Kabanata 4 - Takas

11 0 0
                                    

“Salamat po sa pagpapatuloy sa ’kin, Kuya Simeon. Maaasahan po talaga kayo sa oras ng kagipitan.” Ngiti ko sa lalaking kausap ko ngayon, si Kuya Simeon na kasama kong crew sa pinapasukan kong fast food chain.

No probs, my boy! Dumito ka na muna hanggang nakaluwag-luwag ka na’t kaya mo nang umupa ng sarili mong bahay. Alam kong matagal-tagal pa ’yon kaya alam ko ring magtatagal ka pa rito sa puder ko.” Ngisi niya sa ’kin, natawa na lang din ako.

Mag-uumaga na at binulabog ko pa si Kuya Simeon dito sa inuupahan niyang boarding house sa Kalye Escolta, isa sa pinaka-abalang kalye dito sa Siyudad ng San Martin. Ilang oras lang ang itinagal ng pag-idlip ko sa eskinita, at napag-desisyunan kong puntahan na si Kuya Simeon dahil siya na lang talaga ang matatakbuhan ko. Hindi nga ako nagkamali ng nilapitan dahil handa niya naman akong tulungan.

“Kung ako lang din naman ikaw, eh talagang lalayasan ko ang mga kasama ko sa bahay kung ako lang din naman ang bumubuhay. Aba naman, isang maagang nabuntis, isang lasenggera, at isang adik sa droga! Diyos mio, eh para akong nagpapakin ng patabaing baboy na hindi ko rin naman pala mabebenta sa huli!” Kamot pa ni Kuya Simeon sa ulo niya.

Hindi ako nagagalit sa mga sinabi niya laban sa pamilya ko, dahil ako pa man din ay galit na galit na sa kanila noong una pa man. Nagtimpi ako ng napakatagal na panahon upang sa huli’y layasan ko lang din sila. Pinal na ang sinabi ko, hinding-hindi na ’ko babalik sa pinagmulan ko.

Nagtimpla ng dalawang tasa ng kape si Kuya Simeon at magkasama namin itong ininom. Pansamantalang napawi ang lahat ng sakit na pinagdaanan ko kagabi sa isang langhap at higop ko sa tasa ng kape. Napahinga ako nang malalim at hindi na lang ako umimik.

Hindi gano’n kalaki ang bahay na inuupahan ni Kuya Simeon. Kaparehas ko lang din siyang mag-isa na lang din sa buhay ngayon. Si Kuya Simeon ay isa nang ulila, nalaman ko ’yon nang maging kaibigan ko siya sa fast food chain. Inampon daw siya ng mga tiya at tiyo niya pero inaabuso raw siya ng mga ito kaya niya sila nilayasan nang may pagkakataon na siya. Nakipag-sapalaran dito sa San Martin at ngayo’y maginhawa naman na ang buhay.

Sa salas ng boarding house na inuupahan ni Kuya Simeon ay may mga librong nakalagay sa isang book shelf. May isang T.V., maliit na lamesa at dalawang sofa, ang isa nga’y inuupuan ko na ngayon. Maganda ang boarding house niya at para ngang ang yaman ni Kuya Simeon, pero paano niya kaya nababayan ang ganitong klaseng apartment kung isa lang naman siyang part-timer sa fast food.

“Alam ko kung anong iniisip mo, iniisip mo siguro kung paano ko naa-afford ang ganitong klaseng bahay?” sarkastikong tanong ni Kuya Simeon sa ’kin.

“Well, kakilala ko kasi ’yong may-ari ng paupahang ’to kaya naka-discount ako sa bayad ng bahay. Libre tubig at libre kuryente, sa’n ka pa, ’di ba?” tanong at ngisi ni Kuya Simeon sa ’kin at sabay kaming dalawang napatawa.

“Oh, sige na, magpahinga ka na muna riyan at gagayak na ’ko papasok sa school. Nag-desisyon na ’kong mag-aral, nasabi ko na ba sa ’yong fourt year Education student ako?” Nanlaki ang mga mata ko nang marinig ’yon at kaagad ko siyang tinignan.

“Talaga ba, Kuya? Ang galing mo naman!” bulalas ko. Napakamot naman si Kuya Simeon sa kan’yang ulo habang paunti-unti siyang humahagikgik.

“Oo, hindi ko nga lang ipinagkakalat sa iba at wala naman akong gano’ng kakilala rito kaya wala rin akong mapagsabihan. Ipinapaalam ko lang sa ’yo kasi makakasama mo ako nang matagal-tagal dito sa boarding house.

Humigop si Kuya Simeon sa tasa ng kape na kan’yang hawak at ’di ko na namalayang naubos niya na pala ’yon. Inilagay niya ang tasa sa lababo habang ako naman ay humihigop pa rin sa tasa ko.

Nakita kong nagsaing ng kanin si Kuya Simeon at binuksan niya ang isang lata ng corned beef na kinuha niya sa isang tray habang naghihiwa na ng bawang at sibuyas. Tiyak kong sa tagal na ni Kuya Simeon dito ay alam niya na ang bawat gawaing bahay. Tutulong na lang muna ako sa kan’ya rito habang umaga o kaya nama’y humanap ako ng bagong paglilibangan. P’wede ko rin namang ilaan na lang ang oras ko sa umaga sa pamamahinga.

Anong Istasyon Mo?Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon