Sa isang natatanging kalawakan, naroon ang isang daigdig na punong puno ng kulay -- ang daigdig ng Elementalya. Ito ay lugar na binubuhay ng apat na pangunahing elemento, ang apoy, na siyang kinikilalang pinakamalakas sa lahat, ang tubig na siyang pinakakapaki-pakinabang, ang hangin na halos taglay ng lahat ng elementado, at ang lupa na itinuturing na pinakaordinaryong elemento.
Binubuo ng limang kulay at bayan ang buong daigdig ng Elementalya. Sa pulang bahagi nito, kung saan sumisikat ang haring araw, naninirahan ang mga elementadong apoy. Dito nagmumula ang pinakamatitikas na mandirigma na siyang nangangalaga ng kapayapaan sa daigdig.
Dito rin nanggagaling ang iba't ibang klase ng sandata, alahas, at materyales na ginagamit sa pang-araw araw na pamumuhay. Taglay nila ang pambihirang lakas kaya hindi sila nasusugatan ng anumang uri ng sandata.
Sa berdeng bahagi nito, kung saan naman lumulubog ang haring araw, naninirahan ang mga elementadong tubig. Dito naman nagmumula ang mga manggagamot na siyang nagiging tulay upang madugtungan ang buhay ng bawat elementadong may karamdaman. Taglay nila ang talentong magpalit ng anyo katulad ng isda, sirena, at iba pang uri ng lamang dagat.
Sa asul na bahagi naman matatagpuan ang mga elementadong hangin. Sila ang tagapangasiwa ng panahon ng daigdaig. Bagamat hangin ang kanilang elemento, kaya nilang kontrolin ang magiging panahon sa daigdaig tulad ng tag-init, tag-lamig, at marami pang iba. Taglay nila ang talentong maglaho at maging isa sa hangin.
Sa dilaw na bahagi naman ang elemento ng lupa, bagamat itinuturing na pinakaordinaryo, malaki ang ginagampanan nilang tungkulin sa daigdig. Sa kanila nanggagaling ang mga pagkain na siyang bumubuhay sa mga elementado sa buong daigdig.
Sila rin ang tagapagbantay sa mga aktibong bulkan upang hindi ito makapaminsala at makasira sa balanse ng buong Elementalya. Walang nakakaalam sa taglay nilang talento, marahil ito ang dahilan kung bakit ito tinawag na ordinaryo.
At sa gitnang bahagi, kung saan walang makikitang kulay, at kung saan malapit ang Punong Palasyo, naninirahan ang mga mamamayang hindi pa nagtataglay ng anumang elemento. Hindi kasi tiyak ang edad kung kailan magtataglay ng kapangyarihan ang isang elementado.
At sa oras na malaman na nila ang kanilang kulay, kailangan na nilang manirahan sa bayan kung saan sila tunay na nabibilang. Kailangan nilang iwan ang kanilang pamilya - na wala pang taglay na kulay, upang hindi masira ang balanse ng kulay sa buong Elementalya.
Kailanman ay hindi maaaring magsama ang dalawang elementado na magkaiba ang kulay. Hindi maaaring mabuhay ang apoy sa presensya ng tubig o hangin. Hindi naman maaaring maging masagana ang lupa kung ito ay napaliligiran ng apoy. Sa madaling sabi, hindi kailanman pwedeng maghalo at magsama ang magkakaibang elemento.
Noong simula ay nananatiling balanse ang mga elemento -- mayroong kinatawan ang bawat elemento sa konseho na siyang namumuno sa buong daigdig. Ngunit sa paglipas ng panahon ay nagkaroon ng pagnanais ang ilan na lumamang at mag-isang maghari sa buong Elementalya.
Sa ngayon, ang elemento ng apoy ang siyang naghahari sa lahat, and dating Punong Palasyo na pinamumunuan ng apat na konseho ay tila naging kaharian na ng mga Elementadong apoy dahil sa iisang kulay, ang pula, na namamayani rito.
Kinatatakutan ang elementong ito dahil sa taglay nitong lakas. Ang mga elementado na taglay ang apoy ang siyang itnuturing na may pinakamataas na antas ng lakas, talino, kapangyarihan, at katungkulan sa buong daigdig, at ang ibang elemento naman ay naging sunod-sunuran sa mga elementadong apoy upang mapangalagaan ang kanilang buhay at pagkakakilanlan.
Noon ay malayang nakagagamit ng taglay nilang talento at elemento ang bawat isa, babae man o lalaki, ngunit magmula ng maghari ang mga elementadong apoy, ipinagbawal nila ang paggamit ng mga kababaihan ng kanilang taglay na kapangyarihan. ito ay upang mabawasan ang maaaring makalaban nila sa pamamahala sa buong daigdig.
BINABASA MO ANG
ELEMENTO
FantasyMagtagumpay kaya si Iwa, isang babae, na basagin ang tradisyon ng kanilang daigdig na tanging kalalakihan lamang ang may kakayahang mangalaga ng bato ng mga elemento? Ating sundan ang kaniyang kwento.