"Pinatawag ko kayong lahat para makiisa sa pagsasanay na gagawin ng Punong Kaharian. Hindi lingid sa kaalaman ninyo na nagkaroon ng pangitain ang Punong Babaylan tungkol sa panganib na maaaring kaharapin ng ating daigdig dahil sa mga mapang-abusong nilalang mula sa ibang daigdig."
Nagtipon na ang lahat sa gitnang bulwagan upang pormal na ipakilala ang mga magsasanay upang maging tagapagtanggol ng Elementalya sa hinaharap.
Sinimulan ito ng Punong Hari na mula sa angkan ng mga apoy. Totoo nga ang balita na nagpaparamdam na ang mga maitim na elemento mula sa ibang daigdig.
"Batid kong ang ilan sa inyo ay mayroon nang taglay na elemento, ngunit may ilan din na nananatiling wala pang kapangyarihan. Upang hindi magkagulo, magkahiwalay na magsasanay ang mga may kapangyarihan at wala." Paliwanag ng Hari.
"Para sa mga may kapangyarihan na, maaari na kayong magtungo sa dulong bahagi ng kaharian kung saan kayo mamamalagi habang kayo ay nagsasanay." Isang grupo ng mga Bruja at Kawal ang naggiya sa kanila patungo sa magiging silid ng mga may kapangyarihan na.
Taas noong naglakad ang mga ito, tila ba ipinagmamalaki na mayroon na silang taglay na kapangyarihan.
Karamihan sa kanila ay may kasuotang kakulay ng kanilang elemento, marami ang pula, may ilang berde at asul, ngunit ni isa ay wala akong nakitang dilaw.
Ito rin ang dahilan kung bakit mas pinili kong sumama sa mga wala pang kapangyarihan. Magiging mapanganib para sa akin kung ipapakilala ko agad ang sarili ko na elementadong mula sa angkan ng lupa na nagtataglay ng kapangyarihan.
Sa hindi maipaliwanag na dahilan, mainit ang mga mata ng mga poy sa mga lupa. Kung hindi nila ito mapapaanib sa kanila ay binabawian nila ito ng kapangyarihan at buhay.
"Para naman sa inyo, mga wala pang kapangyarihan, kayo ay magsasanay hanggang sa lumipas ang dalawang kalahating bilog na buwan. Aaralin niyo ang lahat ng elemento upang malaman kung anong kapangyarihan ang kayang taglayin ng diwa ninyo. Pagkatapos nito, kayo ay malayang makapipili ng inyong elemento at talento."
Base sa kwento ni Ina, hindi maaaring pumili ng elemento at talento ang isang elementado. Ngunit dahil sa labis na pag-aaral ng mga Bruja, sa utos na rin ng Punong Hari ng mga apoy, batid na nila kung paanong ang isang elementado ay magtataglay ng elementong kaniyang nanaisin.
"Ngunit..." patuloy ng hari, "Sa oras na tanggihan kayo ng elementong inyong pipiliin, buhay ninyo ang maaaring maging kapalit. Kaya pinapaalalahanan ang lahat na kilalaning mabuti ang bawat elemento upang matiyak ninyo kung saang angkan kayo tunay na nararapat." Pagkatapos nito'y umalis na ang Hari kasama ang Soli Ate -- apat na kaluluwang diwata na sugo ng apat na elemento na siyang nagsisilbi at nagbabantay sa Pinunong Hari ng buong Elementalya.
Sa kabilang gusali ang silid na aming paglalagian. Hindi kagaya sa mga elementadong may kapangyarihan na, ito ay simple lang at masikip.
"Apat na engkanto ang magsasama-sama bawat silid." Wika ng Pinunong Kawal na naghatid sa amin.
Agad namang bumuo ng pangkat ang bawat isa. Halos lahat ay may grupo na, ako na lang ang wala at ang tatlong engkanto na nasa likod ko.
Nang lingunin ko sila upang kausapin at makiisa sa bubuuin nilang pangkat, napukaw ang atensyon ko sa isang pamilya na mukha.
Alon?
"Kayong apat, ito ang magiging silid ninyo." Bumungad sa amin ang isang maliit na silid.
Tanging putong - piraso ng tela, lamang ang nagsisilbing higaan namin. At kung hindi ako nagkakamali, magkakatabi kaming magpapahinga.
BINABASA MO ANG
ELEMENTO
FantasíaMagtagumpay kaya si Iwa, isang babae, na basagin ang tradisyon ng kanilang daigdig na tanging kalalakihan lamang ang may kakayahang mangalaga ng bato ng mga elemento? Ating sundan ang kaniyang kwento.