Hindi pa rin.
Hindi ko maintindihan ang kwarto ko. Ang daming laman pero sobrang blangko pa rin ng pakiramdam kapag nandito ako. Kung mamasdan ang silid ko ay makikita ako sa tapat ng bintana, habang bahagyang tumatama ang gintong sinag ng araw sa mukha ko — tipikal na alas-sinco ng hapon. Sana may salamin, para makita ko man lang ang mga mata ko habang tinatamaan ng araw. Para kasing mas magaan ang pakiramdam ko ngayon.
“Pasensiya na, pero masiyadong kumplikado ang paraan mo ng pagsulat kung isasaalang-alang natin ang mga target audience ng publishing company namin.”
Noong una, tumatambay pa ang mga butil ng luha sa gilid ng mga mata ko kapag naririnig ko ang litanyang ’yan mula sa mga publishing companies na pinagpapasahan ko ng mga nobelang isinusulat ko, pero ngayon ay hindi na. Nasanay na lang din siguro ako.
Sa harap ko ay ang aking mesa. Kalahati ng bintana ko ay natatakpan ng mga patong-patong na mga papel, printed na mga kopya ng mga isinulat kong nobela. Marami na akong naisulat, pero ni-isa sa mga ’yon ay hindi nailathala. Sa totoo lang, binibigyan naman ako ng pagkakataong bigyan ng patutunguhan ang mga naisulat ko at nang hindi tuluyang maging isang butil sa dami ng populasiyon ng mga papel sa kwarto ko. Kung babaguhin ko raw ang paraan ko ng pagsulat at gawing mas simple iyon, iyong madaling intindihin, ay baka raw mailathala pa ang mga nobela ko.
Ayaw ko.
Ayaw kong lokohin ang sarili ko. Ayaw kong magsulat at maglathala ng mga piyesang hindi naman natural ang daloy mula sa utak at lapis ko. Nararapat na lamang na ako na lamang ang makabasa ng mga isinulat ko, kaysa mabasa ng mga tao ang mga salitang ipinilit ko lang na isulat para sa tsansang makilala ako bilang isang manunulat. Ayaw ko.
Inabot ko ang tasa ng kape sa mesa ko at nilagok lahat ng laman no’n at saka tumayo. Inilinga ko ang paningin ko sa kwarto ko. Ang dami talagang laman. Ang kama ko ay may mga nakakalat na mga papel. Mga pinilas kong mga pahina no’ng mga gabing pinagsisihan ko ang mga isinulat ko ng bandang alas-dies na. Ang dingding ng kwarto ko ay may nakasabit na mga shelves — hanging shelves daw yata ang tawag. Puno iyon ng mga librong nagbibigay inspirasiyon sa akin para magsulat.
“Ako kaya, kailan?” bulong ko sa hangin. Umaasang ihahatid no’n ang mga sinabi ko sa mga publishers para malaman nila kung gaano ako umaasang maging kilalang manunulat din ako.
Blangko ang pakiramdam ko. Parang Atlantic Ocean pero wala ang presensiya ng anumang buhay sa dagat. Hindi ako malungkot sa pagkakataong ito dahil nga nasanay na ako. Pero hindi rin ako masaya — wala namang dapat na ikapinta ng ngiti ang isa na namang rejection. Kung may listahan siguro ako ng mga publishers na tumanggi sa mga gawa ko ay baka mas marami pa ang maging pahina ng listahang iyon kaysa sa diksiyonaryo sa school library namin na binabasa lang ng mga estudiyante kapag nakumpiska ang mga telepono nila.
Lumabas ako ng kwarto at dumiretso sa kusina. Nadatnan ko roon si Mama, nakatingin lang sa akin, habang inilalapag ko ang tasa sa lababo. Wala man siyang sinasabi, pero alam ko na agad na sinusubukan niyang tingnan ang mga mata ko. Binabasa niya bago siya tuluyang magsalita.
“Ano, Ed? Hindi ulit natanggap?”
Kung binggo siguro ’to ay malamang sumigaw na si Mama ng “binggo!” Kung lotto siguro ’to ay malamang milyonaryo na kami at baka nakapagpatayo na ako ng sarili kong publishing company. Kuhang-kuha niya ang numero ng kapalpakan ko, e.
“Hindi ulit, ’Ma,” sagot ko.
Kaya ko ring buminggo. Alam kong pagsasabihan ako ni Mama tungkol dito sa pagsusulat ko. Nakita niya kasi lahat ng palya ko at siguro nagsawa na lang din siyang suportahan ako. Pilit niyang isinisiksik sa puso ko na hanggang pangarap na lang ang pagiging published author ko.
“Hay naku, anak.” Heto na. “Pang-ilan na bang subok ’to? Hindi lang yata pang-walo ’to, e. Hindi naman sa hindi kita sinusuportahan, ’nak, pero marami pang opurtunidad ang naghihintay para sa ’yo. Huwag mong sayangin ang oras mo sa pagsusulat, kasi ngayon pa lang, halata nang hindi ka kayang buhayin niyan.”
“Dito ako masaya, ’Ma.”
“Hindi pa kita nakitang ngumiti dahil sa pagsusulat mo. Madalas kang umiiyak dahil sa mga rejections. Suportado kita sa pangarap mo, anak, pero sana maintindihan mo,” sabi ni Mama.
Naiintindihan ko si Mama. Sakto lang ang buhay namin. Sapat lang ang pera namin para makakain ng tatlong beses sa isang araw at makabili ng kaunting mga kagustuhan, kaya kailangan ko pa ring isipin ang kinabukasan ko. Sa ngayon kasi, parang hindi nga talaga kayang mag-deliver ng Jollibee Chickenjoy sa harap ng bahay namin ang pagsusulat. Pero hindi ko kayang bitiwan.
Hindi na ako sumagot kay Mama. Ayaw kong mapunta ang usapan namin sa isang debate tapos biglang lalabas si Luiz Manzano para mag-host sa patimpalak na hindi naman sinadyang masalihan ni Mama. Dumiretso na lamang ako sa kwarto ko. Lumabas na lang ako noong kainan na at bumalik din sa loob pagkatapos.
Alas-nueve ng gabi. Tipikal na gabi na naman. Habang nakatingin ako sa langit at tumutugtog ang Moving Closer ng Never The Strangers sa Apple Music kong gumana lang dahil sa free trial. Maraming tao ang nagmamahal sa buwan, gayong ni-minsan ay hindi naman ’yon sumagot sa sobrang daming sinasabi ng mga tao tungkol sa kaniya. Napatingin ako sa mga bituin sa gilid no’n. Sa dami ng mga tala ay may isang pumukaw ng atensiyon ko; Hindi kakaiba ang talang ’yon, pero labis ang sarap niya sa mata. Parang minamasahe ang mga mata ko tapos walang bayad ang serbisiyo dahil mayroon akong 500 pisong halaga ng voucher. Sa dami ng bituin sa langit at sa dami ng tao sa mundong ’to, gaano kaya kalaki ang tsansang may kasabay akong tumititig sa bituin na ’yon? Siguro ’sing-liit lang din ng tsansang magkaroon ako ng nobya. 17 taong gulang na ako, pero ni-minsan ay hindi ko pa naranasang magmahal at mahalin, bukod sa pagmamahal na binibigay ng nanay ko. Kamote na siguro talaga ang buhay-pag-ibig ko habang-buhay. Ed, 17 anyos, walang nobya, pero may ’sang-katerbang papel sa kwarto.
Nakatulugan ko na lang ang pagtingin sa mga bituin at kakaisip sa buhay-pag-ibig ko. Hindi ko alam kung anong oras ako nakatulog, pero malamang ay may kasama akong tatlong multo nang mga oras na ’yon at sabay-sabay kaming nakatitig sa langit at iniisip ang mga desisyon sa buhay. Sila, iniisip ang nakaraan. Ako, iniisip ang bukas. Literal. Lunes na naman kasi kinabukasan.
BINABASA MO ANG
Ang Tula, Si Torpe, At Si Tala
Teen FictionAyaw kong makipagkumpitensiya sa mga isinulat kong tula. Malamang kasi ay matatalo ako kung ang labanan ay patapangan. Mas matimbang kasi ang katorpehan ko kaysa sa akin. Samantalang ang mga naisulat kong mga tula at prosa ay kayang isiwalat ang mga...