GEORGE
At sa pangalawang pagkakataon, niligtas niya akong muli.
"S-Salamat talaga... baka kung ano na ang nangyari sa 'kin kung hindi ka dumating."
Bahagya pa akong yumuko habang kagat-labing nakatitig sa mapuputik kong mga paa. Nanakawan na nga ako tapos ano? Muntikan pa akong magahasa...
Tangina naman, sinalo ko na ata lahat ng kamalasan sa mundo e.
Natigilan ako sa paghikbi nang maramdaman kong may kung anong bagay ang nakapatong sa balikat ko. Nanuot sa ilong ko ang mabangong amoy na mayroon ang jacket na ipinahiram niya sa akin. Agad ko naman itong sinuot dahil kanina pa ako nilalamig at pakiramdam ko'y nakahubad ako.
"Ako na ang bahala na magbigay ng statement sa mga pulis. Sumama ka muna kay Ate para malinisan ka..." Bumuntong-hininga muna siya bago iabot sa aking cellphone niya. "Tawagan mo muna ang parents mo, baka kanina ka pa nila hinahanap."
"Thank you..." nanghihina kong tinanggap ang phone niya.
"Ingat ka, Satti. Tawagan mo na lang ako once na maprocess ang kasong isasampa natin sa manyak na 'yon."
"Oo Ate, kayo rin." Nagpaalam din siya sa akin bago sumakay sa police car.
Sumakay na rin kami sa kotse na dala ni Ate Genevy. Habang nasa sasakyan ay sinubukan kong tawagan ang landline namin. Wala bang tao sa bahay?
Naidial ko na rin ang number ni Tita Mara pero nagriring lang. Sinubukan ko kay Kuya kaso unattended. Si Tita Delilah na lang siguro ang tatawagan ko...
Hindi pa nakatatatlong-ring ay nasagot agad ang tawag ko. Hindi ko na mapigilang mapahagulgol nang marinig ang boses niya.
"George? Ikaw ba 'to?"
"T-Tita..." Sinubukan kong pigilan ang umaalpas na luha sa gilid ng dalawa kong mata. "Nanakawan po ako... kaya hindi ko kayo natawagan t-tapos..."
Tuloy-tuloy pa rin ang pagtulo ng mga luha ko at halos manlabo na rin ang paningin ko. Ramdam na ramdam ko pa rin ang bawat haplos nung lalaki sa hita ko, iyong paglapat ng ilong niya sa leeg ko...
Mariin kong ipinikit ang aking mga mata. Ni hindi ko nga matingnan ang sarili ko sa rear mirror. Diring-diri ako sa sarili ko.
Tipong kahit mangulubot na ang balat ko kakababad sa tubig, hindi mawawala ang naiwang bakas ng lalaking iyon sa katawan ko.
"Oh, anong nangyari?! Ayusin mo nga, hindi ko maintindihan!" sigaw niya sa kabilang linya.
"May lalaki po... sinundan niya ako hanggang Ramos Avenue. Tapos bigla na lang... tinakpan niya bibig ko. Tita, m-muntikan na po akong magahasa!"
Natahimik ang kabilang linya at paghagulhol ko na lamang ang tanging maririnig sa oras na iyon. Naramdaman ko ang maingat na paghaplos ni Ate Genevy sa aking kamay. Inabutan ako nang babae ng panyo at pinainum ng tubig na nasa plastic bottle.
"Tanga! Pasado alas-nuebe na tapos nasa galaan ka pa rin?"
"T-Tita... bumili lang po ako ng cake! Birthday ni Tita ngayon kaya ako l-lumabas—"