Entry #3- Bakit Mo Ako Niloko?

185 6 7
                                    

Habang tinitingnan ko ang planetang aking pupuntahan, ay muling bumalik ang nakaraan sa aking isipan. Mga ala-ala nang nakalipas na nais kong malimot. Ang paglamon ng itim na lagusan sa mga kasama ko na ultimo liwanag ay walang takas. At dahil doon, nagbago ang takbo ng buhay ko...

Ako'y pabalik na noon sa aming planeta gamit ang aking Ferrara, isang sasakyang pangkalawakan, para sana ipamalita ang isang bagay na kung tawagin ay saterara, na naglalaman ng impormasyon tungkol sa planetang Earth at sa mga taorara, ay isang trahedya ang bumungad sa aking tatlong mata. Kitang-kita nito kung paanong hinigop ng black hole ang mga Tharara, na kung saan ay kabilang ako. Kahit nasa malayong parte ako ng kalawakan ay kitang-kita ko ang nangyayari. Ang maliit kong tenga na halos mabingi na sa lakas ng mga boses na kumakawala sa kanilang bibig ay dinig na dinig ko. Sa kabila niyon, ay biglang gumalaw ang buntot sa aking noo na nagsisilbing daan upang mabasa ko ang kanilang nasa isip. Ito rin ang nagsisilbing mensahero naming mga Tharara. Dahil dito, kami ay nakapag-uusap saan man kami naroon. Ang pagkislot nito ay aking ikinagalak. Isa lang ang ibig sabihin nito, may nagpadala ng mensahe sa akin.

"Jurara, arakakak iligtas mo na ang sarili mo. Mag-iingat ka, hindi mo na kami masisilayan pa, dahil pilit na kaming hinihigop ng-" "Marakakak!" sambit ko nang mawala na ang boses ng aking mahal na ina. Hindi na niya natapos pa ang kanyang sasabihin dahil tuluyan nang nawala ang aming planeta. Ito'y tuluyan nang nilamon ng itim na lagusan.

Ilang araw akong pakalat-kalat sa kalawakan, hindi ko na alam kung saan pupunta. Aming planeta'y tuluyan nang nabura. Sa tagal naming tumatakas sa itim na lagusang iyon, ngayon lang kami pumalya. Ilang planeta na rin ang nahigop nito kung saan kami ay nakaligtas. Pero ngayon, sa isang iglap, sila'y tuluyang nawala. Nag-iisa na lamang akong nakaligtas. Hawak ko sa aking mga palad ang bagay na maaaring makapag-pabago ng aking buhay. Ayon sa aking pananaliksik, itong bagay na ito ay inimbento ng mga taorara. Nakapaloob din dito na mayroong planeta na kung tawagin nila ay planetang Earth. Dito ay may mga namumuhay na taorara na medyo hawig sa aking itsura. Magkakapareho kami ng taas at laki, ngunit may pagkakaiba sa panlabas na kaanyuan. Ang kanilang mga mata'y dalawa lamang, kumpara sa aming mga Tharara na tatlo ang mata. Dalawa sa kanang bahagi at isa naman sa kaliwa. Wala silang buntot sa noo at ang kanilang bibig ay may kalakihan, kumpara sa amin na maliit na butas lamang. Sa gitna rin ng kanilang mukha na nasa itaas na bahagi ng kanilang bibig ay may dalawang butas na kung tawagin nila ay ilong. Dito raw lumalabas at pumapasok ang hangin na kanilang kailangan upang mabuhay. Ang kanilang ulo nama'y mayroong maraming hibla na kung tawagin nila ay buhok. Ang sa aming mga Tharara nama'y tatlo lamang na nagbibigay buhay sa amin, kapag natanggalan kami ng isa sa mga ito ay unti-unti kaming manghihina at kapag ito'y naubos na, iyon na rin mismo ang aming katapusan. Habang pinag-aaralan ko ang planetang Earth ay may nabuong plano sa aking isipan. Pupunta ako sa planetang ito at doon ay susubukang mamuhay at makipagsapalaran.

Ang pagdaan ng araw sa pagitan ng buwan at daigdig, ay siya rin mismong pagtapak ko sa planeta ng mga taorara. Kakaiba ang planetang bumungad sa aking mga mata. Napaka-aliwalas, namumukod-tangi ito sa mga planetang aking narating. Sa paglapag ng aking Ferrara sa kapatagan ay siya ring pagyanig ng lupa at pagkakahati ng aking sasakyan sa dalawa. Mabilisan kong nilikas ang sasakyang nagdala sa akin sa lugar na ito. Sa pagtapak ko sa lupa ay walang humpay pa rin na pagyanig ang nararanasan ko. Isa ba itong senyales na hindi ako tanggap sa planetang ito? Aalis na ba ako? Ngunit paano? Nasira na ang aking Ferrara, wala na akong magagamit paalis sa planetang ito. Itong planetang Earth na lang ang natatangi kong pag-asa. Ilang sandali pa'y tumigil na rin sa pagyanig ang lupa. Maraming puno ang naputol at nabungkal. Naglakad-lakad ako, hindi ko alam kung saang parte ng lugar na ito ang aking patutunguhan. Hanggang sa nakarating ako sa isang lugar na may mga taorara. Nagsisipagtakbuhan sila at ang iba nama'y nakahandusay sa lupa at dumadaing sa sakit na natamo. Nagkalat ang iba't- ibang klase ng mga taorara sa daan at doon ko nalamang may pagkakaiba pala sa kanilang itsura. May maliliit at malalaki, mayroon ding matangkad at mahahaba ang buhok. Ang kanilang kasuota'y magkakaiba na nagsasabing sila nga ay mga taorara. Sa hindi ko inaasahang pagkakataon, may nabunggo akong grupo ng taorara, at hindi ko inaasahan ang aking narinig mula sa kanilang bibig. "Alien! Alien! Tatlo ang mata! May buntot sa noo! May alien!" sambit nila at agad-agad na nagsipagtakbuhan. Ngunit may isang taorara na lumapit sa kinatitindigan ko, sa kanyang tindig at pangangatawan ay masasabi kong siya ay isang lalaki. Pinagmasdan niya akong maigi, tila ba sinusuri kung ano nga ba akong nilalang. Bigla akong kinabahan, biglang napatikwas ang aking buntot sa noo. Hindi ko mawari kung anong ibig sabihin nang pangyayaring ito sa akin. Hindi ko malaman kung isa ba itong senyales nang kapahamakan dahil kahit ang isip ko ay hindi ito mabasa kung ano. Gustuhin ko mang tumakbo at magtago sa kung saan, hindi rin makagalaw ang aking mga paa. Para akong nabato- balani sa harap ng lalaking ito. Kanyang hinawakan ang aking palad at ininspeksyon kung anong mayroon dito. Kahit ang buntot ko ay kanyang hinawakan, para akong binagsakan ng bulalakaw kaya napatakbo ako nang mabilis. Siya lang ang nakahawak sa buntot ko, hindi ko malaman kung anong nangyari sa akin kanina. Ngayon ko lang naramdaman ang ganitong uri ng sensasyon na hindi ko mapangalanan kung ano, basta ang alam ko, gusto ko ulit maramdaman ang mainit niyang mga kamay sa palad ko. Lumipas ang ilang buwan kong pamamalagi sa kakahuyan at pagtingin sa kanya sa malayo. Alam kong hinahanap niya ako, naiintindihan ko ang kanyang wika at naririnig ko rin ang kanyang malamyos na tinig. Ngunit hindi ko mabasa ang laman ng kanyang isipan. Siya'y siyentipiko, 'yun ang dinig ko, pinag-aaralan niya ang ibang mga nilalang sa ibang planeta. Ilang araw akong nanatili sa kakahuyan at sa hindi ko inaasahang pagkakataon, nakita ko siya, ang lalaking unang dumampi ng kanyang kamay sa aking buntot na nagbigay nang kakaibang pakiramdam sa akin. Katulad nang nakaraan, gano'n pa rin siya makatitig sa aking kabuuan. Kapagdaka'y nilapitan niya ako't hinawakan ang aking pisngi. Muli ko na namang naramdaman ang init ng kanyang mga palad, para akong nasa milky way nang mga oras na iyon.

"Isa kang alien!" sambit niya na manghang-mangha habang pinagmamasdan ako. Habang titig na titig din ako sa kanya ay inakay niya ako palabas ng kagubatan. Nagpaubaya ako, nagbabaka-sakaling sa pagsama ko ay mabago pa ang landas na aking tatahakin. Hindi na ako mag-iisa at mamumuhay sa gubat na nagtatago katulad ng mga hayop. Baka siya ang daan upang matuto akong makibagay sa kanilang mga taorara.

Sa pagpapaubaya'y nakarating kami sa kanyang laboratoryo at sinabi niyang dito siya nakatira. Iba't-ibang imahe ang nasa litrato ang nakapaskil sa bawat dingding na aming pinasukan. Karamihan sa imahe na nasa litrato'y mga kauri ko ring Tharara kaya nama'y napatingin ako sa kanya. "Mga kauri mo sila, 'di ba?" tanong niya sa akin. Napailing ako para sumang-ayon. "Matagal na akong nagsasaliksik tungkol sa inyo at alam kong totoo kayo, pero hindi ako pinaniwalaan ng gobyerno. Hindi raw kayo totoo. Ipinatapon nila ako rito at pinagbantaang h'wag magpalabas ng impormasyon at baka matakot ang mga tao. Pinagtawanan nila ako," kwento niya habang namumungay ang mga mata. Sa hindi maipaliwanag na dahilan, bigla ko siyang niyapos. Alam kong nasasaktan siya base sa reaksyon ng mukha niya. Ang inaakto ng aking katawan ay nakabibigla, hindi ko lubos maisip na ganito ako umakto sa harap ng isang taorara. Nakakapanibago, ngunit ito'y nagugustuhan ko.

Ilang buwan ang lumipas, nandito pa rin ako sa laboratoryo at namamalagi. At sa bawat araw na nasisilayan ko si Jose, ang lalaking nagdala sa akin dito sa laboratoryo, ay mas lalo ko siyang nagugustuhan. Umiibig na yata ako. Isa rin ito sa nalaman ko, may posibilidad pala talagang mahulog o umibig ang mga Tharara sa taorara. Frokvor, na kung tawagin sa planetang Earth ay pag-ibig. Totoo pala ito, ngunit wala akong maramdamang pag-ibig sa kanyang aura patungo sa akin. Galit ang nababanaag ko sa pagkatao niya. Paghihiganti, 'yon mismo. Marami na akong naikwento sa kanya at naibahagi tungkol sa aming mga Tharara at patuloy niya itong inaanalisa. Minsan ay natanong niya ako kung papayag ba akong magpagalaw sa kanya. Ibig sabihin ay pag-aaralan niya ang katawan ko. Kanyang pinag-aaralan ang kung paano akong gagawing tao. Ngunit hindi ako pumayag, kapag nangyari 'yon ay may posibilidad na mamatay ako. Nagalit siya, halos wasakin niya ang mga aparato sa loob ng laboratoryo. May tumulong luha sa mga mata ko pero hindi ko ipinakita 'yon sa kanya, baka mas lalo lang siyang magalit kapag nakita niya.

Ilang araw niya akong hindi pinapansin, nakararamdam ako nang hirap, ayokong nagkakaganito siya. Isang desisyon ang nabuo sa isipan ko, papayag na ako. Papayag na akong ipagalaw at itaya para sa kanya ang katawan ko, hindi ko kayang makita siyang balisa at hindi nagsasalita. Baka kapag nagtagumpay siya ay kusa na niya akong ibigin. 'Yon lang naman ang gusto ko, ang makita niya ako bilang taorara at hindi bilang isang Tharara na kinatatakutan ang itsura. At ang malasap ang tinatawag nilang pag-ibig. Kaya't agad ko siyang kinausap at sinabing pumapayag na ako sa kanyang balak gawin. Agaran niya akong niyakap at nahagkan niya pa ako sa aking pisngi sa labis na kanyang pagkagalak. Tuwang-tuwa ako sa kanyang ginawa. Gano'n pala ang pakiramdam kapag hinalikan ka.

Ngayon ay nakahiga ako rito sa isang higaan kung saan may katabing mga aparato. "Medyo matatagalan ang pag-aaral ko sa katawan mo, Jurara. Pero h'wag kang mag-alala, sisiguruhin kong magtatagumpay ako sa gagawin ko. Magtiwala ka lang," ani Jose na sinisimulan nang tanggalin ang aking kasuotan. Nang matapos niyang tanggalin ang suot ko, ay bigla niyang tinanggal ang isang hibla ng buhok ko. Nakaramdam ako nang panghihina sa kanyang ginawa, ngunit bakit? Alam niyang manghihina ako kapag tinanggal ang tatlong hibla sa buhok ko. Alam din niyang sa pangatlong hibla ay mawawalan ako ng ulirat. Tiningnan ko siya nang may pagtataka at kanyang sinabing, "Ibabalik ko rin sila, h'wag kang mag-alala." Nakita kong napangiti siya nang patago at nararamdaman ko ring hindi siya nagsasabi ng totoo. Niloko lang ba niya ako? Gagamitin niya lang ba ako para sa pansarili niyang motibo? Sa pangatlong hibla ay tuluyan na nga akong nanghina, ang buntot ko'y parang bulaklak na nalanta. Unti-unti nang pumipikit ang mata ko at sa huling pagkakataon, nabasa ko ang isip niya. Tama nga ako, may masama siyang balak sa akin. Gagamitin niya ako para makapaghiganti, hindi niya talaga ako gagawing tao. Ang lahat ng kanyang ipinakita ay pawang walang katotohanan, pawang panloloko lamang. Bakit ba ako nagtiwala sa kanya? Bakit sinunod ko siya? Bakit ako nagpauto? Sadya nga talagang nabulagan ako sa pagmamahal sa kanya. Ganito ba ang mga taorara sa planetang Earth?

Ito na ang katapusan ko, bumababa na ang sistema ko at hindi na ako magtatagal sa planetang ito. Bago ko maipikit ang aking mga mata'y may itinanong ako sa kanya, "Mrek nriklokorb yodrk weyrk?"

Final WaveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon