ang oras na gugugulin ko kung hindi ko naman ’yon gagamitin sa mga bagay na makabuluhan.

“P-P’wede bang s-sumali sa inyo? Kailangan ko lang kasi ng ekstra.” Rason ko, nakita ko naman silang ngumisi sa ’kin at kapwa sila tumango-tangong lahat.

“Sige ba, magaling ka bang kumanta?” tanong ng isang batang lalaking halos kaedad ko lang sa ’kin. Napangisi ako at tumango lang bago ako nagsalita.

“Aba, oo naman, pang-The Voice nga ’tong boses ko, kung hindi niyo tatanungin.” Kapwa silang napatawa sa sinabi ko, kulang na lang lumabas ang mga panga nila sa kakatawa.

“Aba naman, totoo ba ’yan? Baka naman wala pang iba-batbat ’yan sa pa-singing contest ng kapitan natin?” tawa nila. Pinag-krus ko naman ang mga braso ko at ngumisi ulit ako sa kanila. Kumanta ako ng isang kantang pamasko sa harap nila at nakita ko na lang silang natulala.

“Whenever I see girls and boys and the boys and girls see me, I remember the child and the child remembers me...”

Kinanta ko ang bahaging ’yon ng isang popular na awiting pamasko, hindi ko lang alam kung tama ba ang mga pinagsasabi ko kasi hindi ko naman talaga alam ’yong kanta. Nakita ko na lang na nagsi-palakpak ’yong mga bata sa harap ko, siguro tama lang ako? Siguro nagustuhan nila ’yong kantang ’yon?

Anong Istasyon Mo?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon